HMK-10

6.4K 220 5
                                    


HMK-10

UMALIS kami ni Kaye sa kainan at lumakad na. Akay-akay niya ako dahil parang pakiramdam ko'y unti-unting nawawala ang lakas ng aking mga tuhod. Bigla namang napatigil si Kaye. 

"Kailangan nating magmadali Gel. Ang mga tauhan ng aking kapatid ay nakapaligid lang sa atin." Kumapit ako sa kanya ng husto. Ngunit nang mahinto kami sa gitna nang daanan ay biglang sumakit ang aking tiyan. 

"Ah!" malakas na hiyaw ko sa kawalan. Sa sobrang sakit ay hindi na kinaya ng aking mga tuhod. Bumagsak ako sa lupa. 

"Ah!" muling hiyaw ko. Mas malakas na hiyaw. Tipong nakabubulabog na sa iba. 

"Gel! Tama na!" Namilipit ako sa sakit. Muli akong napaubo ng sarili kong dugo. "Gel!" "Shairyll Kaye!" Pareho kaming dalawa na napatingin sa aming harapan ni Kaye. 

"Kuya Alquin!?" gulat na sambit ni Kaye nang makilala nito ang lalaki. Lumapit ito sa amin at hinila si Kaye. 

"Labas na tayo sa problema ng mga Zoldic! Sinisira mo ang kasunduan!" Nagpumiglas si Kaye. 

"Hindi ko iiwan si Angelika! Bitiwan mo ako!" 

"Huwag matigas ang iyong ulo!" 

"Kuya naman!" Bigla naman itong sumenyas. Laking gulat ko nang pumalibot na sa akin ang mga tauhan ng mga Zoldic na humahabol sa amin ni Kaye. 

"Gel! Ano ba kuya!? Angelika! Mga hayop kayo! Wala siyang ginagawang masama! Angelika!" Patuloy sa pagwawala si Kaye habang hawak ng kanyang nakatatandang kapatid. Mapait akong napangiti. 

"Tama na Kaye," wika ko sa kanya at umiling. 

"Tama na," anas ko. 

"Hindi! Kuya! Ano ba!? Papatayin nila si Angelika! Kuya!" Walang ampat sa pagtulo ang mga luha ni Kaye habang nakatanaw sa akin. Mas malakas ang kanyang kapatid. Kaya kahit anong gawin niyang pagpupumiglas ay wala pa rin 'yong epekto. Pinahiran ko ang aking mga pisngi. Mukhang katapusan ko na yata ito. 

"Devolvat invisibilis torquem!" Sa narinig kong iyon ay agad akong napatingin sa likuran nila Kaye. 

"Zsakae," anas ko. Nang dumapo ang mga mata ko sa kanyang kanang kamay ay biglang lumitaw ang solidong kadena na nakakabit sa kanya. Unti-unting lumilitaw ang kadena hanggang sa kumunekta ito sa aking kamay. Nahigit ko ang aking hininga. Paano ako nangkaroon ng ganito. Hindi ko matandaang kinabitan niya ako. Ngunit isa lang aking napagtanto. Nasusundan niya ako dahil sa kadena. 

"Zoldic," mariing sambit ng kapatid ni Kaye. 

"Seltzer," mariing ganti rin naman ni Zsakae rito. 

"Nakikialam ka," muling segunda ni Zsakae. Humarang naman si Kaye. 

"Walang kasalanan ang kapatid ko! Mali ang iniisip mo!" Mahigpit akong humawak sa kadena. 

"Hindi ko ugaling makialam," anang kapatid ni Kaye at tumabi. 

"Huwag niyong hayaang makatakas ang babaeng 'yan!" 

"Eunice!?" gulat kong sambit. 

