'Hayop ka! Hayop!" Pinaghahampas niya ang dibdib ni Zsakae hanggang sa tuluyan siyang nawalan ng lakas at biglang nahimatay. Gusto kong lumapit at patahanin ang sarili ko ngunit ang bilin ni Luna ay hindi ako dapat magpakita sa kanya. Kailangan ko lang gumawa ng paraan para mabago ang mga desisyon niya sa buhay. Sa buhay ko mismo.
Kinarga naman siya ni Zsakae ay dinala sa makipot na daan pala sa lumang bahay. Hinayaan kong makalayo siya ng konti bago ako sumunod. Maingat ang aking mga naging pagkilos. Alam kong anumang oras ay mapupuna ni Zsakae na may nakasunod sa kanya.
Habang nakasunod ako sa kanila ay lutang ang aking pag-iisip. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Hndi ko alam kung ano ang paraan para mabago ko ang hinaharap.
Huminga ako ng malalim. Natigil ako sa paghakbang nang tumigil rin si Zsakae. Dinala niya ako sa isang maliit na kubo. Isang dalaga ang lumabas mula sa kubo, sumunod nito ay ang isang binatang lalaki.
Lumuhod ang mga ito sa harapan ni Zsakae. Lumapit ako at nagkubli sa malaking puno upang marinig ko ang kanilang usapan.
"Lucinda, siya si Angelika, alagaan mo siya. Ituring ninyo na parang una ninyong anak. Babalikan ko siya sa iyo sa katapusan ng buwan upang alisin ang kanyang masalimuot na alaala."
"Masusunod po," sagot ni Lucinda.
Biglang nawala si Zsakae.
Umawang ang aking bibig at napasandal ng todo sa malaking puno.
"Hindi ko totoong ina si inay Lucinda, maging ang kinikilala kong ama, isa nga akong ampon," anas ko. Muling bumagsak ang mga luha ko sa mata. Bakit wala akong maalala? Ngunit narinig ko kay Zsakae, aalisin niya ang aking masalimuot na memorya. Kung ganoon siya ang may sala kung bakit hindi ko maalala ang naging nakaraan ko. Napukpok ko ulit ang aking ulo. Sumasakit na naman ito.
Muli akong sumilip. Wala na ang dalawa. Tumayo ako ng tuwid. Akmang lalakad na sana ako palapit sa kubo ngunit biglang nagbago ang aking paligid. Ang kaninang hapon na senaryo ay naging umaga. Tirik na tirik pa ang araw. Muli akong napatago ulit nang biglang may lumabas sa kubo.
"Ayaw ko! Ayaw ko sa inyo!"
Hinabol siya ng inay Lucinda.
"Anak, wala na ang mga totoo mong mga magulang, kami na lamang ang natira sa iyo. Pakiusap Angelika, huwag na sanang matigas ang iyong ulo."
"Hindi! Ang lalaking iyon ang pumatay sa mga magulang ko! Siya ang pumatay sa mga magulang ko!"
Ramdam na ramdam ko ang matinding hinanakit at galit niya. Ngunit mali siya, mali ako, dahil hindi si Zsakae ang pumatay sa mga magulang ko. Iba!
Tumakbo siya ng matulin at hindi na nahabol pa ng inay Lucinda. Agad akong umalis sa aking puwesto at hinabol ito. Napadpad kaming dalawa sa masukal na kagubatan. Walang ampat sa pagtulo ang kanyang mga luha. Gusto ko siyang yakapin at sabihin sa kanya ang totoo ngunit hindi puwede.
Muling siyang tumakbo at pumasok sa isang kuweba na kung saan ay aakalain mong natatakpan lang ng mga baging ngunit may lihim pa lang lagusan.
Alam ko ang lugar na ito. Ito ang lungga ng senyorito Mattheaus! Hinabol ko siya hanggang sa tumapat kami sa likurang bahagi ng talon. Hindi na ako sumunod sa kanya at nanatili na lamang sa aking kinatatayuan. Sa aking puwesto ay nakikita ko ang kanyang mga kilos. Hindi man malinaw dahil sa natatakpan ako ng rumaragasang tubig ngunit sapat na ito upang may pagkublihan ako.
Iyak siya nang iyak at sigaw nang sigaw.
"Anong ginagawa mo sa lugar na ito?"
Napasinghap ako. Ang senyorito Mattheaus!
"Sino ka?" tanong ng dalagitang ako.
"Ikaw ang dapat kong tanungin niyan."
Pumalahaw siya.
"Gusto ko lang tumakas. Gusto ko lang kalimutan ang lahat! Ang hayop na lalaking iyon! Ang lalaking pumatay sa mga magulang ko."
Hinawakan naman ng senyorito Mattheaus ang kanyang kanang kamay.
"Isa kang itinakda."
Namilog ang aking mga mata dahil sa aking narinig at agad na inusisa ang aking kanang pulsuhan. Walang marka. Ngunit paano ako naging itinakda? Ang hinaharap ko'y hindi ako ang itinakda kay Zsakae kundi si Eunice. Anong ginawa ko? Ito ba ang pagkakamaling nagawa ko sa aking nakaraan?
"Ang itim na rosas. Umuwi ka sa inyo. Pakuluan mo iyan at inomin. Mawawala lahat ang mga alaala mo."
Mabilis pa nitong kinuha ang itim na rosas sa taniman ng senyorito Mattheaus at tumakbo pabalik dito sa lagusan na aking kinatatayuan. Agad akong napatakbo at nagkubling muli. Tumakbo siya pauwi dala ang isang itim na rosas. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Hindi ko hahayaan mainom mo iyan! Hindi puwede! Sa oras na mainom niya ang katas niyan ay mawawala rin ang bisa ng pagiging isang itinakda! Ang tanga ko! Ang tanga-tanga ko!