Iterum (Again) - Guhit ng Nakaraan, Larawan ng Kasalukuyan

203 17 5
                                    

II.

"O, eto na 'yung tula na pinapagawa mo para 'dun sa chix mo." bungad ni Cris sa nakayukong kaibigan, pagpasok niya kinagabihan sa trabaho.

Napangiti ng maluwag si Ely, at agad na kinuha mula sa kamay niya ang nakatuping papel.

"Uy! Salamat. The best ka talaga, bespren!" anito at nakipagsanggang braso.

"Maliit na bagay. Pero matanong ko lang, hanggang ngayon ba eh, hindi ka pa rin nabibisto niyang nililigawan mo na ako ang nagsusulat ng mga love letters at tula mo? At saka hanggang ngayon din ah, dalawang buwan mo ng napapakinabangan ang pagka-makata ko pero hindi mo pa rin ako pinapakilala diyan sa chix mo. Nakakatampo ka na tsong, nagkakasekrituhan na tayo dito."

Ngumisi lang ng nakakaloko sa kanya si Ely at marahan itong binato ng balat ng mani sa mukha dahil sa pagtatampo na parang bata, "Loko! Huwag ka ngang seks dyan. Hindi ko pa sinasabi dahil mahirap nang mausog. Saka na kapag kami na. So far naman, hindi pa niya napapansin. At ako pa ba? Ang galing ko kaya!"

Marahang napalatak si Cris, "Yabang nito! Pero goodluck sa panliligaw mo, sana sagutin ka niyan talaga sa kabila ng pinaggagawa mong style ng panliligaw."

"Naman! Makikipag-eyeball na nga e, kaya mahihinto na rin 'tong pa-penpal like oldies ninyo, este namin."

"Hmm...eh di mabuti." tipid na sagot ni Cris, na tila nakadama ng pagka-inggit sa buhay pag-ibig ng kaibigan.

"Oo. At sa makalawa na yun dito sa museum, kaya dapat present ka."

"At bakit pati ako? Ako ba ka-eyeball? Saka busy ako. Finals namin sa makalawa, bawal maging third wheel ang graduating student." rason niya sa kaibigan, maging sa una nitong sinabi na gusto niyang makilala ang nililigawan nito.

"Hay naku, puro rason. Basta ako na ang bahala. Sa ngayon, alis na ako, palinis na lang nitong mga kalat ko ah?"

"Yan tayo e, ang galing manligaw pero ang tamad naman maglinis." singhal ni Cris dito saka binato ang bag nito na nasa tabi na agad namang nitong nasalo.

"Ayos lang yan, mabait ka naman kaya aabusuhin na kita."

"Mabait your face. Alis na nga, nambola ka pa!"

"Oo na. Eto na! Pero labyu 'tol, xoxo, ihhhhh! Tamis!" pang-aasar ni Ely dito, kasunod ng malakas nitong pagtawa habang naglalakad palayo.

Natawa na lang din si Cris habang marahang umiiling, "Sira ulo talaga."

Samantala, habang abala ang binata sa paglilinis ng naiwang kalat ni Ely, biglang nabuklat ang mga pahina ng aklat ng Noli Me Tangere, sa loob ng salaming estante na parang inihip ng malakas na hangin. Kasunod nito ay ang paglabas ng puting usok sa bawat pahina, na kumalat sa sahig ng buong museo pataas sa dingding, patungo kay Cris.

Natigilan saglit ang binata sa ginagawa, nang may maramdamang kakaiba. Subalit sa paglingon nya sa kanyang likuran, ay tila ba bigla siyang sinalpok ng malakas na hangin at sinundan ito ng matindi niyang pagkahilo.

"A-anong n-nangyayari?" anya sa sarili at biglang nabuwal sa pagkakatayo at nawalan ng malay, subalit ang diwa niya ay gising ngunit ito ay wala sa kasalukuyan kundi naglalakbay pabalik sa kung saan nagsimula ang lahat.

Isang batang lalaki at babae na may edad sampung taon ang nagtatawanan sa gilid ng ilog, ang nakikita ni Cris mula sa kanyang pagkakapikit.

"Timong, talo na nanaman ang iyong bapor ng aking lantsa." may pagmamalaking sambit ng batang babae sa batang lalaki, habang magiliw nilang sinusundan ang gumigiwang at inaanod na bangkang papel ng malakas na agos ng tubig.

Subalit sa bawat paghakbang ng kanilang mga paa, nagbabago ang kanilang anyo. Mula sa pagiging bata, unti-unti silang lumalaki hanggang sa sila'y naging dalaga't binata.

"Kung ang paglubog ng aking bangkang papel ay pag-usbong ng mga ngiti sa iyong mga labi Miyang, ay lugod kong tinatanggap ang aking pagkatalo." ani ng binatang si Timong na ngayon ay nakatingala sa dalaga mula sa pagkakaupo sa damuhan, at pagkaraan, inilalatag sa tabi ang kanyang panyolito upang magsilbing upuan ng dalagang si Miyang na ngayon ay namumula ang magkabilang pisngi dahil sa sinambit ng binata.

Naupo muna si Miyang sa panyolito at kapagkuwan ito ang kanyang sabi, "Timong, tayo'y mga binata at dalaga na. Ang iyong pagtawag sa akin ng Miyang ay hindi na akma sa aking laki."

Marahang napangiti ang binata sa turan nito, "kawangis ng hindi akmang pagtawag mo sa akin ng Timong imbes na Crisostomo."

Gamit ang kanyang pamaypay, tinakpan ng dalaga ang kanyang mukha upang ikubli ang kanyang pagtawa. "kung gayun, simula ngayon ikaw na ay aking tatawagin sa iyong pangalan, Crisostomo."

"Ikinararangal ko rin na tawagin ka sa iyong napakagandang pangalan, Clara. Aking Maria Clara."

Ang kanilang malagkit na tinginan sa lilim ng dapithapong kalangitan, sa piling ng mga damo at bulaklak maging sa magagandang mariposa na nakikisimpatya sa kagalakan at pag-ibig sa kanilang mga puso at hampas ng malamig na hangin sa kanilang mga balat ay ang mga piping saksi sa nagbabadyang pagtatapat.

"Crisostomo..." ani Maria Clara sa binatang katabi, nang sandaling gagapin nito ang kanyang isang kamay, at masuyong hinagkan ang ibabaw nito.

"Clara, batid kong maling pagkakataon sapagkat sa susunod na linggo ay lilisanin ko na ang ating bayan upang mag-aral sa Europa, subalit hindi ko makakayang umalis ng hindi ko man lamang nasasambit sa 'iyo itong lihim na damdamin na kay tagal ng kinikimkim." huminga muna siya ng malalim bago muling nagsalita, "iniibig kita, Clara. At kung mararapatin mo, maaari ba kitang maging katipan?"

Ang masilayang muli ang mga ngiti ni Maria Clara sa mga labi ay isa nang tanda ng pagsang-ayon at pagtanggap sa kanyang handog na pag-ibig, "Ako'y natutuwa na magkaparehas ang ating nararamdaman, Crisostomo. At ang pagtanggi sa iyong alok na pag-ibig ay isang kahangalan sa aking puso na kawangis ng sa iyo na umiibig."

Muling ginagad ni Crisostomo ang mga kamay ng dalaga sa kanyang mga labi at muling hinagkan ang mga ito, "Clara...salamat sinta."

Mataman silang nagkatinginan mata sa mata. Ang kanilang mga mukha ay tila hinihigop ng pwersa ng isa't-isa na siyang sanhi upang dahan-dahang magkalapit ang mga ito kasabay ng pagpikit ng kanilang mga mata. Dahan-dahan...hanggang sa tuluyan ng maging ganap ang pagdampi at pag-iisa ng kanilang mga labi, na tila paghalik ng tubig alat sa buhangin. Banayad subalit may bagsik. At ang paggalaw pasalungat sa isa't-isa ng kanilang mga labi ay sumsabay sa marubdob na pintig ng kanilang mga puso, na sa bawat segundong dumadaan ay mas lalong bumibilis. Sabay silang napasinghap. At sa pagkakadikit ng kanilang mga ulo habang parehas naghahabol ng hininga ay pinukaw ng isang galit na tinig mula sa kanilang likuran.

"Crisostomo Faulkerson! HUY!" pagyugyog ng tagapamahala ng museo kay Cris sa kanyang pagkakahiga sa sahig, gamit ang isa nitong paa.

Napamulat bigla si Cris at buong pagtatakang iginala ang paningin sa paligid habang habol ang sariling hininga na tila napatid sa gitna ng kanyang pagkakatulog.

"Ano bang pumasok sa tuktok mo at nakahiga ka dyan sa sahig?! Tulog ka na tulog imbes na nagbabantay ka at rumoronda?!" sermon nito sa kanya.

Napalunok si Cris dahil naramdaman niya bigla ang pagkatuyot ng lalamunan, at kahit na nanghihina pa pinilit niyang tumayo kalaunan.

Narito pa pala ang bakulaw na 'to. Pero ano nga ba talaga ang nangyari? "Pasensya na po sir, bigla po kasi akong nahilo kanina. Nawalan pala ako ng malay, salamat po sa paggising nyo sa akin, kasi kung hindi baka natuluyan na ako." paliwanang ni Cris dito pero hinirapan lamang siya nito.

"Na pinagsisihan ko." marahang bulong ng baklang tagapamahala sabay taas ng kilay at maarteng pitik ng daliri sa hangin, "hala! Wag tatamad-tamad, romonda ka do'n! Kapag dito may nakalusot na magnanakaw dahil sa kapabayaan mo, wala na akong pake kung inaanak ka ni Mayor, maliwanag?!"

Yumuko na lang si Cris dala ng pagkapahiya sa nangyari saka bahagyang tumango bilang pagsangayon, "Yes sir. Sorry po."

#

AMACon 4: Serendipitous - Likhang TagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon