SALAMIN NI CASSIE

85 5 0
                                    

UHS HAUNTER FILES
Salamin ni Cassie
By Mr. Cutewriter

Unang araw ng burol ni Cassie nang dumating ang pinsan nitong si Cassandra na hindi kagandahan ngunit maarte sa katawan. Minsan na itong nakasagutan ni Cassie ngunit hindi siya nanalo dahil sa magaspang nitong dila na tagos sa buto kung magsalita. Minsan na ring napaiyak si Cassie nang sabunutan nito ang pinsan nang dahil lang sa putik na tumalsik sa kaniya na hindi naman nito kasalanan. Taas-noo itong lumapit sa kabaong at sumilip sa bangkay ni Cassie. May pangiti-ngiti pa ito bago tumalikod sa namayapang pinsan. Ang tanging sinasabi nito sa isip na mabuti nga't nangyari iyon kay Cassie.
Sa loob ng kabaong, ang mukha ng malamig na bangkay ay nag-iba. Ang dating mukhang animo'y natutulog ngayon ay nakakunot at ang mga labi nito'y may lungkot. Ang matang nakapikit ay biglang napamulat at galit na tumingin sa kisame ng bahay. Maya-maya ay ngumiti ito at muling bumalik sa dati nang sumilip ang ina nitong nagdadalamhati. Nanghihina ito sa labis na kalungkutan at nanginginig dahil sa sakit na nararamdaman dahil namatay itong hindi sila nagkikibuan.
Sa gilid ng sala ay makikita si Cassandra na di mapakali. Parang may hinahanap ito.
Napansin ito ng kaniyang Tiyuhin kaya tinanong nito ang pamangkin kung ano ba ang hinahanap. Sumagot si Cassandra nang pasigaw na kung wala bang salamin sa bahay.
Napalingon ang ina ni Cassie. Parang nasaktan ito sa sinabi ni Cassandra. Ang tiyuhin nito ay lumabas na lamang para magpahangin. Alam kasi nito ang ugali ng pamangkin.
Nakasanayan na ni Cassandra ang maghilamos bago matulog. Ito ay dahil sa ayaw niyang taghiyawatin sa mukha. Pumasok siya sa banyo. Agad niyang napansin ang tela na nakatakip sa isang bagay sa taas ng lababo. Muling tumaas ang kaniyang kilay.
Hindi na siya nag-atubili. Agad niyang tinanggal ang tela at doon ay tumambad sa kaniya ang salamin. Ngumiti siya sa harap nito. Ngunit nakasimangot ang mukha niya sa salamin. Nagtaka siya. Ngunit inisip na lamang niya na guni-guni lang iyon dala na rin ng kaniyang sobrang antok sa biyahe.
Binuksan niya ang gripo at naghilamos ng mukha. Ngunit nanibago siya rito; ang tubig ay mainit at malapot. Hindi niya iyon pinansin. Nang matapos siya sa paghihilamos, naramdaman niya ang tila pagkapit ng tubig sa kaniyang mukha. Pinunasan niya ito ng tuwalya ngunit nanatiling basa ang mukha nito. Nakaramdam siya ng sobrang init sa mukha.
Humarap siya sa salamin. Nanlaki ang mga mata nito. Ang kaniyang mukha ay nababalutan na ng gasolina dahil sa amoy nito. Sumigaw ito nang ubod ng lakas. Lumabas ang babaeng nakaitim sa salamin na may hawak na nakasinding kandila. Hindi na nakapagsalita si Cassandra lalo pa't kilala niya ang babaeng iyon. Huli na ang lahat nang maabutan ng mga kamag-anak nito ang bangkay ni Cassandra na bungo na lamang ang natitira sa ulo nito. Ang salamin ay muling natakpan ng tela bago sila nakapasok.
Makikita ang mukha ni Cassie na nakangisi sa loob ng kabaong dahil sa kaniyang tagumpay.

Haunter Files (Flash Fiction Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon