HMK-5.1
MAG-ISA akong kumain ng hapunan. Hanggang ngayon kasi ay 'di pa rin nagpapakita si Kaye sa akin. Marahil ay nasa pinakabubong na naman iyon ng gusali ng aming paaralan. Tinapos ko muna ang aking mga takdang-aralin bago napagpasyahang magtungo sa kabilang gusali.
TINUNGO ko agad ang kinaroroonan ni Kaye. Dumaan pa ako sa likod ng gusali dahil may hagdan naman doon at mabilis pang makapunta ro'n patungo sa itaas. Halos takbuhin ko ang mga baitang makarating lamang ng mabilis. Hingal na hingal ako nang umapak sa patag na bubong ng gusali ang aking mga paa. At tama nga ang hinala kong narito siya. Nakatayo sa pinakadulo ng barandilya si Kaye.
"Kaye," tawag ko sa kanya. Nilingon naman niya ako. Kulay dilaw ang kanyang mga mata na parang sa ahas.
"Kaye, mag-usap tayo," wika ko.
"Huwag muna ngayon Gel. Hindi maganda ang kalagayan ko." Lumapit ako sa kanya. Bumaba naman ito.
"Kaye, sige na naman oh. Pag-usapan natin 'to." Hawak ko ang kanyang braso.
"Ang sabi ko, huwag muna!" Sa lakas nang pagkakatabig niya'y napaatras ako at tumama sa barandilya. Ngunit dahil din do'n ay nawalan ako ng balanse dahilan para ako'y madulas at mahulog.
"Angelika!" sigaw ni Kaye.
Sa isang kisap ng aking mga mata'y biglang lumitaw si Zsakae sa aking likuran at yakap nito ang aking baywang. Nang tuluyan kaming bumagsak ay siya ang naging pananggalan ko upang 'di ako masaktan. Halos bumaon kaming dalawa ni Zsakae sa semento.
"Zsakae, ayos ka lang ba?" nag-aalala kong tanong. Bumangon ito at bahagyang ginalaw ang kanyang leeg. Dinig na dinig ng mga tainga ko ang malulutong nitong buto sa katawan. Seryoso itong tumitig sa akin at tumayo. Bigla niya akong hinila at tinalon ang gusali. Namilog ang aking mga mata dahil halos malula ako. Nang umapak kaming muli sa bubongan ng gusali ay gano'n na lang ang gulat ko nang sakalin ni Zsakae si Kaye. Puwersahan niya itong isinalampak sa pader. Nahulog pa ang mga tipak ng semento sa sahig.
"Masyado kang pakialamera Seltzer! Sa oras na humarang ka pa sa aki'y hindi ako mangingiming paslangin ka. Sa oras na ipahamak mo ulit si Angelika, uubusin ko ang lahi mo. Hangal!" Gulat ako sa aking narinig ngunit labis akong nag-aalala kay Kaye.
"Zsakae! Tama na!" Binitiwan niya si Kaye at nawala na naman na parang bula. Panay ang pag-ubo ni Kaye habang sapo ang kanyang leeg. Bumalik na ang dating kulay kayumangging mga mata nito.
"Kaye?" Bigla naman niya akong niyakap at umatungal.
"Gel, patawarin mo ako! Hindi ko sinasadya!"
"Kaye, tahan na. Alam ko naman 'yon e," naluluha ko na ring wika sa kanya.
"Gel, bakit ka ba nagkagusto sa halimaw na 'yon?" aniya. Kumalas ako sa kanya.
"Baliw ka talaga! Nagawa mo pang itanong 'yan sa akin." Muli niya akong niyakap.
"Pangako, 'di na ako magtatampo. Kung saan ka masaya'y aayon ako." Ginulo ko na lamang ang kanyang buhok bilang pag-ayon.
"GEL!" Nahulog ako sa aking kama dahil sa malakas na pagpukaw ni Kaye sa akin.
"Aray," mahinang daing ko.
"Oy? Sa sahig ka natulog Gel?" Umangat ang kaliwang sulok ng aking labi.
"Bakit may angal ka?" Bumangon ako at gumapang pabalik sa aking kama. Sarap na sarap ako sa aking pagtulog pagkatapos ay bibitinin nito ang aking napakagandang panaginip!
"Si Zsakae," anito pa. Usapang Zsakae! Lihim akong napangiti.
"Anong mayro'n sa kanya?" Napamaywang naman ito.
"Ang halimaw na 'yon..."
"Ano?"
"May kasamang iba," seryoso niyang wika.
Agad akong napababa sa aking kama at napalabas ng aking silid. Agad kong natanaw si Zsakae sa kabilang gusali. At tama nga si Kaye, may kasama siyang iba. Nakaingkis ito sa kanyang braso at kung makayapos ito sa baywang ni Zsakae ay parang tuko. Nahampas ko ang bakal na barandilya at inis na bumalik muli sa aking silid.
"Gel," pigil sa akin ni Kaye.
"Huwag ngayon Kaye," matabang kong sagot.
Diretso ako agad sa aking banyo at pumasok sa paliguan kong banyera. Agad na bumagsak ang mga luha ko sa mata. Bakit ba kasi ako umasa na magkakagusto rin siya sa akin. Hindi naman talaga ako ang nararapat sa kanya. Kung bakit ba naman kasi may batas pang ganito si Luna. Ang silbi ko lang sa kanya ay ang maging mapatid uhaw lamang. Iyon lang.
"Gel," tawag ni Kaye sa akin, mula sa labas ng aking banyo.
"Bakit?" sagot ko naman.
"Puwede mo akong yakapin," alok niya pa.
"Ayos lang ako," pigil kong paggaralgal ng aking boses.
"Gel, nasa labas ang halimaw na 'yon. Maglinis ka na raw ng silid niya." Nakagat ko ang aking labi.
"Lalabas na." Pinahiran ko ang aking mga pisngi at gumayak na. Pagkalabas ko ng banyo ay malungkot na mukha ni Kaye ang naabutan ko.
"Ayos ka lang?" aniya. Tumango lang ako.
"Tawid lang ako sa kabila," paalam ko kay Kaye.