KAIN KALULUWA

95 4 0
                                    

"KAIN KALULUWA"
ni Wilmer Jordan
PISAK ang mga mata't nakanganga ang bibig ang pangunahing pagkakamatay ng ilang tao sa isang misteryosong bayan. Natatala ng mga pulis na tuwing ika-tatlo ng madaling araw nangyayari ang kahindik-hindik na pagkakamatay ng mga tao roon.
Ayon sa mga pulis, ang mga nagpupuyat lang ang namamatay. Dahil ang katibayan ay may hawak na cellphone ang mga biktima.
Naging sanhi 'yon ng takot sa nakararami't iniwasan ng magpuyat.
Tuwing ika-sampu naman ng gabi'y may matandang lalaking baliw ang makikita na nagpapagala-gala sa harapan ng mga bahay habang sumisigaw ng...
"Jazuro!, Jazuro! Huwag magpupuyat naririyan na si Jazuro!"
Ang paghalakhak ng matanda ang nagbigay-kilabot sa mga taong dumudungaw.
Pusikit na ang dilim sa kuwarto ni Rita, tanging ilaw lang ng cellphone ang nagbibigay tanglaw sa dilim. Mga huni ng kuliglig at tilaok ng manok ang maririnig sa labas.
Dahil abala sa pagpi-facebook, 'di niya namalayang inabot siya ng alas-dos ng hatinggabi.
"Huwag kang maniwala sa tsismis, mahal. Chat pa tayo dahil 'di pa ako makatulog," anang nobyo sa Messenger.
"Alam mo naman itong Baryo namin, mahal. Binabalot ng misteryo. Buti d'yan sa inyo walang gano'n na nangyayari kaya please, gusto ko ng matulog."
Nagtampo ang nobyo at nagsend ng Angry sticker.
Nababahala man si Rita na abutan siya ng gising sa pagpatak ng alas-tres ay mas nababahala siya na magkaro'n ng pagtatampo ang nobyo kaya pinagbigyan niya ito.
Dahil sa matagal na pagkakababad sa cellphone, inabutan ng alas-tres ng madaling araw si Rita. Noo'y pinatay niya ang kanyang cellphone at humiga. Pagpikit ng niya'y biglang umihip ang malakas na hangin mula sa bintana kaya puwersahan itong bumukas.
Napadilat siya at pabalikwas na bumangon upang tingnan ang bintana. May isang itim na
anino ang mabilis na dumaan kasabay ng nakapangingilabot nitong paghalakhak. Nagsimulang manlaki ng lubha ang mga mata ni Rita at gumapang ang matinding kilabot sa kanyang katawan, nais na ring sumabog ang nagpupumiglas niyang puso dahil sa labis na sindak.
Naririnig ng dalaga ang paiba-ibang direksiyon ng tinig nito na tila may sinasabi sa wikang 'di niya maunawaan, ang nakabubulahaw na boses nito ang nagpasakit ng kanyang tainga.
Nadarama ni Rita na tila nababalutan ng kakaibang presensiya ang kanyang kuwarto. Gusto man niyang magpakawala ng malakas na pag-tili ay 'di niya magawa sapagkat walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. May napansin siyang matangkad na aninong nakatayo sa tabi ng aparador. Nanghina ng tuluyan ang tuhod ni Rita at natumba siya sa sahig na nanlalaki ang mga mata. Lumapit sa kanya ang nakapangingilabot na anino't sinakal siya sa leeg. Nagsimulang magsiputakan ang mga mata ni Rita habang siya'y nakanganga.
"Ako si Jazuro, ang demonyong kumakain ng kaluluwa"
"Matatagpuan ako sa mga taong nagpupuyat, kaya ikaw na nagbabasa. Subukan mong hanapin ang pangalan ko sa Google. Dadalawin kita sa kuwarto mo sa pagpatak ng ika-tatlo ng madaling araw at mamatay ka sa isang marahas na pamamaraan!"
WAKAS

Haunter Files (Flash Fiction Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon