HMK-13

4.4K 133 8
                                    


HMK-13

Dali-dali kong sinundan ang dalagitang ako pauwi sa bahay ng inay Lucinda. Halos madapa na ako marating ko lamang ulit ang bahay. Nang umabot ako'y nakita ko agad ang usok na nagmumula sa likuran ng kanilang bahay. 

Umikot ako at napalinga-linga sa aking paligid. Walang tao sa loob ngunit nakasalang na sa kalan ang kalderong may kumukulong tubig. Lumititaw pa ang isang talulot ng itim na rosas. Nakagat ko ang aking labi. Paano ko ba papalitan ito. Naikumpas ko sa ere ang aking mga kamay nang maalala kong may gumamelang tanim ang inay Lucinda sa bakuran. Agad akong lumabas at tinakbo ang malaking puno ng gumamela. Pumitas ako ng dalawang bulaklak at agad na bumalik sa loob ng bahay. Dali-dali kong kinuha ang kaldero at itinapon sa lababo ang laman nito. Pinalitan ko ito ng bago at hinimay ang gumamelang napitas ko. Dali-dali kong inihipan ang nagbabagang mga kahoy upang mapabilis ang pagkulo ng tubig. 

"Angelika?" Boses ng inay Lucinda ang aking naririnig. Mabilis kong pinagdadampot ang natitirang mga bulaklak at agad na lumabas ng bahay. Muli akong nagkubli sa malaking puno ng Talisay. Sumilip ako. Kita ko rito sa aking kinatatayuan ang nangyayari sa loob dahil katapat lang naman ng kusina ang malaking bintana ng bahay. 

"Ano naman 'to?" taka pang tanong ng inay Lucinda sa kanyang sarili. Namilog ang aking mga mata nang tanggalin niya ang kaldero sa kalan at akmang itatapon na sana sa lababo ang laman nito ngunit biglang dumating ang dalagitang si Angelika. Pinigilan niya ang inay Lucinda.

"Akin po iyan," aniya.

"Para saan naman ito anak?"

"Masakit ang aking tiyan. Akin na po."

Kinuha niya ang kaldero at ibinuhos ang laman nito sa tasa. Pigil na pigil ko ang aking hininga at halos ayaw kumurap ng aking mga mata habang nakatingin sa dalagitang si Angelika. Nagdadasal ako na sana'y mainom niya ang laman nito. 

Bigla niyang nilagok ang laman ng tasa. Marahas akong napabuga ng aking hininga. Muntik na! Muli kong nahigit ang aking hininga nang biglang dumating si Zsakae. Agad akong napatago. Nang sumilip ako ulit ay nakatayo lamang siya sa labas ng bahay. Parang may hinihintay siya. Pero iyon ang akala ko dahil bigla siyang lumingon sa gawi ko. Agad akong napatago. Nasapo ko ang aking dibdib at napangiti. Sa lakas ng tibok ng puso ko ay alam kong siya at siya pa rin ang itinitibok nito. Huminga ako ng malalim. Muli akong sumilip. Wala na si Zsakae sa labas ng bahay. Nang tumanaw ako sa loob ay kausap niya na ang dalagitang si Angelika. Hinila siya ni Zsakae palabas ng bahay. Nagpupumiglas siya. 

"Hayop ka! Bitiwan mo ako! Ikaw ang pumatay sa mga magulang ko!" Natutop ko ang aking bibig. Gumana ang ginawa ko. Naalala niya si Zsakae! 

Panay ang pagpupumiglas niya at bigla siyang kinarga ni Zsakae. 

"Ano ba!?" daing niya. 

Hindi natinag si Zsakae at bigla silang nawala. Nakagat ko ang aking labi. Ngayon ay saan ko sila hahanapin!? Paroon at parito ang aking paglakad. Nahilot ko ang aking noo. Wala akong ideya kung saan ko sila hahanapin. Muli kong nakagat ang aking labi at nakuyom ang aking mga kamao. Muli kong naikumpas sa ere ang aking mga kamay. 

"Sa dormitoryo? Silid-aklatan? Sa bahay niya sa taas ng bundok? Saan ba sa tatlo? Ngunit nasa isla Herodes ang mga iyon." Nakagat ko ang aking hintuturo.

Binasa ko ang aking labi. Nakapagpasya na ako. Sa dormitoryo ako unang tutungo. 

Agad akong kumilos. Bumiyahe ako. Sumakay sa barko at naglayag ng ilang araw. Habang nasa laot ako ay kung ano-ano na ang aking naiisip. Kung maayos ba si Angelika, kung ano ang ginawa ni Zsakae sa kanya. Nagtataka ako. Kay aga siyang kinuha ni Zsakae gayong ayon dito ay sa katapusan pa ng buwan. Huminga ako ng malalim at nahilot ang aking batok. Hindi ko na alam.

NANG marating ko ang dormitoryo ay dumaan ako sa paborito kong parke. May lagusan doon at kami lang dalawa ni Kaye ang nakakaalam. Mabilis ang aking mga naging paghakbang. Sa pagmamadali ko ay nabangga ko si Kaye!

"Pasensiya na..." Hindi niya natuloy ang kanyang sasabihin dahil biglang kumunot ang kanyang noo. 

"Ah..." anas ko.

"Nagkakilala na ba tayo?" aniya.

"Ha? Hindi pa! Oo, hindi pa! Siya nga pala, nakita mo si Angelika? At saka si Zsakae?"

Mas lalong kumunot ang kanyang noo. 

"Wala pang istudyante rito na Angelika ang pangalan. Pati na Zsakae."

Natikom ko ng mariin ang aking bibig. Nakalimutan ko. Noon, lilipat pa lang ako ng unibersidad at hindi pa kami magkakilala ni Kaye dati. Natampal ko ang aking noo.

"Nako, baka kalilipat lang niya. Sige! Alis na ako!" 

Agad akong tumalikod at bamalik sa paborito kong parke. Ngunit agad akong napatigil sa paghakbang pasulong nang makita ko si Zsakae at ang dalagitang si Angelika. "

"Ibalik mo na ako sa amin!" singhal niya kay Zsakae. 

"Hindi ko gagawin iyon," kalmadong wika naman ni Zsakae sa kanya. 

"Nandidiri ako sa iyo!" singhal niyang muli.

"Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na hindi ako ang pumatay sa mga magulang mo. Nagkataon lang na dumaan ako sa lugar na iyon." 

Bigla niyang sinampal si Zsakae. Umawang ang aking bibig. Totoo? Sinampal ko siya noon? Nailing ako sa aking sarili. 

Akmang sasampalin niya ulit si Zsakae ngunit nasalag nito ang kanyang kamay. Niyapos siya ni Zsakae sa kanyang baywang at biglang hinagkan ang kanyang mga labi. Napatanga ako sa aking nasaksihan. Natawa ako sa aking sarili. Matagal ko na pa lang nalasap ang unang halik mula sa kanya. Lihim akong pumalatak sa aking sarili. Ngunit may tanong pa rin na hindi ko masagot. Paano ba ako nagkagusto sa kanya gayong nabago ko na ang unang pagkakamaling nagawa ko sa buhay ko. Paano nga ba? 

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon