I. Jeproks

7.9K 114 29
                                    

Jepoy ang tawag nila sa akin, galing sa "jeproks"

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Jepoy ang tawag nila sa akin, galing sa "jeproks". Nagsimula ito nang isulat ni Kuya Ding sa likod ng manipis kong tisyert ang usong-usong salita mula sa kanta ni Mike Hanopol . "Laki sa layaw, laki sa layaw, jeproks! Tonononot-tononot..." Pero hindi ko talaga alam ang ibig sabihin nito. Ang alam ko lang, laki ako sa hirap at hindi sa layaw.

Bitin na nga ang pagkain sa bahay, lagi pang magtitira para sa isa kong kuyang layas. Parang hindi nga ako nabubusog e. Malimit mag-away sina inay at tatay dahil sa pera, o dahil lasing na naman si tatay. Nakakasawa, pero hindi ko na pinapansin. Tuloy lang ang laro namin sa ibaba ng bahay habang tuloy din ang away nila sa itaas. Pagkatapos, mawawala nang matagal si tatay, siguro nasa lakuan sa Bikol, Cebu, o kaya Davao. Palagay ko, malalayo ang mga lugar na iyon mula sa amin sa Batangas, kasi hindi agad siya makabalik. Doon niya siguro ibinebenta ang gawa niyang patis na nakalagay sa mga bote ng gin. Si inay sa Maynila lang, magdamag lang wala, tuwing Sabado. Banig, kumot, unan, damit, mga patahing kobre-kama at seat cover ang karaniwang nakatambak sa bahay namin tuwing Biyernes, tahiing kulambo naman sa ibang araw, na ginagawa kong dagat-dagatan o lambat-lambatan. Lahat puwedeng laruin, kahit mag-isa ka lang.

Mas gusto ko nga kapag wala si tatay sa bahay. Tahimik ang aming buhay. Parang minsan, mas gusto ko pa na lasing siya, dahil lagi siyang nakangiti. Kapag hindi siya lasing, tahimik, at saka uutusan na naman akong masahehin ang noo niya at tuhod, dahil nirarayuma siya. Matagal iyon, hangga't hindi niya sinasabi, hindi ako titigil. Tapos, wala naman siyang iniaabot. Hindi gaya ni inay, bibilangin ko lang ang mga ubang naalis ko, tapos babayaran niya ako ng singko kada uban. Kahit mawala ako saglit sa mga kalaro ko sa sampalukan, hindi nasayang ang oras ko. May pambili na ako ng kending linga kay Ka Oring, na may balot na kapirasong papel de hapon. Y'on ang malimit kong bilhin, o kaya isang takal na kendi na halo-halong dilaw, pula at saka pink. Minsan, 'yong lemon, iniipon ko ang balot na palara at pinakikinis ng hintuturo isa-isa. Wala lang, parang laro na rin y'on. Bihira akong bumili ng bagkat, kasi sobrang kunat. Bumibili lang ako n'on kapag singko lang ang pera ko, para matagal kainin. Kapag nakabili ako ng isnobir, karamel o Bazooka Joe – aba, mapera na ako n'un!

Kalehon (kalyehon) ang tawag sa aming lugar, kasi ito 'yung una at natatanging kalye sa aming barangay. Ito na yata ang pinakamagandang pook sa amin. Kaya maraming dumadayo rito para maglibang, maliliit man o malalaking bata. Sementado ang kalehon, hindi gaya sa labas na bako-bako at mabato. Saka wala halos dumaraang sasakyan dito. Karaniwan, bisikleta lang at minsan, paragos – parang kariton din y'on, hila-hila rin ng kalabaw at gawa sa kawayan, pero walang gulong. Pagpasok sa kalehon ng paragos ni Pio mula sa palengke at pauwi sa kabilang barangay, bigla y'ong hahagibis at lahat kami, tabing-tabi sa gilid ng daan at manghang-mangha. Magsisigawan kami hanggang hindi na namin matanaw ang paragos sa kabilang dulo ng kalehon.

Kung teritoryo naming mga bata ang loob ng kalehon, naroon naman sa bukana, sa kanto, ang mga binata (at mga dalaga rin). Para rin silang mga bata, masasaya rin at halos walang ibang ginagawa sa maghapon. Uy! Tiyempo, nasa pulpulan si Kuya Ding. Mas bata siya at mas mabait kaysa sa dalawa ko pang kuya, kaya malimit, sa kanya ako humihingi ng pera. Isang sabi ko lang, wala nang tanong-tanong, dudukot agad siya sa bulsa. May hawak siyang tako at hinihintay tumira ang kalaro niya. Parang bilyar ang pulpulan, pero mga holen lang at maliit na mesa ang gamit. Nirerentahan ito ng singkwenta (sentimos) kada oras. Kapag talagang magaling ka na sa pulpol, puwede ka nang maglaro ng totoong bilyar sa bayan.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon