HMK-9.1
UMABOT kami sa bayan ni Kaye. Gutom at uhaw ang inabot naming dalawa, makarating lang sa sentro ng bayan.
"Sandali lang muna Gel," ani Kaye at may nilapitang lalaki. Nakita kong may ibinigay na sobre ang lalaking kanyang nilapitan. Pagkatapos no'n ay agad din naman siyang bumalik sa aking puwesto.
"Tara na," anito.
"Sino 'yon?" usisa ko pa.
"Isa sa mga tauhan namin. Humiram ako ng pera sa kanya para makapagsimula tayo ulit."
Hindiako umimik pa. Wala akong masabi. Totoo nga yata ang sinabi ni ate Fei. Isang prinsesa si Kaye sa angkan nila. Nakapagtataka lang dahil hinahayaan siyang mamuhay ng malaya. Nang 'di nagtatago kahit pa sabihing lumayas ito sa kanila.
"Mamili na tayo Gel." Tumango lamang ako.
KASALUKAYAN kaming nagpapalit ng damit ni Kaye sa loob ng tindahan nang mapatigil.
"Buwesit! Tirik na tirik ang araw ngunit nandito na naman sila!" galit nitong ani. Nagmadali ako agad sa pagsuot ng aking blusa at ang ilan sa mga damit ko'y isinilid ko sa supot.
"Nasaan si Kaye?" tarantang tanong ko.
"Limampung metro ang layo at nasa sampu sila." Bigla akong hinila ni Kaye palabas ng tindahan.
"Sa istasyon tayo ng tren!" aniya. Tumakbo kaming dalawa ngunit mas mabilis ito kaya napag-iiwanan na niya ako. Ngunit binalikan ako ni Kaye at pinasan sa kanyang likuran. Ilang minuto rin ang itinakbo namin makarating lang sa istasyon ng tren. Hindi pa kami nakakuha ng tiket kaya sumalisi kami sa mga nagbabantay. Pumasok kami sa huling bagon at nagtago sa gilid ng pinakahuling upuan. Kinakabahan na ako at napapadasal na sana'y 'di nila kami matunton.
"Wala na," biglang ani ni Kaye. Nakahinga ako ng maluwag ngunit agad akong natigilan. Isang malakas na pagkabog ng aking puso kasabay nang pagtigil nito ay bigla akong nawalan ng hininga. Nakumyos ko ang aking damit sa may bandang dibdib at agad akong bumagsak sa sahig.
"Gel! Gel!" Tuluyang nagdilim ang aking paningin.
NANG magising ako ay ang malakas na atungal ni Kaye ang aking narinig.
"Kaye?"
"Gel!?" gulat na sambit nito at agad akong niyakap.
"Bakit ka umiiyak? May nangyari ba?" Mas lalo itong umiyak.
"Kainis ka talaga! Muntik na kitang ilibing!" Kumunot naman ang aking noo.
"Ha? Bakit mo naman gagawin 'yon sa akin?"
"Dalawang oras kang namatay Gel!" Napasinghap ako sa aking narinig.
"Huwag ka nga magbiro ng ganyan!"
"Hindi ako nagbibiro!" Bumuntong-hininga ako at hinagod ang kanyang likuran. Nagtataka man ako kung bakit nangyari ito sa akin ngunit 'di ko naman alam kung saan ako kukuha ng sagot.
"Buhay naman ako Kaye. Lumakad na tayo. Gutom na ako e." Pinunasan nito ang mga luha na para bang walang nangyari.
"Tara. Kumakalam na rin ang tiyan ko." "Nasaan na ba tayo Kaye?" Tumayo ito at namaywang.
"Nakalimutan ko Gel. Pero tumigil tayo sa ika'tlong istasyon." Inalalayan niya akong tumayo. Nang sapuhin ko ang aking tiyan ay nakaramdam ako ng malaking umbok. Para yatang biglang lumaki ang tiyan ko.
"Gel? May problema ba?" Umiling ako.
"Wala 'to Kaye." Kumapit ako sa kanya.
"May kainan malapit dito," aniya. Tumango lamang ako.
LUMAKAD na kami ni Kaye. Huminto kami sa isang karinderya.
"Kaye, banyo lang ako." Tumango lang siya. Tinungo ko agad ang banyo at naghilamos ng aking mukha sa lababo. Itinukod ko ang aking mga palad sa magkabilang dulo ng lababo. Huminga ako ng malalim at tumayo ng tuwid. Inangat ko ang aking damit. Nanlumo ako at laglag ang aking mga balikat. Lumalaki talaga ang aking tiyan. Hindi ko alam kung bakit pero talagang lumulobo ito. Nang mapatingin ako sa salamin ay nakita ko si Zsakae. Agad akong napalingon sa aking likuran ngunit wala ito. Nasapo ko ang aking noo. Nag-iilusyon na naman ako. Aminado naman akong nangungulila ako sa kanya ngunit paano nga ba kami malalagay sa tahimik kung marami namang hadlang. Bigla namang may kumatok sa pinto.
"Gel, kakain na tayo."
"Lalabas na." Muli akong naghugas ng aking kamay at lumubas ng banyo. Agad naman akong lumapit kay Kaye. Umupo ako sa kanyang tabi at nagsimula na kaming kumain. Habang sumusubo ako'y pawala nang pawala ang aking panlasa. Binitiwan ko ang aking hawak na kutsara.
"May problema ba Gel?"
"Wala akong malasahan sa pagkain." Kumunot naman ang kanyang noo.
"Paanong wala? Masarap naman ah?" Umiling ako. Bigla akong nakaramdam ng pagkaumay at diretso ako agad sa labas para sumuka. Hinagod naman ni Kaye ang aking likuran.
"Ano bang nangyayari sa iyo Gel!?" Suka lang ako nang suka hanggang sa sumuka na ako ng dugo. Natutop ko ang aking bibig. Biglang nangatal ang aking mga kamay.
"Diyos ko! Gel!" sambit ni Kaye at agad na hinila ang aking kamay upang punasan ito, maging ang aking bibig. Bumagsak ang mga luha ko.
"May sakit ba ako Kaye?" umiiyak kong tanong. Namilog ang mga mata niya.
"Imposible! Hindi nagkakasakit ang mga immortal!" Mabilis niyang kinuha ang aming mga gamit.
"Umalis na tayo. Kailangan kitang patingnan sa aming manggagamot. Kaya mo pa bang maglakad?" Tumango ako.
"Magiging maayos ka Gel. Magiging maayos ka," umiiyak niyang ani. Tumango ako kahit na ang totoo'y hindi ko alam kung magiging maayos pa ba ako.