HMK-8.2
HABANG nasa kalagitnaan kami nang pagkain ni Kaye ay bigla siyang huminto at agad na nagbago ang kulay ng kanyang mga mata. Ang dati kulay itim, ngayon ay kulay abo. Parang mata ng isang makamandag na ahas.
"Dalawa sa kanan. Tatlo sa harap. Isa sa kaliwa. Apat sa likuran," sambit nito. Mabilis niyang nahugot ang dalawang banal na espada sa kanyang likuran.
"Kaye! Itago mo 'yan!" utos ko sa kanya.
"Hindi puwede! Kalahating kilometro na lang ang layo nilasa atin! Alam mong hindi ko pa kayang magpalit ng anyo!"
"Pero delikadong armas ang gamit mo Kaye! Paano kung matamaan mo niyan si Zsakae!?"
"Siya pa rin ba ang iniisip mo Gel!? Hindi mo ba nakikita? Nanganganib tayo dahil sa kanya! Anong silbi kung sariling lakas ko lang ang aking gagamitin para ipagtanggol ka? Wala tayong laban sa kanila!" Umiling-iling ako.
"Hindi mo alam kung gaano kapanganib ang mga banal na sandata na iyan Kaye! Iyang ang muntikang makapatay kay ate Yana. Iyang din ang dahilan kung bakit panandaliang namatay ang nobyo ni ate Jeorgie, si Zairan! Kaye pakiusap!" naluluha ko nang wika.
Umiling ito at biglang itinarak sa dingding ang isang espadang hawak niya. Nang hugutin niya ito'y may biglang bumagsak sa labas ng aming bahay. Agad kong binuksan ang pinto. Napasinghap ako. Mga alagad ng Zoldic. Nalaman na ng mga hukom ang ginawang paglabag ni Zsakae.
"Gel! Yuko!" biglang sigaw ni Kaye. At dahil sa lutang pa ako'y naitulak ako ni Kaye. Tumilapon ako sa malayo. Dahan-dahan akong napabangon. Nanginginig ako sa sobrang nerbyos at takot. Abala si Kaye sa pakikipaglaban sa alagad ng mga Zoldic. Bigla namang may humila ng aking buhok.
"Ah!" daing ko.
"Bitiwan mo ako! Kaye! Tulong!" Kinaladkad ako no'ng lalaking humawak sa aking buhok. Para yatang mahihiwalay na ang aking mga buhok sa aking anit.
"Kaye!" muling paghingi ko ng tulong. Mabilis namang tumakbo palapit sa akin si Kaye at tinabas ang ulo no'ng lalaki. Iyak lang ako nang iyak.
"Ayos ka lang ba Gel!? Patawad kong naitulak kita kanina." Umiling-iling ako at yumakap sa kanya.
"Natatakot ako Kaye!" humahagulhol kong wika.
"Narito ako Gel," paninigurado niya. Inalalayan niya akong makatayo. Bigla naman gumalaw ang kaliwang kamay ko. Para bang biglang may humila ngunit wala namang nakahawak sa akin.
"Gel?"
"Ha? T-tara na sa loob. Wala na ba sila?"
"Napatay ko yata lahat." Nailing lamang ako. Papasok na sana kami ngunit biglang may sumipa kay Kaye at may humila na naman sa aking buhok.
"Ugh!" daing ko.
"Bitiwan mo siya!" bulyaw ni Kaye sa 'di kilalang lalaki.
"Huwag kang makialam!" anito kay Kaye. Bigla nito akong kinaladkad at ibinalibag.
"Ah!" daing ko nang tumama ako sa malaking sanga ng puno. Nang mapatingala ako ay nakatunghay pala sa aking harapan si Eunice.
"Masakit ba Angelika? Kulang pa 'yan!"
"Itigil mo na ito Eunice!"
"Itigil? Bakit? May kapalit ba?"
"Iniwan ko na si Zsakae! Lumayo na ako sa kanya! Ano pa ba ang gusto mo!?" Nakuyom nito ang mga kamao.
"Iniwan mo!? Nagpapatawa ka ba!? Kahit pa lumayo ka at itulak mo siya palayo sa iyo'y ikaw pa rin ang iniibig niya!" Napahagulhol ako.
"Eunice, pakiusap! Itigil mo na ito!" Malakas na sampal naman ang dumapo sa aking kanang pisngi.
"Ayaw ko! Kung hindi man maging akin si Zsakae, mas lalong hindi siya mapupunta sa iyo!" Naglabas siya ng banal napunyal. Akmang itatarak niya ito sa akin ngunit naitulak siya ni Kaye ng malakas. Ngunit laking gulat naman nang may sumalo kay Eunice.
"Zsakae," gulat kong sambit. Kinuha ni Zsakae ang banal na punyal na hawak ni Eunice.
"Hindi ka talaga titigil," mariin nitong wika kay Eunice. Napasinghap kami ni Kaye nang sakalin niya si Eunice hanggang sa para na itong nakalutang sa ere. Agad na kumilos ang katawan ko parapigilan si Zsakae.
"Tama na!" Ngunit ayaw niya pa ring makinig sa akin. Namimilipit na sa sakit si Eunice. Inagaw ko ang banal na punyal na hawak ni Zsakae at itinapat sa aking dibdib.
"Ititigil mo ba iyan o magpapakamatay ako!" banta ko kay Zsakae.
"Gel! Bitiwan mo 'yan! Nahihibang ka na ba!?" ani Kaye. Umiling ako kay Kaye. Bumaling naman sa akin si Zsakae at binitiwan si Eunice. Ubo nang ubo si Eunice at halos gumapang na malayo lang kay Zsakae. Dahan-dahan namang humakbang palapit sa akin si Zsakae. Napaatras ako hanggang sa bumangga na ako sa malaking punong kahoy. Nanginginig ang mga kamay ko nang bawiin niya sa akin ang banal na punyal. Wala siyang sinabing kahit ano at tinalikuran lamang ako. Bigla naman itong nawala, maging si Eunice.
"Gel!?" Bumaling ako kay Kaye. Mariin akong napapikit ng aking mga mata at napadausdos sa pag-upo. Habol ko ang aking hininga at wala pa ring humpay sa pagtulo ang aking mga luha. Nahihirapan na ako at 'di ko na alam kung ano pa ang puwede kong gawin upang takasan itong kapalarang mayro'n ako.