July 6, 2018
Dear Nicomaine,
Nakarating sa akin yung balitang nahuli mo raw yung naghatid nung huli kong sulat sa bahay niyo. Sabi raw nung naghatid, hinabol mo raw siya sa kalsada habang nakapambahay. Tinanong mo raw si manong kung lalaki ako. Hindi ko nga pala nasabi sa'yo no? Tomboy talaga ako. Dejoke. Lalaki ako, Nicomaine. Wag kang mag-alala. Naikwento rin sa akin na parang may sakit ka raw base sa boses mo noon. Ayos ka na ba? Sa bagay, nung isang linggo pa iyon kaya malamang magaling ka na. Pero Nicomaine, alagaan mo yung sarili mo. Wag ka masyadong nagpapagod. Kapag pakiramdam mo hindi na kaya ng katawan mo, magpahinga ka agad.
Nga pala, yung nahuli mong lalaki, hindi niya talaga ako kilala. Napag-utusan lang siya ng pinag-utusan kong maghatid ng sulat sa'yo.
Nicomaine, pwede ba akong mag-assume na gusto mo akong makilala? Teka lang, medyo kinikilig tumbong ko. Hehehe. Gusto ko rin namang magpakilala sa'yo. Kaya lang hindi pa kita mapupuntahan. Pangako, pag pwede na pupuntahan agad kita. Eh Nicomaine, kapag magpakita na ako, pwede bang makahirit ng date? Ano ba 'to? Para akong tanga. Para namang masasagot mo yung mga tanong ko.
May kwento ako.
Schoolmates tayo nung college. Unang linggo palang ng klase, usap-usapan na may magandang freshie sa Comm Arts. Oo, ikaw yun. Tanggapin mo na. Dati kasi kapag inaasar ka tungkol dun, palaging kumukunot yung ulo mo. Totoo naman kasi. Maganda ka talaga, Nicomaine. Wag mong kakalimutan iyan. Pero hindi ako nagka-crush agad sa'yo nun. Nung nalaman ko kasi na sa AdDU ka nag-hayskul, naisip ko agad na maarte ka at saka malamang conyo. Oo na, judger na ako. Pero ayun nga, hindi kita agad nagustuhan.
Eh naging kaibigan kita... Dun ko nalaman na maling-mali yung naisip ko tungkol sa'yo. Sobrang layo mo sa in-expect ko. Mabait ka, hindi ka maarte, at saka magaling kang makisama. Kahit kalian hindi ko naramdaman na magkaiba tayo ng antas sa buhay. At hindi ka conyo! Hindi nagtagal, nahulog ang loob ko sa'yo. Kaya lang may Cedric pa noon. Pero kahit pa walang Cedric, hindi pa rin siguro ako maglalakas loob na ligawan ka. Sabi ko nga noon, mataas ka. Hindi ko sinasabing mababa ako. Sadyang napakataas mo lang. Kahit nga nung naghiwalay kayo ni Cedric, hindi pa rin ako kumilos. Oo na, mali ako. Alam ko na iyon ngayon.
Sa mga sinabi ko ba ay may ideya ka na kung sino ako? Malamang wala pa rin. Hindi mo kasi nakikita yung mga titig at ngiti kong exclusive for Nicomaine. Hindi mo kasalanan. Sinasadya ko naman talagang itago sa'yo kaya yung mga titig at ngiti lumalabas lang kapag hindi ka nakatingin. Parang sira no?
Salamat sa pagbabasa mo sa mga sulat ko. Wala kang ideya kung gaano mo ako napasaya.
Mahal kita, Nicomaine.
Nagmamahal sa'yo,
Ako
---
"Menggoose, tama naman ba yung assumptions nitong secret admirer mo na gusto mo siyang makilala?"
"Yes, of course. I mean, he's been sending me really sweet letters. Syempre gusto ko siyang makilala."
"Kinikilig ka naman ba?"
"Ate Lyka, ikaw ba naman sabihan ng 'I love you' nang paulit-ulit, hindi ka ba kikiligin?"
"Kung hindi bet ang boylet, hindi ako kikiligin."
"Ate, do you read wattpad stories?"
"Dati, oo. Nung di pa ako masyadong busy. Teka ba't tayo napunta sa wattpad? Yung kilig mo yung pinag-uusapan natin."
"Ako rin. Wala na akong masyadong time ngayon. Dati, gusto ko yung stories na college students yung lead characters. Ewan ko ba, there's something about young love that makes me feel all giddy. Ate, kasi, yun yung nararamdaman ko kapag binabasa ko yung mga sulat. Para akong nakikibasa lang. Alam mo yun? Parang hindi ako yung tinutukoy niya sa mga sulat."