HMK-1.2

9.8K 332 13
                                    

HMK-1.2

Tumakbo ako hanggang sa marating ko ang paborito kong lugar. Ang tagong parke sa gubat. Hindi na kasi gumagawi ang ibang estudyante rito kahit na ang totoo'y inaalagaan pa naman ito ng mga hardenero. Malinis at sariwa ang mga bulaklak na nakatanim dito sa maliit na parke. Inilapag ko ang mga gamit ko sa damuhan at lumakad palapit sa duyan. Umupo ako rito at napalumbaba. Hindi ko alam kung bakit naririnig ko siya at kung bakit naiintindihan ko ang mga salitang binibigkas niya. Normal ba talaga ako? Palagi kong tinatanong ang inay Lucinda kung bakit parang may kakaiba sa akin. Tulad na lamang ng hindi ko pagkakasakit, mga sugat na gumagaling agad at hindi nag-iiwan ng peklat sa katawan. Lalong-lalo na ang hindi ko pagtanda. Minsan tuloy ay napapaisip ako kung ampon ba ako ng mga magulang ko. Normal naman ang kapatid kong si Erika. Sa katunayan nga niyan ay dalagita na ito at tumatanda na rin ang mga magulang ko. Samantalang ako? Nanatili sa pisikal kong kaanyuhan sa edad na bente singko gayong ang totoo kong edad ay umabot na sa singkuwenta. Wala kasi akong maalala at hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Bumuntong-hininga ako at napatayo. Bigla namang humangin ng malakas kaya todo hawak ako sa aking buhok at palda. Bigla namang may humalik sa aking batok kaya natigilan ako at nanigas sa aking kinauupuan.

"Tinatakasan mo ba ako Angelika?" Napalunok ako. Hindi ako agad nakaimik. Gumapang ang dalawang kamay nito sa aking manipis na baywang. Parang nabitin sa ere ang aking hininga.

"Huwag na huwag mo akong tatakasan." Napalunok ako.

"Hindi..." Napalunok ako ulit.

"Hindi kita tinatakasan. Bakit ko naman po gagawin sa inyo iyon?" Ipinatong naman nito ang kanyang baba sa aking kanang balikat.

"Nanlalamig ka, tagaktak ang pawis mo, nanginginig ang mga tuhod mo, nakabibingi ang tibok ng iyong puso, lalamunan mong nanunuyo at ang bibig mong nagsisinungaling. Sa tingin mo ba'y hindi ka natatakot sa akin?" Mariin kong nakagat ang aking labi. Kumalas naman ito sa akin at lumakad sa aking harapan. May ibinigay siya sa akin na isang papel. Napatanga lang ako sa hawak niya.

"Nakakangalay sa isang immortal, nakakainis naman sa isang kagaya kong maharlika." Napalabi ako at agad na kinuha sa kanya ang papel. Nang buksan ko ito ay halos malaglag ang aking panga. Isa itong kautusan na magiging amo ko siya at siya lamang din ang magpapasya kung kailan matatapos ang aking tungkulin.

"Simula sa araw na ito. Kapag tinawag kita, alam mo na ang gagawin. Hindi lang ako basta mainipin Angelika kaya huwag mo akong susubukan. At isa pa nga pala? Galing ang sulat kay ama, kaya bawal kang tumanggi." Pagkatapos ng mahaba nitong salaysay ay bigla na lamang itong nawala sa aking harapan. Nanlulumo akong napaslampak sa damuhan. Hindi nga ako makakatanggi sa kanya ngunit may labis akong napuna sa kanya. Oo, aminado akong gusto ko siyang paglingkuran. Sino ba ang aayaw sa isang alok na ganyan gayong gustong-gusto ko naman na makasama siya. Iyon nga lang ay may nagbago sa kanya. Nawala na ang mga ngiti sa kanyang mukha na palagi kong nakikita sa tuwing nagpupunta ako sa mansyon ng mga Zoldic. Nawala ang pagiging kuwela nito at pagiging palabiro. Parang hindi na siya ang Zsakae na gusto ko. Ibang-iba sa Zsakae na minahal ko ng palihim. Napatingala ako upang pigilan ang pag-agos ng aking mga luha sa mata. Konti akong napatawa sa aking sarili. Ang baliw ko! Pinahiran ko ang aking mga basang pisngi.  Tinupi ko na iyong papel na hawak ko bago tuluyang napatayo. Kinuha ko ang mga gamit ko at lumakad na pabalik sa gusali na pinapasukan ko.

"Angelika," salubong sa akin ni Kaye.

"Tapos na ang klase?" tanong ko pa.

"Oo. Saan ka ba galing?" Hindi ko siya sinagot at ibinigay sa kanya ang hawak kong papel. Binuklat naman niya ang pagkakatupi ko sa papel.

"Ano!?" gulat niyang reaksyon matapos mabasa ang nakapaloob sa papel.

"Kaya ko Kaye," anas ko at binawi sa kanya ang papel.

"Pero Angelika naman!" "Ayos lang ako," sagot ko agad.

"Trabaho lang ito Kaye," segunda ko. "Patay na patay ka talaga sa nilalang na iyon, ano?" Mapait akong napangiti.

"Hindi ko na alam Kaye. May malaking nagbago sa kanya. Maiwan na muna kita dahil kailangan ko pa siyang puntahan." Hindi ko na hinintay ang kanyang sagot.

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon