Chapter 3
"HUWAG po, maawa ka. Huwag!"
"Liz, anak gising," panggigising ng ina ni Liz sa kanya.
Habol-hiningang iminulat niya ang kanyang mga mata. Nag-aalalang mukha ng ina ang kanyang nabungaran, agad siyang yumakap dito. Isang buwan na buhat nang makabalik siya sa kanila. Sa loob ng isang buwan na iyon ay kinulong niya ang sarili sa kanyang madilim silid.
Mula nang araw na umuwi siya ay gabi-gabi na siyang hinahabol ng malagim na pinagdaanan. Wala siyang narinig na kung ano mula sa kanyang pamilya. Palaging nakaalalay ang mga ito sa kanya.
"Mama, hindi nila ako tinatantanan," umiiyak na aniya sa ina, "babalikan nila ako, 'ma."
Marahang hinaplos ng ina ang kanyang likod para patahanin siya.
"Anak, wala na sila. Patay na sila. Hindi ka na nila maaano," masuyong saad ng ina.
"M-mama, nahihirapan na ako. Bakit hindi na lang ako namatay? Bakit pa ako nabuhay kung gabi-gabi naman ako hahabulin ng bangungot na iyon? Ito ba ang kabayaran ng katigasan ng ulo ko? 'Ma, wala naman akong natatandaang ginawang mabigat na kasalanan, eh. Bakit ako pinaparusahan ng ganito? 'Ma, nais kong kalimutan ang nangyari sa akin, pero bakit hindi ko magawa? 'Ma, akala ko ba mapagpatawad ang ating AMA? Pero bakit ganito ang nararanasan ko?" tuloy-tuloy na saad niya na animo'y isang batang paslit na nagsusumbong sa ina.
"Anak, ang AMA ay mapagpatawad. Hindi ka Niya bibigyan ng isang toneladang pagsubok kung alam Niyang hindi mo ito kakayaning dalhin," malumanay na payo ng ina.
"Mapagpatawad, 'ma, bakit niya ako pinaparusahan ng ganito? Kasalanan ba ang kagustuhan kong tumayo sa sariling mga paa?" aniya.
"Anak tandaan mo lahat ng bagay na nangyayari sa atin ay siyang kagustuhan ng Ama. Nasa tao na lang kung paano natin dadalhin at lagpasan ang pagsubok na ibinibigay Niya. Kaya anak magpakatatag ka, narito kami para samahan ka sa pagsubok na ito," anito.
"Iyon na nga, 'ma eh. Hindi ko alam kung ano ang iisipin. Nandidiri ako sa sarili ko. Wala na akong mukhang maihaharap sa inyo dahil sa kagustuhan kong magsarili ay ninakaw sa akin ang aking dangal! Binaboy ng paulit-ulit! Hindi ko na alam, 'ma. Ayaw kong kaawaan n'yo ako. Ayoko ng gano'n. Alam mo bang pakiramdam ko ay pabigat na ako sa inyo. Pakiramdam ko isa akong kahihiyan sa pamilyang ito, dahil isa akong biktima ng panggagahasa. Ayokong lumabas dahil alam kong kukutyain lang ako ng mga tao. Ayoko na, 'ma. Ayoko nang mabuhay pa." Mahabang himutok na puno ng hinanakit ang tinig.
"Liz, anak huwag mong sabihin iyan. Hindi kami naaawa sa 'yo. Mahal ka namin. Pagmamahal ang pinapakita namin sa 'yo at hindi awa lang. Anak, sa bawat patak ng luha mula sa iyong mga mata ay para itong aspili na tinutusok ang aming puso. Sa bawat sigaw mo na nagmamakaawa kapag ika'y tulog para itong kutsilyong paulit-ulit na sinasaksak sa aming puso. Dahil wala kaming magawa para maibsan ang sakit at paghihirap mo. Ang tanging magagawa lang namin ay ipakita sa iyong mahal ka namin. Kung maaari nga lang na buhaying muli ang mga demonyong nagnakaw ng dangal at dumurog sa pagkatao mo, magiging kriminal kami para lang patayin sila nang paulit-ulit. Anak huwag kang panghinaan ng loob," emosyonal na saad ng kanyang ina.
Mahigpit niyang niyakap ang ina at doon umiyak nang umiyak. Ang sakit-sakit ng kanyang kalooban. Pero nagpapasalamat siyang hindi siya pinabayaan ng mga ito. Kahit na si Ivan ay palagi siyang dinadalaw at kinakamusta. Tanging ito lang maliban sa kuya at papa niya ang hindi siya natatakot. Minsan siyang dinalaw ng mga pinsan niyang lalaki. Pero pagkakita sa mga ito ay agad siyang tumakbo pabalik sa kanyang silid at nanginginig ang katawang nagtalukbong ng kumot.
Nais ng mga ito na magpagamot siya sa isang psychiatrist, pero nagwala lang siya at sinabing hindi siya baliw.
"Tahan na, anak. Nandito lang kami. Kung gusto mo umalis tayo ng bansa para makalimutan mo ang lahat nang ito," malumanay na aniya ng kanyag ina.
BINABASA MO ANG
SAVE ME, HEAL ME, LOVE ME ; BY: GEMVILLA
Romantizm"Save me. Heal me. Love me."---Eliza Rhayne Daez. "I wanna save you from your miseries. I wanna heal your wounded being. I wanna say I truly love you." --Ivan Bitangkol