HMK-12

4.5K 145 7
                                    

HMK-12

BIGLANG nagising ang aking diwa. Mariin lamang akong napapikit at kinusot ang aking mga mata. Ngunit agad akong napadilat ako nang bigla kong maalala ang mga nangyari. 

"Zsakae!" sambit ko ngunit laking pagtataka ko't nasa isang parke ako. Sa parke kung saan ako kumportable, ang paborito kong parke sa aming unibersidad.

Agad akong napabangon mula sa aking pagkakahiga sa duyan. Agad akong lumakad at tinungo ang daan pabalik sa aking dormitoryo ngunit agad din naman akong natigilan. 

"Gel! Baliw ka na talaga!" wika ni Kaye at ginulo ang buhok ng babaeng kanyang kaharap. Natigilan ako nang makita ko kung sino ang kausap ni Kaye. Ako! Ako ang kausap niya! Ngunit naguguluhan ako dahil dalawa kami, ngunit paano? Siya ay ako, ako ay siya? 

Nasapo ko ang aking dibdib. Hindi ako makapaniwalang nakikita ko mismo ang aking sarili. Tinawanan ko ang aking sarili. Imposible! Imposibleng maging dalawa kami! Hindi ito totoo! Napaatras ako. 

"Nagulat ka ba?"

Dahan-dahan akong napalingon sa aking likuran. Isang babaeng nakaitim ang nakatayo sa aking harapan. Nakakasilaw pa ang kagandahan niya. 

"Sino ka?"

"Ako si Luna." 

Natutop ko ang aking bibig.

"Ito ang unang beses na nag-anyong tao ako at nagpakita sa isang nilalang na kagaya mo."

Hindi ako makapagsalita. Bigla akong napipi. Si Luna? Siya si Luna? 

"Alam kong naguguluhan ka ngayon ngunit wala na akong oras pa Angelika. Kailangan mong maitama ang mga pagkakamaling nagawa mo. Kailangan mong tanggapin kung ano ang naging unang kapalaran mo upang mabago ang hinaharap."

"Hindi kita maintindihan," naguguluhan kong sagot sa kanya.

"Simulan natin kung paano mo nakilala si Zsakae."

Magsasalita pa sana ako ngunit biglang nabago ang aking paligid, hanggang umabot ang senaryo sa kung saan ay nakita ko na naman ang aking sarili sa harapan ng isang lumang bahay.

"Nakikita mo ang iyong sarili sa nakaraan, kasalukuyan at ikaw bilang isang hinaharap. Ngayon Angelika, makinig ka sa akin. Kung gusto mong mabago ang hinaharap. Ayusin mo ang nakaraan at ang kasalukuyan mo. Gawin mo ang lahat upang mabago ang mga desisyon niya sa buhay." Itinuro niya ang sarili ko mula sa nakaraan. 

"Ngunit may hindi ka dapat na gawin. Huwag na huwag kang magpapakita sa iyong sarili Angelika." Lumapit naman siya sa akin at hinaplos ang aking mukha. 

"Wala akong ginawang ikasasama ng mga nilikha ko Angelika, bagkus, ako'y isang gabay lamang upang mapabuti ang inyong mga landas. Manalig ka Angelika. Sa oras na magtagumpay ka'y magiging maayos din ang lahat."

Sa isang kurap ng aking mga mata ay bigla na lamang itong nawala sa aking harapan. Halos manlumo ako at halos natuyuan ang aking lalamunan. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako kung talagang si Luna ba talaga ang nagpakita sa akin. Ngunit paano ko ba maipapaliwanag itong nangyayari sa akin. Marahil ay siya nga si Luna. Huminga ako ng malalim at inayos ang aking sarili. Mula sa malayo ay tanaw ko ang aking sarili na nakatayo mula sa lumang bahay. Pinagmasdan ko ang lumang bahay. Wala akong maalala sa bahay na ito at sa lugar na ito. 

Napatago ako agad sa likod ng malaking puno nang bigla siyang lumingon sa gawi ko. Napabuga ako ng hangin, kinakabahan ako na natutuwa dahil nakikita ko ang aking sarili. Muli siyang humarap sa lumang bahay at pumasok.

"Inay, nandito na ako, inay!" anito. 

Lumapit ako nang masiguro kong nakapasok na siya sa loob ng bahay. Sumilip ako sa siwang ng bintana. 

"Ah!" malakas na tili nito at galing ito sa aking sarili. Agad akong umikot sa likod ng bahay at nasaksihan ng dalawa kong mata ang pagkitil ng isang taong lobo sa isang may edad na babae. Hindi ko siya kilala ngunit bakit kilala siya ng aking katauhan sa nakaraan? Napaatras ako dahil sa matinding pangamba na baka kung napaano na ang aking sarili mula sa nakaraan. Muli akong bumalik sa pagsilip sa unang bintana na aking sinilipan kanina. 

Yakap-yakap niya ang isang lalaking duguan at nakahandusay sa sahig. Napuno ng palahaw ang buong kabahayan at pakiramdam ko'y parang gustong sumabog ng aking dibdib at hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung bakit nasasaktan din ako ng ganito. Ang mga luha ko rin ay nag-unahan sa pagbagsak at hindi ko ito mapigilan. Tila yata'y pakiramdam ko'y kilala ko ang lalaking nakahandusay. 

"Itay! Anong nangyari!? Itay! Gumising po kayo! Itay!"

Natutop ko ang aking bibig at kumawala ang pigil kong pag-ungol. Hindi siya ang kilala kong itay. Hindi siya ang kabiyak ng inay kong si Lucinda. Siya ang tunay kong ama. Lumayo ako ng bahagya. Nasabunutan ko ang aking sarili. Walang ampat sa pagtulo ang aking mga luha sa mata. Pinukpok ko ang aking ulo gamit ang aking kamao. 

"Bakit wala akong maalala? Bakit!?" anas ko.

Nasuntok ko ng marahan ang aking dibdib. Sa sobrang sikip nito ay hindi ko alam kung paano ito pakakalmahin. Naisandal ko ang aking sarili sa malaking puno ng kahoy. Iyak lamang ako nang iyak. Hindi ako makapaniwalang ganito ang sinapit ko mula sa aking nakaraan. Nahilot ko ang aking batok at napayuko ng aking ulo. Sumasakit ang aking ulo. 

Napaangat ako ng aking ulo nang bigla akong makarinig ng mga yabag papalapit sa lumang bahay. Sinundan ko ang matutunong nitong mga hakbang at huminto ito sa likod ng bahay. Isang lalaki, nakatayo mula sa bangkay ng isang may edad na babae. Mahaba ang kanyang buhok at ang ilang hibla nito'y nakukulayan ng pula. Nang bumaling ang ulo nito sa kanan ay napasinghap ako nang makilala ko kung sino siya.

"Zsakae!" anas ko. 

Biglang lumabas ang dalagitang ako mula sa lumang bahay. Sinugod niya si Zsakae.

"Inay! Hayop ka! Anong ginawa mo sa mga magulang ko! Hayop ka! Hayop!" 

Natutop ko ang aking bibig. Ang tunay kong ina pala ang nakahandusay sa likod ng aming lumang bahay. Muling umagos ang mga luha ko sa mata.

Pinagsusuntok niya si Zsakae ngunit nanatili lamang sa pagkakatayo si Zsakae sa kanyang harapan. 

"Pinatay mo ang mga magulang ko! Bakit!? Hayop ka!"

Nailing ako. 

"Hindi Gel. Hindi siya ang pumatay sa mga magulang natin. Hindi siya," anas ko sa kawalan.

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon