Habilin - Cuatro

319 27 17
                                    

Mahigit anim na oras ang byahe ni Richard bago sya nakarating sa Marinduque. Hindi nya napaghandaan ang byaheng ito kaya't laking gulat na ganito pala katagal ang byahe. Mabuti na lamang at matumal ang byahe ngayon at wala masyadong sasakyan kung hindi ay hindi nya maisasakay ang kanyang sasakyan sa loob ng Ro-Ro. Mabuti narin at gumagana ang Waze sa isla dahil kung hindi, tiyak ni Richard na maliligaw sya sa lugar na ito.

Habang nasa barko ay may mangilan-ngilang Marinduqueno syang nakausap para narin makapagtanong ng mga impormasyon tungkol sa isla. Alam nyang mahilig si Maine sa dagat kaya't hindi narin sya nagtaka kung bakit dito ninais ng dalaga magpunta. Sa totoo lang, hindi maiisipan ng mga tao na hanapin sya dito dahil maliban sa maliit ang isla ay walang eroplano papunta sa lugar. Sasadyain mo ito gamit ng kotse at barko.

Maggagabi na ng makarating sya sa bayan ng Boac kung saan nakapagtsek-in sya sa isang mumurahing hotel. Hindi kabilisan ang internet sa hotel ngunit tiniis ito nya ito para makapagbasa tungkol sa probinsya. Kinaumagahan ay napagdesisyunan nyang maglakad-lakad sa bayan para maghanap ng makakainan.

Napadpad si Richard sa isang restawran malapit sa simbahan at tumambay narin sya dito dahil malakas ang signal ng kanyang internet. Hindi kalaunan ay may kumausap sa kanyang dalaga.

"Kuya, okay ka lang ba? Mukhang kanina ka pa may inahanap sa cellphone mo. Baka may maitulong ako sa iyo, kaibisado ko ang buong isla." bati ng dalaga kay Richard.

"Ah thank you, naghahanap lang ako ng magagandang beach dito. Balita ko marami daw dito sa Marinduque, ano ba massuggest mo?" tanong naman ni Richard.

"Ay baga? Meron dito malapit sa Mogpog, mga 30 minutes siguro andun ka na. Isang diretso laang yun galing sa bayan ng Mogpog tapos makaliwa ka kapag nakita mo na yung sign. Medyo mahaba-haba pa yun, pero saktuhan lang ang beach na yon. Hindi yun parang Maniwaya."

"Maniwaya? Saan naman yon?"

"Ay taga doon ako, sa Santa Cruz yun. Medyo malayo ang byahe pero sulit narin kasi yanong ganda baya nung dagat doon, puting puti ang buhangin. Ay tiyak magugustuhan nyo dun nga nobya mo." maligalig na sagot ng dalaga.

"Talaga ba? Liblib ba yung lugar? Kasi yun ang gusto ng girlfriend ko eh. Yung hindi pa nadidiscover masyado." tanong ni Richard.

"Hindi naman ganon ka liblib kasi yung iba ginawan na ng resort. Nakakaiyamot ngani ay. Sayang yung ganda nung isla, pero maayos parin naman. Merong ibang isla dun na pwede mong puntahan kung marami kang oras."

"O sige, salamat ha? Anong pangalan mo na nga? Ako pala si RJ."

"Mameng, Kuya RJ. Goodluck sa inyo ng nobya mo. Maganda dun, promise. O paano, iwan na muna kita dito at magatrabaho pa ako. Alam mo na, kayod kayod para sa ekonomiya." biro ng dalaga at umalis.

Hindi alam ni Richard kung pinaglalaruan ba sya ng tadhana or binibigyan sya nito ng pag-asa dahil sa lahat ng pwedeng pangalan, halos ka-palayaw pa ni Maine ang pangalan ng dalagang nagsabi sa kanya tungkol sa Maniwaya. Agad na nagbayad si Richard at bumalik sa kanyang hotel para kumuha ng gamit.

--

Halos tatlong oras ang binyahe ni Richard papunta sa Santa Cruz, Marinduque galing sa Boac. Pakiramdam nito ay nalibot na nya ang buong Marinduque sa pagod ngunit sa panahon ngayon ay hindi sya maaaring sumuko. Napagalaman ni Richard na kailangan nyang iwanan ang kanyang sasakyan sa pier dahil kailangan nyang sumakay ng bangka papuntang Maniwaya. Mabuti narin at may kakilala si Mameng dito kaya't naabisuan ang bangkero tungkol sa kanyang pagdating.

Matapos ang mahigit na kalahating oras ay nakarating si Richard sa isla ng Maniwaya at ito na marahil ang pinakamagandang aplaya na kanyang nakita. Puting-puti ang buhangin at wala masyadong tao dahil hindi pa naman bakasyon ngayon sa Maynila. Pansamantalang nanatili si Richard sa isang resort na pawang bukas na kubo lamang ang tulugan dahil bukas naman ay magpupunta sya sa mga karatig isla ng Maniwaya.

AMACon 4: Serendipitous - Likhang TagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon