HMK-11
Bigla naman may nabasag na kung ano sa labas ng aking silid. Agad na bumitiw si Zsakae sa akin at biglang nawala sa aking harapan. Agad akong bumaba ng kama at sumilip sa labas. Napaatras ako nang biglang tumama ang isang lalaking bampira sa pinto ng aking silid. Bumagsak ang pinto. Sinugod ito ni Zsakae at sinaksak sa dibdib, gamit ang banal na punyal. Namilog ang aking mga mata nang masaksihan ko ang pagkamatay ng lalaki. Ang banal na punyal na hawak ni Zsakae ay ang kahinaan niya at kahinaan ko rin. Sa oras tumarak ito sa dibdib ng isang bampira o sa isang immortal na kagaya ko'y ikamamatay namin. Magkaiba lamang dahil nagiging abo ang mga ordinaryong bampira. Naikuwento ni inay Lucinda ang nangyari kay kuya Zairan, nasaksak ito ni ate Jeorgie. Imbes na maging abo ito'y nahimlay lang sa pagkakatulog at inaabot pa ng ilang taon para maghilum ang sugat. Bumalik ako sa katinuan nang bigla akong kabigin ni Zsakae. Binuksan niya ang malaking kabinet at ipinasok niya ako sa loob.
"Dito ka lang. Huwag kang mag-iingay."
"Pero..." Umiling siya at hinagkan ang aking noo.
Isinarado niya ang pintuan ng kabinet. Napaigtad ako nang makarinig ako nang pagkawasak ng mga gamit at ang mga nababasag na bintana. Nanginginig ang aking mga tuhod. Napaupo ako at tinakpan ng aking magkabilang palad ang aking dalawang tainga. Kagat ko ang aking labi habang umiiyak. Kahit saan kami magtago ni Zsakae ay mahahanap at mahahanap pa rin talaga nila kami. Napaigtad akong muli nang makarinig ako ng mga pag-angil. Natakpan ko ang aking bibig upang pigilan ang aking pag-ungol. Hanggang sa biglang tumahimik ang aking paligid. Bigla namang bumukas ang pinto ng kabinet. Umangat ang aking ulo at dahan-dahan akong bumaling sa aking harapan. Nag-aapoy ang mga mata ni Zsakae. Kulay puti ang kanyang buhok at naglabasan ang mga itim na marka sa kanyang katawan. Ang sumpa ni Luna. Kinarga niya ako at sa isang kurap ay nasa bukal na kami. Ibinaba niya ako. Nahigit ko ang aking hininga nang makita ang mga sugat nito sa katawan. Puro ito daplis ngunit ang banal na punyal ang nakasugat sa kanya. Akmang hahawak na sana ako sa kanya ngunit bigla na lamang itong bumagsak sa akin.
"Zsakae!" malakas kong sambit. Nang masapo ko ang kanyang tagiliran at balikat ay agad akong natigilan. Nanginginig ang aking mga kamay nang kapain ko ang kanyang mga sugat. Namilog ang aking mga mata. Nasaksak siya!
"Zsakae, hindi! Gumising ka! Zsakae!" Tinapik ko ang kanyang kaliwang pisngi.
"Zsakae, ano ba!? Huwag ka magbiro ng ganyan! Zsakae!" Iyak na ako nang iyak. Itinulak ko siya para ito'y tumihaya.
"Zsakae naman! Pakiusap! Huwag mo akong iiwan!"
Hindi ako magkamayaw sa pagpalahaw. Napuno ang kuweba ng aking pagtatangis. Nasapo ko ang aking noo at huminga ng malalim. Umahon ako sa bukal at hinagilap ang boteng naglalaman ng katas ng mga prutas na may halong dugo. Aligaga ako. Paroon at parito ang aking paghahanap hanggang sa masagi ko ang isang kahon. Katamtaman lang din naman ang laki nito. Agad kong inusisa ang laman nito. Laking tuwa ko't may dalawang bote pang natira. Agad ko itong kinuha at muli akong bumalik sa bukal. Binuksan ko ang dalawang bote at nilagok ang lahat ng laman nito. Ang katas ng ubas ay nakapagpapadagdag ng dugo sa katawan kaya minabuti kong uminom nito. Pagkatapos ay humarap ako kay Zsakae. Kinuha ko ang kanyang kamay at sinugatan ang aking kaliwang pulso gamit ang kanyang kuko. Nang umagos ang dugo ko'y itinapat ko ito sa bibig ni Zsakae. Ilang segundo lang ay kusa namang naghihilum ang aking sugat sa aking kaliwang pulsuhan kaya muli ay sinugatan ko ito. Iyak pa rin ako nang iyak habang nakatunghay kay Zsakae. Hindi pa rin siya nagkakamalay. Laking pasasalamat ko't sa balikat at tagiliran lang siya nasaksak.
"Zsakae, huwag mo akong iiwan, pakiusap," umiiyak kong anas. Paulit-ulit kong sinugatan ang aking pulso. Nakararamdam na ako nang pagkatuyo ng aking lalamunan. Nagsisimula na ring magdilim ang aking paningin ngunit sige pa rin ako sa pagsugat sa aking kamay. Kaliwa't kanan na ang aking ginawa. Bigla namang may yumapos sa akin.
"Zsakae," anas ko nang magkamalay ito. Umigting ang kanyang panga.
"Anong ginawa mo!?" aniya nang makita ang mga sugat sa aking mga kamay.
"Binubuhay ka..." Tuluyan na akong nawalan ng ulirat.
![](https://img.wattpad.com/cover/77750865-288-k940157.jpg)