Akmang dadamputin na sana ako no'ng isang lalaki ngunit biglang hinila ni Zsakae ang kadenang nagdurugtong sa aming dalawa. Nagkataon pang nakahawak ako rito kaya sa sobrang lakas ng kanyang puwersa ay napaangat ako sa ere. Tinalon niya ako at nasalo. Panandaliang tumigil ang aking paghinga. Nang bumagsak kami ni Zsakae sa lupa ay agad kaming nilamon ng kadiliman sa masukal na bahagi ng kagubatan. 

"Angelika!" sigaw ni Kaye ngunit hindi na siya tanaw ng aking mga mata. Mabilis akong inilayo ni Zsakae sa lugar na iyon. 

KARGA-KARGA niya ako habang binabaybay namin ang masukal na kagubatan ng isla Herodes. Mataman ko siyang pinagmasdan. Kusang bumagsak ang aking mga luha. "B-bakit?" anas ko.

"Bakit ayaw mo pa ring tumigil?" Huminto siya sa paglakad.

"Dahil mahal kita. Ano pa ba ang dapat kong patunayan sa iyo, Gel?" Malungkot niyang mga mata ang sumalubong sa akin. "Alam mong hindi puwede ang gusto mo," umiiyak kong sagot. Hindi niya ako kinibo bagkus ay muli nang lumakad. Hindi na rin ako umimik. Bigla naman itong tumigil sa paghakbang. Malaking bundok ang aming kaharap. Bigla naman niya akong inilagay sa kanyang harapan. Ang mga hita ko ngayon ay nakaangkla na sa kanyang baywang. Ang kaliwang bisig naman niya'y nakasupurta sa aking pang-upo upang 'di ako mahulog. Ang kanang kamay naman niya'y may kinapa sa batohang bahagi ng bundok. Bigla niya itong itinulak gamit lamang ang isang kamay. Sa ginawa niyang pagtulak niyang 'yon ay unti-unting lumalabas ang isang lagusan. Nang saktong puwede na itong madaanan ay pumasok kami. Muli niyang isinara ang lagusan. Sorbrang dilim sa loob. Dinig na dinig ko ang hininga niya sa aking mukha.

"Gel," sambit niya at bigla akong hinalikan sa aking noo. Agad na lumambot ang aking pusong nagmamatigas. Muli ring bumagsak ang aking mga luha. Bigla namang sumindi ang mga sulo. Lumiwanag ang madilim naming paligid. Pinunasan naman niya ang aking mga pisngi.

"Ayokong lumuluha ka dahil lamang sa akin," aniya. Mariin akong napapikit ng aking mga mata. Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang kanang balikat. 

"Nahihirapan na ako," mahina kong wika. 

"Alam ko Gel." Nagpakawala lamang ako ng malalim na buntong-hininga. Humakbang naman siya pasulong at biglang lumiko. Ang maluwag na kuweba ang sumalubong sa amin. Lalo na ang mainit na usok na nagmumula sa bukal. Konti akong napangiti. Mahilig talaga siya rito. Ewan ko ba kung bakit. Dumaan kami sa gilid ng bukal. Sa dulo ay may pinto. Nang kanya itong buksan at nang makapasok kami. Ang kusina agad ang bumungad sa aking mga mata. Kumapit ako ng husto sa kanyang batok at mataman akong nagmasid sa aking bagong paligid. 

"Kaninong bahay 'to?" 

"Akin," sagot niya. Umawang ang aking bibig. Sinong mag-aakalang sa likod ng bundok ay may bahay palang na nakatago. Dinaanan namin ang sala at inakyat namin ang hagdan. Sa ika'lawang palapag ng bahay niya ako dinala. Ipinasok niya ako sa isa sa mga kuwarto at idiniretso sa banyo. Marahan niya akong ibinaba. Agad na lumapat ang lamig ng sahig sa aking mga talampakan. Tinanggal naman niya ang kadenang nakakabit sa aking kamay. 

"Mag-ayos ka," anito. Lumabas ito at muling bumalik. Nag-iwan siya ng malinis na damit saka tuluyang lumabas.

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon