HMK-4
Lumabas ako ng klub at dinala ako ng aking mga pa sa paborito kong parke. Hahakbang pa sana ako ngunit agad akong napatigil nang biglang may humila sa puntas ng aking suot na bestida. Natanggal ito sa pagkakabuhol. Agad kong nilingon ang taong humila sa aking puntas."Zsakae," anas ko.
"Iniiwasan mo ako Gel," anito at binitiwan ang hawak niyang puntas sa aking damit.
"Hindi ako umiiwas sa iyo. Ayaw ko lang na magkagulo kayo ni Kaye. Magkaibang nilalang kayong dalawa at higit sa lahat ay magkalaban ang inyong mga angkan kahit pa may nilagdaan kayong kasunduan bilang kapayapaan."
"Marami ka yatang alam Gel." Umiwas ako sa malalagkit niyang pagtitig sa akin.
"Hindi ako tsismosa ngunit nakuwento lang sa akin 'to ng inay Lucinda," sagot ko at tinalikuran siya.
Ibig kong batukan ang aking sarili. Ang sagut-sagotin ang isang Zoldic ay kalapastangan sa aking tungkulin bilang personal nitong alalay. Gayon pa man ay 'di ko pa rin maiwasang sumagot sa kanya ng pabalang. Ang totoo'y kabado ako dahil bukod pa sa naging amo ko siya'y lihim ko naman siyang iniibig. Kung alam mo lang Zsakae, ako'y parang idinuduyan sa ere sa tuwing nasisilayan ko ang iyong mukha. Bumuntong-hininga ako. Bigla naman itong lumitaw sa aking harapan.
"Dapat kitang parusahan dahil sa pagsagot mo sa akin ng ganyan," anito habang nakapamulsa. Ang mahaba niyang buhok na kulay itim na nahahaluan ng kulay pula ay nililipad ng hangin, maging ang laylayan ng itim nitong polong suot ay nililipad rin ng hangin. Humakbang naman ito. Napaatras ako.
"Zsakae hindi ko ginusto ang---" Hindi ko natuloy ang aking sasabihin dahil bigla nitong hinapit ang aking baywang. Ang kanang kamay nito'y dumapo sa aking tadyang dahilan para ako'y mapaliyad. Inilapit naman nito ang kanyang mukha sa akin.
"Sa susunod na gagawin mo pa 'to'y parurusahan na kita Gel," bulong nito sa aking kaliwang tainga. Binitiwan niya naman ako. Muntik pa akong matumba, mabuti na lamang at mabilisan kong nabalanse ang aking katawan. Pumalatak ito at tinalikuran ako. Napabuga ako ng hangin. Parang may bumara sa aking lalamunan nang lumunok ako. Para namang sasabog ang puso ko sa sobrang kaba. Ang akala ko'y hahalikan niya ako. Kinutusan ko ang aking sarili at lumakad na pabalik sa dormitoryo.
"GEL! Gising na! May pasok pa tayo!" Tinakpan ko ng unan ang aking ulo.
"Kaye, mamaya na," anas ko. Hinila niya ang aking kumot.
"'Di puwede! May pagsusulit tayo! Dali!" Bumalikwas ako at ibinato sa kanya ang aking unan pero agad din naman niya itong nasalo.
"Puwedeng lumiban? Halos saulado ko na lahat ang eksam ni Propesor Escanda." Humalukipkip naman ito.
"Talaga ba? Aba'y pampisikal na eksam ang gagawin natin ngayon Gel."
"Ehersisyo ba?" walang gana kong tanong.
"Hindi! Mangingisda raw tayo sa ilog. Ang makahuli, 'yan na raw ay may makukuhang malaking puntos sa kard." TInanguan ko siya at sumenyas na lumabas.
"Susunod ako," sabi ko pa.
Hindi rin naman nakipagtalo pa si Kaye sa akin at agad na lumabas ng aking silid. Kinuha ko ang aking tuwalya at pumasok sa banyo.