"Meng, alam mong hindi lamang sa mga nakaw na sandaling ito ako sa iyo. Tandaan mo, sa iyo lang ako palagi, buong-buo."
Hawak pa din niya ang ulo ko, magkadikit ang aming mga noo at ramdam ko ang paghugot niya ng hininga. Inialis ko ang ulo ko mula sa mga kamay niya at tiningnan siya.
"Para naman tayong artista nito eh. Diretsahan na nga lang tayo RJ. Walang commercial, walang pasakalye. Ano ba kasi ang gusto mong malaman tungkol sa akin? Kabisado mo naman na ultimo mga maliliit kong nunal sa katawan. Hindi pa ba pwede yun?"
"Mahal kita, Meng."
"Putangina naman RJ, walang ganyanan!"
"Mahal nga kita! Masama bang aminin yun sa iyo?!?"
"Hindi ka naman mabiro sa walang pasakalye! Malay ko ba na ganyan na agad ang sasabihin mo?!? Akala ko pa naman aamin ka na may asawa ka, may anak, may boyfriend na iba kasi bakla ka..."
"Ikaw ang may anak, Meng. Si Trixie. At alam ko na hiwalay ka sa asawa mong si Joaquin, may isang taon na. At alam kong tuwing Sabado ay kinukuha ni Joaquin si Trixie kaya tuwing Sabado tayo nagkikita, at nagmamadali ka palagi dahil matapos nating magkita ay nagpupunta ka sa puntod ng Lola mo para magdala ng bulaklak."
Hayup. Hayup ka RJ. Ano itong bomba na pinasabog mo sa akin ngayon?
"At alam kong maraming tanong na dumadaloy ngayon dyan sa utak mo dahil kitang-kita ko sa mga mata mo ang pagkalito sa mga sinabi ko. Kaya hayaan mo sana akong magpaliwanag."
Kaya ba inuna mong sabihin sa akin na mahal mo ako? Akala mo ba ay madadala mo ako sa pag-amin mo ng nararamdaman mo para sa akin? Akala mo ba ay mapapa-amin mo ako na mahal din kita?
"Makinig kang mabuti, Meng, please. Sa loob ng tatlong buwan na nagkikita tayo, na nagpapalipas ng oras sa kama na ikinasasabik ko, hindi ko sinasadyang mahulog sa iyo ng buong-buo. Hindi kasama sa plano na mahalin kita."
Plano?
"Meng, kilala ko si Joaquin. Binayaran niya ako para...para makuha ang loob mo, para akitin ka at gawan ng ebidensya ng adultery, para may kaso siyang maisampa laban sa iyo para magkaroon siya ng sole custody kay Trixie."
PAK!
Kung hindi lang malapit masyado ang mukha ni RJ ay mas may buwelo pa sana ako sa pagsampal sa kanya. Pero malakas pa din ang pagkakadapo ng kamay ko sa mukha niya. Nanghinayang ako ng bahagya dahil ubod ng pula ang pisngi niya. Sayang ang pagka-tisoy nito. Pero kulang pa iyon. Gusto ko siyang saktan ng sobra.
"Pero itinigil ko na Meng, hindi ko na tinatanggap ang pera mula kay Joaquin. Matapos ang isang buwan mula nang magkita tayo sa sinehan ay itinigil ko na ang anumang ugnayan kay Joaquin, dahil alam ko kung gaano ka niya inabuso at sinaktan noong magkasama pa kayo."
PAK!
Ayaw mong tumigil, RJ? Gusto mo bang dumanak pa ang dugo mula sa pisngi mo para lang tumigil ka na sa pagsasalita?
"Sinabi ko kay Joaquin na hindi ko magagawang magpagamit pa sa kanya para lang makuha niya si Trixie. Lalo na't nalaman ko kung paano ka niya saktan."
Ibinalya ko siya sa pader at tumakbong palabas ng kuwarto. Nakakataka pero ang inaasahan kong pagpatak ng luha matapos ang mga narinig ko mula kay RJ ay wala. Lalo lang akong nagalit. Pati ba naman ang luha ko hindi na din ako kayang kampihan? Naramdaman ko na lang ang kamay ni RJ na hinawakan ang kamay ko. Punyeta, ilang sampal pa ba ang gusto mong ibigay ko sa iyo?
PAK!
"Meng...please... maniwala ka. Matagal ko nang gustong sabihin sa iyo ito, pero ayaw mo akong bigyan ng pagkakataon na magkwento."
"Kwento?!? Hindi basta kwento ang ibinagsak mo sa akin ngayon, RJ!"
"Alam ko, pero maniwala ka sa akin Meng, itinigil ko na ang pakikipagkita kay Joaquin, matagal na. Sinabi ko sa kanya na wala akong maibibigay na kahit anong ebidensiya. Dahil sa bawat Sabado na magkasama tayo, kahit pa nagmamadali tayo palagi, nararamdaman ko kung gaano kalalim ang pagkatao mo, kaya't nahulog lang ako lalo sa iyo. Meng, maniwala ka, mahal kita."
PAK!
"Meng..."
"Huwag na huwag mo akong susundan."
Takbo, Nicomaine. Huwag kang lilingon, huwag kang makikinig.
Putangina, bakit ngayon pa tumulo ang luha ko?
BINABASA MO ANG
AMACon 4: Serendipitous - Likhang Tagalog
FanfictionLibro ng mga kuwentong Tagalog.