HMK-8
Bigla namang bumukas ang aking pinto at iniluwa nito si Eunice. Agad niya akong sinugod at dinamba.
"Hayop ka! Mang-aagaw ka! Malandi! Ano!? Masarap ba ang nobyo ko!? Sumagot ka!" Sinabunutan niya ako at halos nakasampa na siya sa akin. Hindi ako gumanti. Sinangga ko lang lahat ang mga sampal at sabunot niya sa akin.
"Malindi ka! Hindi bagay sa iyo ang pangalan mong Angelika! Ang dapat sa iyo Devi! Demonyeta ka! Hayop! Ang kapal ng mukha mong agawin siya sa akin! Dahil sa iyo'y pinaparusahan na siya ngayon ni Luna! Pinapatay mo siya! Pinapatay mo siya dahil sa kalandian mo!" Pag-iyak lang ang tanging nagawa ko.
"Eunice! Hangal ka!" Si Kaye at biglang ibinalibag si Eunice sa pader. Tinulungan akong makatayo ni Kaye at inayos ang mga buhok ko. Ang ilan pa sa mga hibla ng aking buhok ay nasa sahig dahil sa pagsabunot sa akin ni Eunice.
"Mga hayop!" Akmang susugod itong muli ngunit biglang lumitaw si Zsakae at malakas ng sinampal si Eunice. Pareho kaming dalawa na nagulat ni Kaye.
"Ilang beses ba kitang babalaan. Alam mong noon pa man ay 'di kita gusto!" mariing wika ni Zsakae kay Eunice. Agad akong lumapit kay Zsakae.
"Tama na!" awat ko sa kanya.
"Huwag mong sagarin ang pasensya ko," muling wika ni Zsakae bago nawala sa aming harapan. Mariing nakuyom ni Eunice ang kanyang mga kamao at matalim akong tinitigan.
"Pagbabayaran mo ito! Hindi pa ako tapos sa iyong malandi ka!" Pagkatapos nito akong bantaan ay agad din namang lumabas si Eunice sa aking silid. Natampal ko ang aking noo.
"Kasalanan ko 'to," umiiyak kong wika. Niyakap naman ako ni Kaye.
"Hindi mali ang magmahal Gel. Hindi mali ang sumugal. Nagkataon lang na 'di sa tamang panahon at oras ito nangyari. Huwag mong sisihin ang sarili mo Gel." Umiling-iling ako at kumalas sa kanya.
"Buo na ang pasya ko Kaye. Gusto ko na ang lumayo. Kahit mahirap at masakit sa akin ang malayo kay Zsakae ay kakayanin ko."
"Imposible ang gusto mo Gel. Alam mong wala akong sapat na lakas para labanan si Zsakae, Gel. Hahanapin ka niya." Umiling ako at napahilamos ng aking mukha gamit ang aking mga palad.
"Kahit na Kaye! Ayaw ko ng ganito! Alam kong sa una pa lang ay kasalanan ko na. Kasalanan ko kung bakit humantong ako sa ganitong sitwasyon. Mahal na mahal ko si Zsakae ngunit ano ba ang laban ko kay Eunice? Wala Kaye! Ni katiting na pag-asa ay wala! Nagmahal lang naman ako Kaye. Kasalanan ba ang magmahal? Masakit na marinig kay Eunice ang lahat ng 'yon. Hindi ako malandi. Sino bang babae ang gugustuhing matawag na malandi? Matawag na isang mang-aagaw? Kahit sinong babae ay walang gusto na matawag na gano'n. Sabihin na nating lumaban nga ako sa pagmamahalan naming dalawa. Paano kung habulin kami ng kataas-taasang hukom? Manganganib si Zsakae at ayaw ko mangyari iyon sa kanya. Ayaw ko." Napaluhod ako at patuloy pa rin sa pag-agos ang aking mga luha sa mata. Lumuhod din si Kaye sa aking harapan.
"Tahan na Gel. Kung gusto mo talagang lumayo ay ilalayo kita." Tanging mahigpit na yakap lamang ang aking naging tugon.
PALIHIM kong iniligpit ang aking mga gamit. Samantalang si Kaye naman ay palihim ding tinungo ang aming punong guro para ipatigil pansamantala ang aming mga araling 'di na namin papasukan ni Kaye. Kahit nakukunsensya ako'y 'di ko napigilan si Kaye sa kanyang desisyon na tumigil din sa pag-aaral. Ang rason niya'y 'di niya ako kayang pabayaan.
"Gel," sambit ni Zsakae sa aking likuran. Agad ko siyang hinarap. Mabuti na lamang at naitago ko kani-kanina lang ang aking maleta sa ilalim ng aking kama.
"B-bakit?"
"Mahal kita." Agad na nanubig ang aking mga mata. Gusto kong magsumamu na itigil niya na ito ngunit maging ang sarili kong dila ay napapaurong din. Humakbang ito palapit sa akin at hinawakan ang aking pulsuhan. May sinambit ito ngunit wala namang lumalabas sa kanyang bibig. Nang bitiwan niya ang aking kamay ay bahagya akong napaungol. Bigla kasing bumigat ang kaliwang kamay ko. Nahaplos ko ang aking pulsuhan at biglang nawala sa pakiramdam ko ang mabigat na bagay na 'yon. Muli ay hinapit naman niya ako sa aking baywang at siniil ako ng halik.
"Mahal na mahal kita Gel." Nahigit ko ang aking hininga at tumugon sa kanyang halik. Huli na ito Zsakae. Huli na ito mahal ko. Umuna akong kumalas sa kanya. Mangiyak-ngiyak akong inayos ang manggas ng kanyang damit.
"Gel." Umiling ako.
"Ayos lang ako." Humalik naman ito sa aking noo. Mariin akong napapikit. Hindi ito nagsalita at tinalikuran ako. Lumabas ito ng aking silid. Humikbi ako ngunit agad kong pinunasan ang aking mga pisngi. Hindi ako dapat magpadala sa bugso ng aking damdamin. Baka magbago lang ang aking desisyon sa oras na bumigay ako.
"Gel!" biglang pasok ni Kaye.
"Bakit Kaye?"
"Ayos na. Tara."
"Pero maaga pa. Baka makita tayo ni Zsakae." Umiling naman ito.
"Nakita ko siyang umalis ng unibersidad. Tara na. Iba na kasi talaga ang kutob ko kay Eunice. Malakas ang pakiramdam kong may gagawin siyang hindi maganda sa iyo. Tara na Gel." Nag-aalangan man ako ngunit agad kong kinuha ang aking maleta sa ilalim ng aking kama. Kinuha naman ito ni Kaye. Nang makalabas kami ng aking silid ay nakahanda na rin ang mga gamit ni Kaye. Mabilis niya itong kinuha at biglang dumiretso sa pagtalon, pababa ng aming dormitoryo. May sasakyan agad na huminto sa tapat nito. Agad din naman nitong ipinasok sa loob ng sasakyan ang aming mga maleta. Ako naman ay nagkukumahog sa pagbaba sa hagdanan. Nang matapat ako sa sasakyan ay agad din naman akong pumasok sa loob.
"Saan tayo pupunta Kaye?" baling ko sa kanya.
"Sa lugar kung saan malayo rito at hindi tayo agad masusundan." Nakahinga ako ng maluwag. Sana nga'y sa bagung lugar na aking titirahan ay makapagsimula sana ako ng bagong buhay. Malayo man kay Zsakae ay ayos lang. Huwag lang siyang manganib ay titiisin ko.