Mula sa pagkakahimlay, muli akong bumangon. Naks, lakas maka-bampayr! Paumanhin sa matagal na update.
Dahil bakasyon at walang magawa maliban sa maging dakilang palamunin (kahit na wala naman kaming makain), napagdesisyunan namin nila Po at ng isa pa naming kaibigan na itatago ko sa ngalang "Mogu-Mogu" ('yan 'yung unang pumasok sa isip ko eh! Sakali mang mabasa 'to ni Mogu-mogu at malamang siya 'to, pasensya na. Sinusubukan kong maging creative eh) na pumasyal sa bukid. Unwind lang (naaks). Habang naglalakad kami tungo sa mas malayong parte ng bukid, nakita namin 'yung naging schoolmate namin nung elementary na ahead kami ng isang grade. Ibig sabihin, mas bata sa amin. (Ka-batch ni Mogu-mogu. Mas bata din kasi sa amin ni Po si Mogu-mogu.) Itago natin ito sa ngalang... uhh... "Damulag". Mataba siya eh. Nakasakay si Damulag sa bike niya na nakahinto at nakatitig siya sa isang puno ng mangga. Ewan ko anong ginagawa niya dun. Baka naghahanap ng durian. Hindi na namin siya pinagtuunan ng pansin ni Mogu-mogu pero biglang bumulong si Po, "Si Damulag 'yun, 'di ba?" Sumagot akong "oo" at doon nanariwa ang isang alaalang halos sampung taon nang nangyari. Naisipan kong ibahagi iyon kina Po at Mogu-mogu sa pag-aakalang makikisimpatya sila sa nangyari. So here goes...
(Non-verbatim)
Nakalayo na kaming kaunti sa kinaroroonan ni Damulag at nagsalita na ako.AKO: Ay loko! Maalala ko lang. Alam n'yo bang sinampal ako n'yan dati?!
PO: (nagulat pati na rin si Mogu-mogu pero si Po medyo natatawa) Talaga?! Bakit?
AKO: Nung Grade 2 'ata tayo tapos Grade 1 siya.
MOGU-MOGU: Ba't ka naman sinampal?
AKO: Sinabihan ko siyang "Baboy". Eh joke lang naman 'yun eh!
(End op konberseysyon)At alam n'yo kung ano ang ginawa ng mga dakilang kaibigan ko? Aba, syempre, tumawa sila. Lalo na 'yung walangyang si Po. Less talk lang kasi si Mogu-mogu eh. Si Po, ayun, ayaw tumigil katatawa. Angas eh.
So ayun, mga p're. Hindi ko talaga makakalimutan 'yun! Napaiyak kaya ako ng Damulag na 'yun ah! Para akong bola ng volleyball na in-spike. Eh 'yung palad yata niya mas malaki pa sa mukha ko eh! At sinampal niya 'ko na parang 'ala lang. Wala man lang emosyon 'yung mukha niya nung ginawa niya 'yon! Naikwento ko ulit 'yun sa nanay ko at sabi niya nga, buti daw 'di nanugod 'yung nanay ni Damulag. Matapang pa naman 'yun. Madalas manugod 'yun ng nang-"aapi" sa mga anak niya. Dahil sa naikwento ko 'yun sa nanay ko, napagtanto kong, "Aba! Walangyang Damulag 'yon! Lakas pala ng sampal niya. Kahit kelan 'ata hindi pa ako nasasampal ng nanay ko ng ganun eh. Slayt lang."
Ang aral lang na iiwan ko sa inyo ay mag-ingat kayo sa sasabihin n'yo. Baka maging bola kayo ng volleyball in just a second. Aba! Maaaring maging mabilis ang mga pangyayari! Iniisip ko lang ang kaligtasan n'yo. Be careful with your words. Minsan babalik lang sa 'yo 'yung sakit. Mwaha!
~~~~~
Nais ko nga palang magpasalamat sa patuloy pa ring bumoboto, nagpa-follow sa akin at kamakailan lang ay pagdagdag ng aking akda sa Reading List. Hindi ko man kayo mapadalhan ng mensahe ng pasasalamat pagkat ang aking account ay hindi ko maintidihan kung ano pa ang dapat kong gawin (walang contentment eh), nais ko lang malaman n'yo na lubos akong nagpapasalamat dahil patuloy n'yo pa rin itong tinatangkilik at mas nakakatuwang may napapatawa ang aking mga kwento. (Lalo na yata kapag 'yung kwento ay tungkol sa aksidenteng nararanasan ko dulot ng katangahan. Ayan eh! Gusto n'yo kasing me nasasaktan pa bago kayo sumaya. Wehe! Jok lang.)
Muli, salamat.
-Ang Pilosopong Mais
(Paumanhin sa matagal na update. Naghahanap pa ako ng mga karanasan at kwentong pwedeng ibahagi sa inyo. Haha!)
~~~~~
(09:23 ng gabi, ika-28 ng Abril, taong DALAWANG LIBO'T LABINGPITO, Biyernes)

BINABASA MO ANG
The Philosophies of a Corn
De TodoMga kwento, opinyon, realisasyon at mga korning hirit na produkto sa mga panahong hindi pa dinadalaw ng antok ang may-akda o 'di kaya'y bigla lang tinamaan ng kung ano at nangati ang kamay dahilan upang makalikha ng ganito. (Hindi kasi naliligo mins...