Muntik na akong matumba nang biglang dumating si Zsakae sa harapan niya. Naigting ang aking panga. Ang hilig niya talagang manggulat. Halata rin sa itsura ng dalagitang si Angelika ang matinding pagkagulat nang makita si Zsakae.
"May gagawin ka na naman bang katangahan Gel," ani Zsakae.
Napaatras siya. Bigla namang bumilis ang tibok ng aking puso nang sambitin niya ang aking palayaw.
"Wala akong ginagawa! Puwede ba ay umalis ka sa aking harapan. Ayaw kong makita ka!"
Pero matigas si Zsakae, mas lalo siyang lumapit. Muling naman siyang napaatras. Pero sa kakahakbang niya'y tumama na ang kanyang balakang sa bakal na barandilya.
Niyapos siya ni Zsakae sa kanyang baywang at parang pati ako ay kinilabutan sa haplos niyang iyon. Parang nararamdaman ko rin ang kanyang mga haplos.
"Hindi ako lalayo sa iyo. Patigasan na ng bungo Gel pero lalabas kang talo kapag umayaw ka pa sa akin. Ayaw na ayaw ko iyong tinatanggihan ako lalo pa't alam kong akin ka. Sa akin."
Napalunok ako. Grabe talaga siya! Bigla naman niya itong hinalikan. Napatalikod ako at napasandal sa pader. Pakiramdam ko'y parang tapos na ang aking misyon. Mariin akong napapikit at nang magdilat ako'y nasa ibang lugar na ako. Napalinga-linga ako sa aking paligid. Nasa harapan ako ng dati kong silid at ang kuwarto ni Zsakae. Madilim ang buong pasilyo at ang buwan lamang ang tanging nagsisilbi kong ilaw sa aking madilim na paligid. Marahan akong hinampas ng malamig na simoy ng hangin. Agad na nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Niyakap ko ang aking sarili. Parang nanigas ang aking leeg at ang napako ang aking mga paa sa sementong aking kinatatayuan. Biglang bumigat ang aking paghinga. Huminga ako ng malalim. Hahakbang na sana ako nang bigla akong makarinig ng mga yabag. Bawat apak ng mga paa nito'y umaalingawngaw sa aking pandinig. Biglang tinambol ang aking dibdib dahil sa sobrang kaba. Ang mga yabag ng mga paa nito ay nagmumula sa pinakamadilim na sulok ng pasilyo. Napaatras ako ng hakbang, na siya rin namang paghakbang nito ng pasulong. Nahigit ko ang aking hininga. Sa pandinig ko ay halos malapit na ito sa akin. Hanggang sa makita ko ang pagliwanag ng mga mata nito sa dilim. Kulay pula! Bigla akong nakaramdam ng pananabik na may halong takot. Biglang bumagal ang aking paghinga. Parang nakabitin sa ere at kay hirap habulin. Humakbang pa ito hanggang sa tuluyang lumitaw ang bulto ng kanyang katawan. Nililipad ng hangin ang kulay puti niyang mga buhok, maging ang suot niyang tsaketa na gawa sa katad. Nakapamulsa pa ito habang humahakbang palapit sa akin. Agad na nanubig ang aking mga mata nang ito'y mag-angat ng tingin sa akin. Isang mahaba at mabagal na pagsinghap ang aking nagawa.
"Zsakae..." anas ko.
Kahit na puno ng itim na marka ang kanyang katawan ay kilalang-kilala ko pa rin siya. Pumikit man ako, ay alam ng aking puso na siya ang nasa aking harapan.
"Akala mo ba ay hindi kita nakikita at napapansin? Lahat ng galaw mo'y alam ko, Gel."
Nag-unahan sa pagbasak ang mga luha ko sa mata.
"Nahirapan ka ba?"
May sariling utak ang aking katawan. Biglang umiling ang aking ulo.
Humakbang pa siya palapit sa akin.
"A-alam mo?" nanginginig kong sambit.
Isang pilyo na ngiti ang ibinalik niya sa akin.
"Bakit naman hindi ko malalaman, Gel? Isa akong Zoldic, nakalimutan mo na ba?"
Agad na lumipad ang mga palad ko sa aking bibig. Pinipigilan ko ang huwag mapaungol.
Isang hakbang pa palapit sa akin at tuluyan na niyang nayapos ang aking baywang. Ikiniskis niya ang kanyang kaliwang pisngi sa aking luhaang pisngi.