Iterum (Again) - Alaala Sa Gulod

243 19 4
                                    

I.

"Tay, Nay, pasensya na po kung madalang ko na po kayong nadadalaw dito, busy po kasi sa trabaho e," pagkausap ni Cris sa puntod ng mga magulang sa lilim ng malaking puno ng kasoy na nakatirik sa gilid ng ilog sa may gulod.

Ang matagal ng himlayan ng mga magulang, ang tanging ala-ala niya sa mga ito buhat ng mangyari ang aksidente sa daan na naging sanhi ng pagkakahulog ng sinasakyan nilang truck ng mga gulay doon mismo sa gulod kung saan naroon si Cris ngayon. At simula no'n, namuhay siya ng pinagpapasa-pasahan, palipat-lipat ng tirahan sa mga kamag-anakan, at sa tulong na rin ng kanyang Ninong, nakapag-aral siya hanggang hayskul at pinaghihirapang makatapos ng kolehiyo habang nagtatrabaho sa museo bilang guwardiya.

Muli nitong sinindihan ang namatay na apoy sa kandilang itinirik sa paanan ng dalawang krus, saka muling nagsabi, "Miss na miss ko na po kayo, Nay, Tay. Labinlimang taon na ang nakalipas, pero ang sakit-sakit pa rin." anya, habang mahigpit ang pagkakakuyom sa hawak na lumang bolpen, "Itong bolpen na bigay mo Nay, ang nagsisilbing sandata ko ngayon para makapagsulat ng mga tula at mabawasan na rin ng kahit kakarampot ang bigat sa dibdib ko sa araw-araw at sa tuwing naaalala ko kayo ni Tatay," lahad pa niya ng kanyang saloobin sa pagka-uhaw ng mahigpit na yapos mula sa magulang. Sumingaw ang dalawang butil ng mga luha mula sa kanyang mga mata at ito'y naghuhunaan pababa sa kanyang tuyot na pisngi.

Pagkaraan, siya ay natigilan sa narinig na maganda at malamyos na boses ng isang babae sa 'di kalayuan. Hango sa himig ng isang kanta na matagal na niyang hindi naririnig.

"🎵Sa ilog ang mundo'y tahimik

Ako'y nakikinig sa awit ng hangin🎵"

Kasabay itong itinatangay ng malamig at sariwang ihip ng hangin sa gulod, saliw sa salitan na tunog ng ibong pipit at pagaspas ng mga dahon sa sanga.

"🎵Habang kayo'y hinihintay

Na sana'y dumating bago magdilim..🎵"

Hindi alam ni Cris kung anong mahika ang mayroon sa boses na naririnig, upang malusaw nito ang lungkot sa puso niya at unti-unting mapalitan ng saya.

"🎵Sa tuwina'y kandungan niyo ay duyan

Panaginip na walang katapusan

Ang ilog hantungan niya'y pangako

Ng 'yong pagbabalik...🎵"

At hindi niya namalayang laman na ng kanyang isipan ang batang minsan niyang iniligtas noon mula sa pagkakalunod, doon mismo sa ilog sa baba ng gulod, labing isang taon na ang nakakaraan.

"Kumapit ka sa 'kin bata, ilalangoy kita do'n sa gilid."

Ubo, iyak, ubo lang ang tanging sagot sa kanya nito, hanggang sa ma-i-upo niya ito sa pampang.

"Shhh..tahan na bata. Ligtas ka na."

"S-salamat." ani ng batang babae sa kanya nang makabawi ito ng lakas at hininga, kasunod ay ang biglaang pagyakap nito sa kanyang leeg. Sa tagpong 'yun unang naramdaman ni Cris ang di mawaring kabog ng dibdib, na tila sasabog ang puso niya dahil sa kaba at bilis.

"🎵Ngiting kasama ng hangin...🎵"

Subalit biglang nawalan ng malay ang batang babae mula sa pagkakayakap sa kanya, na naging dahilan ng kanyang pagkataranta. "Bata, bata. Gumising ka!" Pero hindi pa rin ito nagising kahit anong gawin niyang pagyugyog dito. Kaya naisipan niyang iwan muna ito saglit upang humingi ng tulong.

"🎵Luhang daloy ng tubig

Sa ilog na 'di naglilihim..🎵"

Ngunit sa kanyang pagbalik kasama ang isang matandang lalaki sa pinaglagakan niya rito, wala na roon ang batang babae.

Sa puntong 'yun na naputol ang pagbabalik gunita ni Cris kasabay sa pagkawala ng tunog ng gitara. Subalit ang misteryoso at 'di mawaring tibok ng puso, na akala niya ay nabaon na rin sa limot kasabay ng kanyang paglaki ay muling bumalik at nanariwa sa kanyang pakiramdam.

Mula sa pagkakasandal ng likod niya sa puno, iniangat niya ang sariling katawan at sumilip kung saan nanggagaling ang magandang boses. At mula sa kanyang kinauupuan, nakita niya ang nakatalikod na babaeng may maliit na pangangatawan, mahaba at tuwid na buhok. Nakaupo ito sa gilid ng ilog, nakatingala sa langit, na parang may hinihintay na milagro.

"Crisostomo..." sambit nito pagkaraan, alinsunod sa unang linya ng sinasaulo nitong iskrip para sa dulaan nila sa eskwela, hango sa tema ng Noli Me Tangere.

Na siya namang pinagmaling palagay ni Cris, kaya nagulat siya habang kunot ang noo na napatanong sa sarili, "Teka, pangalan ko yata 'yun?" pero kapagkuwan biglang sumilay sa mga labi niya ang isang pilyong ngiti.

"Kung nasaan ka man ngayon irog ko, sana'y kawangis ng iyong puso ang aking nadaramang pangungulila. Ako'y labis na nalulungkot at nagdaramdam sa iyong paglisan, subalit ako'y mananatiling matatag at umaasa na darating ang panahon na tayo'y muling magkikita. Sa ngayon, damhin mo itong aking halik na ipapadala ko sa hangin. Kasabay nitong bulong ng aking puso na labis kang iniibig."

Sa narinig ng binata na muling sinabi nito, ay mas lumawak ang kanyang pagkakangiti mula sa pagkakakubli. "Tignan mo nga naman, Nay, Tay. Mukhang dito sa gulod ang may poreber e," anya, habang pinipigilan ang sariling kilig sa pamamagitan ng pagtikom ng mariin sa mga labi.

Saglit na namayani ang mapayapang katahimikan sa pagitan ng dalawa, wala silang ibang naririnig ngayon kundi ang lagaslas ng umaagos na tubig sa ilog, huni ng mga ibong naglalaro sa himpapawid at halinghing ng preskong hangin.

Kapagkuwan muling ipinihit ni Cris ang katawan upang muling silipin ang babae, subalit wala na ito sa kinauupuan kanina. Nakadama ng pagkadismaya ang binata, panghihinayang, "Lablayp na sana, nawala pa. Pero sana talaga siya yung batang babae at hindi lang nagkamali 'tong puso ko ng tibok sa pagtukoy sa kanya." Kasunod ay ang marahas niyang buntong hininga, "Sayang, naunahan na naman ako ng kaba at pagkatorpe ko, natanong ko sana kung sya yun."

Tumayo na ang binata mula sa pagkakaupo, "Makauwi na nga lang muna. May susunod pa naman at may tamang panahon sa lahat, diba nay, tay? Kaya sa ngayon, uwi na muna ako ah? Balik na lang po ako kapag may time. Salamat po, mahal ko po kayo." ani Cris habang pinapagpagan ang pantalon na suot at pagkaraan, mabilis na itong naglakad palayo sa lugar alintana ang babaeng nakasandal din ang likod sa puno, kagat ang sariling mga labi habang sambit ito sa isipan, siya 'yung bata noon...

#

AMACon 4: Serendipitous - Likhang TagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon