Nagising si Maine dahil na rin sa tunog ng alarm clock niya. Pasado alas siyete na ng umaga nang mga oras na 'yun. May pasok siya ng alas otso kaya bumangon na siya para maghanda. Ginising na din niya ang kaibigang si Sheena. Matapos ang ilang minuto ay papunta na sila sa klase. Pero kahit nasa loob na siya ng classroom nila ay tila ba lumilipad sa kung saan ang kanyang isip. Ewan ba niya pero nitong mga nakaraang araw ay para siyang tulala at hindi mapalagay. Pinilit niyang kalmahin ang kanyang sarili at nakinig sa kanilang guro. Matapos ang klase nilang 'yun ay nag desisyon siya na lumabas muna ng campus. Maglalakad lakad na muna siya saglit tutal mamayang alas diyes ng umaga pa naman ang susunod niyang klase.
Dahan dahan siyang naglakad. Medyo lumalamig na ang simoy ng hangin sapagkat malapit na ang taglamig sa Seoul. Nasa harap na siya ng tawiran at napansin niyang medyo nagulo ang kanyang buhok kaya inayos niya muna ito. Nakapa niya mula sa kanyang leeg ang kuwintas na ibinigay sa kanya ni Sheena. Saglit niyang tiningnan ang pendant nitong hour glass. Napansin niyang umilaw ang loob nito at tila ba gumalaw ang mga buhangin sa loob. Tiningnan niya ulit sa ikalawang pagkakataon ang pendant ngunit wala namang nangyari. Baka namamalikmata lang siya. Tumatawid na siya ng kalsada nang hindi niya napansin ang isang humaharurot na sasakyan. Tila ba nawalan ng kontrol ang driver nito. Hindi na siya nakagalaw pa mula sa kinatatayuan niya.
Para bang tumigil ang buong mundo niya nang mga oras na 'yun. Ang bilis ng mga pangyayari. Nabangga siya ng kotseng paparating. Tila ba umikot ang buong paligid. Tumama ang katawan niya sa mismong harapan nito. Agad siyang tumilapon at nakahiga sa gitna ng kalsada. Nakakasilaw ang init ng sikat ng araw. May pigura ng isang lalake ang lumabas mula sa kotseng nakabangga sa kanya. Hindi na niya nakita pa ang hitsura nito. Dahan dahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Nagdilim na ang kanyang paningin.
...Isang Napakahabang Kadiliman...
Dahan dahang idinilat ni Maine ang kanyang mga mata. Halos hinahabol niya ang kanyang hininga. Inisip niya kung ano ba ang nangyari. Napansin niya ang bubong na kinaroroonan niya. Dahan dahan siyang bumangon. Napansin niyang kakaiba ang suot niyang damit. Nagtataka siya kung bakit nakasuot siya ng 'hanbok'; ang tradisyunal na kasuotan ng Korea. Kakaiba din ang silid na kinaroroonan niya. Nasaan ba siya? Anong klaseng ospital ba ang pinagdalhan sa kanya? Ang silid na 'yun ay kagaya sa mga nakikita niya sa mga historical drama ng Korea. Ang hitsura nito ay tila ba nasa sinaunang panahon.
"Teka...nasan ba ako? Patay na ba ako? Anong lugar ba 'to? Siguro naman nasa Seoul lang ako? Pero parang hindi naman 'to ospital. Where am I exactly?", naitanong siya sa sarili nang biglang may pumasok na isang babae. Nakasuot din ito ng sinaunang kasuotan.
"Binibini, gising ka na pala.",sabi nito at agad na lumapit sa kanya.
"Sino ka? At nasan ako?"
"Hindi mo ba naaalala?"
"Hindi eh."
Maya maya ay pumasok na isang lalake. Nakasuot din ito ng sinaunang kasuotan. Nagtataka siya kung bakit ganun ang suot nila. Nasa isang historical drama ba siya? Hindi kaya isang eksena sa isang drama ang aksidenteng nangyari sa kanya. Nasa mahigit kuwarenta anyos na ang edad ng lalake. May bigote din ito. Malumanay at magalang ito magsalita. Nakiusap ito sa babaeng kausap niya kanina na iwanan muna silang dalawa. Nakaramdam siya ng takot na baka may gawin itong masama sa kanya.
"Huwag kang matakot, Binibini. Wala akong gagawing anumang masama sa'yo."
"Sino ba kayo?"
"Ang pangalan ko ay Min Yu Jung."
"Min Yu Jung?"
"Teka...parang pamilyar sa akin ang pangalan niya. Parang nabasa ko siya sa kung saan."
"Oo. Pwede mo bang sabihin sa akin kung ano ang iyong pangalan?"
"Nasan po ba ako? Nasa Korea ako di ba?"
"Ko-korea? Saan 'yun?", tanong nito sa kanya na medyo naka kunot ang noo.
"Hindi niyo po alam kung saan ang Korea? Ah, taga Seoul po ako. Seoul?"
"Patawad, Binibini. Pero hindi ko maintindihan ang iyong sinasabi. Hindi ko rin alam ang Seoul at Korea na sinasabi mo sa akin."
"Ano? Nasaan po ba ako ngayon?", tanong niya sa lalakeng kausap. Unti unti na siyang nakakaramdam ng kaba.
"Nandito ka sa bahay ng mga Jung; ang pamilya at angkan na kinabibilangan ng kasalukuyang Reyna ng Joseon."
"Jo-joseon?"
"Oo tama ka. Joseon. Ito ang bahay ni Reyna Inhyeon, ang kasalukuyang reyna ng Joseon. Ako ang kanyang ama, si Min Yu Jung."
"Nagbibiro po ba kayo? Gino- good time niyo po ba ako?"
"Good time? Anong ibig sabihin ng good time?"
"Nagsisinungaling kayo sa akin. Paano naman..."
"Hindi ako maaaring magsinungaling sa'yo Binibini. Nasa Joseon ka."
"Hindi. Hindi. This can't be happening to me."
Agad agad siyang tumayo at tumakbo palabas ng silid na 'yun. Tumatakbo naman na nakasunod sa kanya ang lalakeng nagpakilalang Min Yu Jung. Nang lumabas siya ng bahay ay tumambad sa kanya ang isang tanawing ni sa panaginip ay hindi niya inaasahan. Ang mga bahay ay kagaya sa isang sinaunang Korean folklore village na nababasa niya lang sa libro at napapanood sa mga Korean drama. Kagaya ito ng bahay na nakita niya sa Andong Hahoe Folk Village. Minsan na siyang nakapunta 'dun nang minsang isinama siya ni Sheena. Lalong tumindi ang naramdaman niyang kaba.
Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang lalakeng nagpakilala sa kanya. "Sir, nasan po ba talaga ako? Nasa loob ba ako ng isang historical drama?"
Medyo nagulat ito sa ginawa niya. "Binibini, kalmahin mo ang iyong sarili. Nasa Joseon ka."
"Jo-jo-joseon. Joseon dynasty?"
"Oo, tama ka."
"Joseon? Goryeo? Baekje, Silla? 'Yun ba ang Joseon na tinutukoy niyo?"
"Oo, tama ka. Pero bakit tila hindi ngayon mo lang narinig ang mga ito?"
"Ibig sabihin hindi pa ako patay. Buhay ako. Bakit ako nandito?"
"Binibini, may problema ba? Mabuti pa ay bumalik ka na sa loob. Mahina ka pa. Baka kung lumala ang kalagayan mo."
"Sir, sa-sa-sabihin niyo sa akin. Anong taon po ngayon? Anong buwan at araw?"
"Ngayon ay ikalabing siyam ng Marso taong 1694."
"1694? 322 years ago before 2016? Sir, Si-si-sino po ang kasalukuyang hari ngayon?"
"Ang kasalukuyang namumuno ay ang Kamahalan na si Haring Sukjong."
"King Sukjong? He is the 19th King of the Joseon dynasty. Imposible. Bakit ako napunta dito sa Joseon? Anong nangyayari? Joseon? King Sukjong? Am I transported to the Joseon era? OMG. Totoo ba ang lahat ng 'to? No, no, no. This can't be. This is not happening. I need to go back.", nasabi niya nalang bago pa siya nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
AMACon 4: Serendipitous - Likhang Tagalog
Fiksi PenggemarLibro ng mga kuwentong Tagalog.