Dear Nicomaine - Unang Kabanata

903 36 7
                                    

SA PANULAT NI: pseudomariel

PROMPT:

PROMPT NI: Dangerous_Lei


June 15, 2018

Dear Nicomaine,

Matapang akong tao. Hindi ako natatakot sa multo, sa kahit na anong hayop, pati sa kamatayan. Tatlong bagay lang ang kinakakatakutan ko sa buhay; ang Diyos, pagsisisi, at ikaw. Oo, ikaw. Sabi nga ng kaibigan ko noon, baka raw hanggang ngayon ay takot pa rin ako sa matataas na lugar. Dahil ganun ka. Mataas ka. Sobrang taas. Pero kasi matagal ko nang nalampasan yung takot ko sa matataas na lugar. Pero ikaw, ang tagal-tagal na pero hanggang ngayon natatakot pa rin ako sa'yo.

Sa mga nakaraang buwan, may mga pinagdaanan akong nagpa-realize sa akin na maikli lang ang buhay. Narealize ko na lahat ng gusto kong gawin na palagi ko nalang ipinagpapabukas ay dapat gawin ko na ngayon para kung sakali mang wala nang bukas, wala akong pagsisisihan. At dahil nga takot ako sa pagsisisi, gusto ko sa'yo sabihing...

Mahal kita.

Nicomaine, marami akong mga pinalampas na pagkakataon noon. At ayoko nang palipasin ang araw na ito nang hindi ko sa'yo nasasabi ang nararamdaman ko. At dahil hindi ko pa ito masasabi sa'yo nang harapan, minabuti kong sumulat nalang sa'yo.

Maganda din pala yung ganito. Yung hindi mo alam ang pangalan o ang hitsura ko. Ang tanging basehan mo lang sa pagkatao ko ay ang sulat-kamay kong hindi ko alam kung nababasa mo (O Diyos ko, sana naman). Yun at ang bawat salitang nakalakip sa sulat na ito.

Kumusta ka na? Ganoon ka pa rin ba kaganda? Ang tagal na kasi nating hindi nagkikita. Nabalitaan kong umuwi ka na mula sa Maynila. Maayos ba yung bago mong pinagtatrabahuan? Ayos lang ba kayo diyan sa City? Balita ko dahil sa pagdami ng mga umaanib sa mga rebelde, may mga bahay diyang nilulusob ng mga militar para maghanap ng subersibong materyales para gamiting ebidensya sa mga pinaghihinalaan nilang mga rebelde.

Siya nga pala, hindi ako stalker, rapist, o mamatay-tao. Yung mga nabalitaan ko tungkol sa'yo, nabalitaan ko lang talaga sa mga kakilala kong kakilala mo rin. Wala akong masamang intensyon sa pagsulat kong ito. Gusto ko lang talagang sabihing mahal kita. Pangako yan.

Hindi muna ako magpakilala. Sa ngayon ito lang ang kaya kong sabihin sa'yo; isa akong tao mula sa nakaraan. Isang duwag na hindi makapag-tapat-tapat. Kapag pwede at kaya ko na, magpapakilala ako agad sa'yo. Sa ngayon, ipapadaan ko nalang muna sa sulat ang lahat ng gusto kong sabihin. Hindi mo kailangang sagutin ang mga sulat ko. Hindi sa nag-aassume akong sasagot ka ha? Pero kung sakaling bigla mong maisip na sumulat pabalik, kahit wag na. Mas mabuti yung ganito.

Nicomaine, wala akong hihingiin sa'yo kundi na hayaan mo lang na mahalin kita sa pamamagitan ng mga sulat ko. At kung pwede, basahin mo nalang din yung mga sulat ko. Yun lang sapat na. Gaya nga ng sinabi ko kanina, hindi mo kailangang sagutin ang mga sulat ko. At mas lalong hindi mo ako kailangang mahalin pabalik.

Eto lang muna ngayon. Sa susunod na Biyernes ulit.

Nagmamahal sa'yo,

Ako

---

Parang kelan lang nung pinayagang ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos. Kagulo yung mga tao noon. Halo-halo yung sentimyento ng mga tao patungkol doon. Yung mga hindi pabor, inungkat nila yung mga pang-aabuso ng mga Marcos, yung mga paglabag sa mga karapatang pantao, yung mga katiwalian sa administrasyon, at kung anu-ano pa. Yung mga pabor naman, ang sabi nila, "Matagal na yun. Forgive and forget." Ay eto pala ang paborito ko; yung tweet na ang sabi, "The Marcoses are good people. Others just don't see it because they focus on the Martial Law Thingy." Aba matinde!

Ako, hindi ako pabor. Hindi ko kayang masikmura yung "forgive and forget" na sinasabi ng mga maka-Marcos. Sige, subukan niyong sabihin iyan sa mga pinatay at tinorture nung rehimeng Marcos pati sa pamilya nila. Sabihin niyo yan sa lolo kong pinag Russian roulette at kinuryente sa tite nung nakakulong siya. Hahambalusin kayo nun ng baston niya. At saka paano magpapatawad eh kahit kalian hindi naman humingi ng tawag yung pamilyang iyon. Yung parang wala lang silang ginawang mali.

Nung mainit na mainit pa yung isyu diyan sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB, nagkalat sa socmed yung mga kwento ng pang-aabuso sa maliliit na tao nung mga panahong iyon, yung mga kwentong malamang sa malamang ay hindi pa natin narinig noon kasi nga maliliit na tao lang sila. Grabe pala talaga. Meron akong isang nabasa na bukod sa tinorture siya, napanood pa niyang gahasain yung isang babaeng kasamang niya sa selda. Meron ding nakita niya kung papano isinilid yung kasama niya sa isang drum na may takip pagkatapos i-torture at hinayaang itong mamatay doon.

Naisip ko noon, buti nalang pala talaga at hindi ako nabuhay nung panahong iyon. Kasi naman, itong bibig ko minsan walang preno. Eh kahit pala bigla ka lang mapakanta ng "Bayan Ko" noon at may makarinig sa'yong militar eh pwede ka nang ikulong o derechong patayin. Siguro kung nabuhay ako nung panahong iyon, isa ako sa mga ikinulong, tinorture, at pinatay. Pero si Lord ang sabi, "Oops. Maaga pa para magpasalamat beh. I have more in store for you." At eto na nga, mag-a-apat na buwan nang nasa ilalim ng batas militar ang Pilipinas.

Dalawang buwan na rin pala mula nang umuwi ako galing Maynila. Pinauwi kasi ako ng nanay nung naging masyadong magulo doon. Mas tahimik raw dito sa probinsya. Pero unti-unti na ring gumugulo sa ibang bahagi ng bansa, kahit dito na balwarte ng Pangulo.

Ang sabi ng nanay, walang-wala raw yung dinadanas naming ngayon sa dinanas nila nung panahon ni Marcos. Ang sabi naman ni lolo, ilang buwan palang raw at masyado pang maaga para magkumpara. Kay lolo ako! Pero sana naman hindi ito maging kasing tagal at kasing brutal nung rehimeng Marcos. Ang sabi ng Pangulo, anim na taon lang raw ang termino niya kaya anim na taon lang din ang ilalagi niya sa puwesto. Pero ilang politiko na ba ng hindi tumapad sa pangako nila? Halos lahat nga eh.

Minsan, ayoko na manood ng tv o kaya makibalita sa socmed. Yung mga balita kasi puro hinuli si ganyan, pinatay sa ganito. Ayoko mang aminin, natatakot na rin ako. May usap-usapan na rin kasi na may mga ka-eskwela ako nung kolehiyo na nag-underground na raw at pinaghahanap na ng awtoridad. Di nga lang nila sinasabi kung sinu-sino.

At dahil masyado nang masakit sa ulo ang mga kaganapan sa Pilipinas, welcome distraction itong sulat ng hindi kilalang lalaki. Teka Nicomaine, lalaki nga ba? Hindi kaya ate ito? Pero sige, sabihin nalang nating lalaki itong nagpadala sa akin ng sulat.

Kadarating ko lang galing sa trabaho nung nakita kong may dilaw na sobreng nakaipit sa gate ng apartment na tinutuluyan namin ng pinsan kong si Ate Lyka. Sa harap nung sobre may nakasulat na, "Nicomaine, basahin mo please." Medyo magulo ng sulat-kamay ni koya ha. Umakyat agad ako sa kwarto para basahin yung sulat.

Ano ba ang dapat maramdaman ng isang tao pagkatapos siyang masabihan ng "mahal kita"? Siguro kung yung magsabi sa kanya nun ay mahal niya rin, masaya siyempre. Kung hindi niya naman mahal yung tao at alam niyang walang pag-asang mahalin niya ito pabalik, siguro ma-giguilty kasi masasaktan niya yung tao eh. Eh ako, ano ba dapat ang maramdaman ko ngayong di ko naman kilala kung sino yung sumulat sa akin? Paano ko masasabi kung may pag-asa siya sa akin o wala?

At ano bang ibig sabihin niya nung sinabi niyang mataas ako? Na mahirap akong abutin? Teka, hindi kaya mayabang yung dating ko sa kanya noon?

Pero ang pinaka-mahalagang tanong, sino kaya 'to? Hindi ko makilala yung sulat-kamay eh. Base sa mga sinabi niya, magkapareho kami ng mga kakilala. Hindi kaya taga-UP Mindanao siya? Ipabasa ko kaya sa mga kaibigan ko, baka sakaling makilala nila yung sulat-kamay? Pero parang masyadong personal yung laman ng sulat. Baka ayaw ni Kuya na may ibang makabasa. Sabi rin ni Kuya, matagal na raw kaming hindi nagkikita. Sino ba ng mga taga-UP na matagal ko nang hindi nakikita? Eh ang dami nun. Ngayon lang ako nakauwi mula nung graduation. Di bale, mukhang susulat naman siya ulit. Baka makakuha pa ako ng ibang clue. 

AMACon 4: Serendipitous - Likhang TagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon