HMK-9
KINABUKASAN sa pagmulat ng aking mga mata ay siya ring pagbangon ko sa aking kama. Nasuklay ko ang aking buhok gamit ang aking mga daliri at bumaling sa aking katabi. Mahimbing na natutulog si Kaye. Tumayo ako para lumabas ng silid. Napabuga ako ng hangin. Sa sobrang dami nang nangyari kagabi ay daig ko pa ang nakainom ng maraming alak. Masakit sa ulo. Magaling naman na ang mga sugat ko sa katawan ngunit naiwang sugatan pa rin ang aking puso. Naguguluhan ako ng sobra. Alam kong sinimulan ko itong problemang 'to ngunit 'di ko inakalang mahihirapan pala ako sa paglabas. Kinuha ko ang aking bestida at damit panloob sa tukador. Kinuha ko rin ang tuwalya. Lumabas ako ng bahay at tinungo ang bukal. Dalawang metro lang ang layo nito sa bahay na tinitirhan namin ni Kaye. Alam kong anumang oras ay manganganib na naman ako ngunit kung paiiralin ko ang matinding takot sa aking sarili'y mas lalo lang akong mahihirapan. Nang tumapat ako sa bukal ay ang mainit na usok agad ang bumungad sa akin. Ibinaba ko sa batohan ang mga dala ko at sinimulang hubarin ang aking damit. Itinabi ko ito at dahan-dahan akong lumusong sa tubig. Ang matinding lamig kanina'y napalitan na ngayon ng init. Umalwan ang aking pakiramdam at parang umaliwalas ang aking pag-iisip. Tumihaya ako at huminga ng malalim. Nakikita ko pa rin ang buwan kahit na alas quatro na ng madaling araw. Naglalaban ang buwan at araw. Huminga ako ng malalim at inilublob ang aking sarili sa ilalim ng tubig. Nagbilang ako ng sampung segundo bago ako tuluyang umahon mula sa aking pagkakalublob sa ilalim. Nang magdilat ako'y mukha ni Zsakae ang aking nasilayan.
"Panaginip," anas ko sa kawalan.
Tumalikod na ako ngunit biglang may humila sa aking kanang kamay at kinabig ako sa aking batok. Isang mapusok na halik ang kanyang iginawad sa aking mga labi. Kanya pang kinagat ang aking dila dahilan para ito'y magdugo. Itinukod ko ang aking dalawang palawad sa matipuno nitong dibdib at puwersahan kong iniwas ang aking mukha.
"Zsakae!?" sambit ko. Hindi ako nag-iilusyon lamang kanina. Talagang narito siya sa aking harapan. Patuloy naman sa pag-agos mula sa aking bibig ang sarili kong dugo dahil sa sugat na natamo ko sa aking dila.
"Anong ginagawa mo rito?"
"Nangungulila ako sa iyo." Pagak akong tumawa.
"Kahibangan ang ibig mong sabihin!" Tinalikuran ko siya ngunit maagap ito at yumakap sa aking baywang.
"Kung kahibangan man ang piliin at ibigin ka ay wala akong pakialam. Tawagin mo man akong isang hangal ngunit 'di mo pa rin mababago ang nasa isip at diwa ko." Tumulo agad ang mga luha ko.
"Hindi nga tayo puwede," matigas kong ani.
"Kailan pa naging 'di puwede ang dalawang taong nagmamahalan, Gel." Humarap ako sa kanya at sinalubong ang malungkot niyang mga mata.
"Sa mata ng Diyos, puwede. Sa mundo ng mga mortal ay puwede. Ngunit sa mundo nating dalawa? Imposibleng mangyari ang sinasabi mo. Ipilit man natin, ang kapalaran na mismo ang gumagawa ng paraan para paghiwalayin tayong dalawa."
"Hindi ba't ako ang kaligayahan mo?" Nahigit ko ang aking hininga nang makita kong lumuluha si Zsakae dahil sa akin. Bumitiw ako sa kanya. Masakit man ngunit kailangan ko siyang itulak palayo.
"Masaya? Paano ako sasaya kung puro panganib lang ang dumarating sa tuwing magkasama tayong dalawa! Hindi masaya 'yon Zsakae! Hindi! Kaya tumigil ka na! At huwag ka na ulit lumapit sa akin!"
Tuluyan ko siyang tinalikuran at agad na dinampot ang tuwalya upang itakip sa aking katawan. Narinig ko ang paggalaw ng tubig. Nang lingonin ko siya'y wala na ito. Tuluyan na akong napaluhod at napahagulhol.
"Gel?" ani Kaye sa aking likuran. Agad akong tumayo at niyakap ito.
"Hindi ko sinasadya Kaye! Ayaw ko siyang saktan pero wala akong ibang alam na paraan para itigil 'to!" Hinagod niya ang aking likuran.
"Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa mo Gel. Pero kung saan ka'y susuporta pa rin ako sa iyo." Tanging matinding pag-iyak lamang ang aking nagawa.
TIRIK na tirik na ang araw ngunit heto ako sa kawalan. Nakatulala at panay ang aking buntong-hininga. Namamaga rin ang aking mga mata dahil sa matindi kong pag-iyak kaninang madaling araw. Napapikit ako ng mariin. Sumasakit ang ulo ko sa mga nangyayari. Walang katapusang pagpaparusa. Huminga ako ng malalim pero bigla akong napaubo. Biglang dumami ang usok kaya napatakip ako ng aking bibig. Si Kaye naman ay biglang napabangon.
"May nasusunog!" aniya. Ubo ako ng ubo.
"Teka lang Gel!" Binuksan niya ang pinto pero malaking apoy ang bumungad sa aming dalawa.
"Kaye! Hindi... Hindi ako makahinga..." Nasapo ko ang aking dibdib at umubo ng matindi. Maraming usok ang aking nalanghap. Nang bumaling ako kay Kaye ay sinisira na niya ang bintana. Agad niya akong tinakpan ng basang kumot at inilabas sa nasusunog naming bahay. Nang makalayo kami ay tanging pag-iyak at pagkatulala na lamang ang aking nagawa. Natupok lahat ang aming mga kagamitan.
"Asar! Bakit ba 'di ko namalayan agad!" galit na bulyaw ni Kaye sa kawalan at nasuntok ang punong kahoy. Bumaon ang kanyang kamao rito at tila ba'y balewala lang ito sa kanya.
"Kaye, tama na. Hindi mo naman kasalanan 'to," pigil ko sa kanya.
"Hindi Gel! Dapat may silbi ako. Malaki ang silbi ko!" Umiling ako.
"May silbi man o wala ang kakayahan mo'y mas importante pa rin na kasama kita. Heto ka sa tabi ko. Alam ko namang hindi ka pa masiyadong perpekto. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo Kaye." Nahilot nito ang sintido.
"Kailangan nating pumunta sa bayan. Kailangan nating mamili muli ng ating mga kagamitan," suhestiyon nito. Tumango ako bilang sang-ayon.