HMK-4.1

7.4K 239 5
                                    

HMK-4.1


GULAT ang mukha ni Kaye nang makita niya ang aking ayos.

"Galing! Piknik ba pupuntahan natin do'n Gel?" Ngumuso ako.

"Walang problema sa bestida at sumbrero ko Kaye. Ikaw? Saan ang karera mo?" Siya naman ang napanguso.

"Tara na nga!" anito at agad akong tinalikuran.

Natawa na lamang ako. Tinungo na namin ang daan papuntang ilog. Nasa loob pa rin naman ng unibersidad ang ilog na pupuntahan namin kaya napagpasyahan namin ni Kaye na mauna na lang sa iba pang mga kaklase namin sa araling ito.

"Mabigat ba 'yang mga pamingwit Kaye? Akin na 'yang isa," sabi ko pa.

"Gusto mo buhatin pa kita?" Napangiwi ako.

"Ikaw na," sarkasmo kong wika at nagpatiuna sa paglakad.

Nang makarating kami sa ilog ay bumungad sa amin si Propesor Escanda.

"Ang aga yata ninyo mga binibini," nakangiting wika pa ni Propesor Escanda sa amin.

"Mainam po na maaga, doon po muna kami," ani Kaye at hinila ako.

"Maganda ang puwesto do'n Kaye," protesta ko pa.

"Gusto ka niyang kainin. Ano? Lalapit ka pa?" Umawang naman ang aking bibig.

"Kainin? A-ako? Seryoso ka Kaye? Ha-ha!" Marahan naman niyang pinitik ang aking noo.

"Taong-lobo siya at nakikita ko sa mga mata niya ang matinding pagnanasa sa iyo. 'Di mo ba napupuna ang kakaibang pakikitungo niya sa iyo?" Umiling naman ako. Wala talaga akong ideya na may balak pa lang masama si Propesor Escanda sa akin. Masyado kasing mabait ang itsura nito. Mabilis kong niyakap si Kaye.

"Salamat," utas ko. Ginulo lamang niya ang aking buhok.

"Ihanap mo na ako ng mga bulate, bilis!" utos pa nito.

"Manghuli ka na lang kaya."

"Mandaraya ang tawag do'n. Bilis Gel!" Pumalatak na lamang ako at kinuha ang huawanta. Isinuot ko ito sa aking mga kamay at kinuha ko rin ang maliit na balde. Tinungo ko ang kabilang dako ng ilog. Malusog ang lupa sa parteng pinuntahan ko at paniguradong maraming bulate. Habang abala ako sa pagbubungkal ng lupa ay bigla na lamang may gumalaw sa tubig. Dahan-dahan akong bumaling dito. Letse! May gumagalaw talaga sa ilalim! Agad akong napatayo at bahagyang umatras.

"Gel," biglang litaw ni Zsakae mula sa ilalim ng tubig. Sa gulat ko'y natumba ako.

"Asar!" anas ko.

Tuluyan naman itong umahon. Agad na hinagod ng mga mata ko ang ayos nito. Wala itong suot na pang-itaas at naka-asul na maong lamang. Medyo maluwang pa ang pagkakasinturon nito sa kanyang suot na pantalon at kitang-kita ko ang mabalahibo nitong puson. Napalunok ako.

"Istorbo ka," aniya. Nalukot ang aking noo.

"Ako? Istorbo?" Itinuro ko pa ang aking sarili. Pinaningkitan naman ako nito ng kanyang mga mata at umalis sa aking harapan. Bigla itong lumitaw sa kabilang pampang.

"Hayon! Akala ko ba bulate ang hinahanap mo? Pandesal pala ang hinuhulma ng mga mata mo Gel," biglang sulpot ni Kaye sa aking likuran.

"'Di ha," tanggi ko pa.

"Sabagay, wala ka namang gusto sa kanya 'di ba? Sampung taon ka ring walang gusto sa kanya. Nako! Wala ka ngang litrato niya sa pitaka mo e!" Namilog ang aking mga mata at agad na tinakpan ang kanyang bibig.

"Baliw ka! Pa'no kung marinig ka niya! Asar!" bulong ko kay Kaye.

"Hindi niya pa talaga alam sa lagay na 'yan? Patay na patay ka nga sa kanya. Ang manhid naman," anito at kinuha ang bulateng nakita niya.

Nagsalubong ang aking mga kilay at inirapan siya. Bumalik ako sa aking ginagawa. Ngunit tumatakbo sa aking isipan ang sinabi ni Kaye. Alam niya ba talaga? Sadya bang nagpapanggap siyang walang alam? Laglag ang aking mga balikat.

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon