VI. Nanuno

1.3K 42 5
                                    

Akala ko ayos na ang lahat nang nakakamulat na ako. Mas malala pa pala ang kasunod.

Pinuntahan ko agad sa gilid ng bahay ang mga inay pagkagising. Inaayos na ni Ate Mabel sa isang malaking palanggana ang mga kumot, kobre kama at iba pang labahin. Nakakula naman sa malapad na ibabaw ng mga halamang violeta ang maliliit na tisyert ni Kael. Kapag wala kaming makaing kendi ng mga kalaro ko, at naghahanap ng matamis ang aming dila, tiyaga kami sa pagsipsip ng nektar ng bulaklak ng violeta, daig pa namin ang paruparo.

 "Samahan mo ako. Maglalaba ako sa tubig," sabi ni Ate Mabel. "Tubig" ang tawag namin sa ilog.

"Kakain muna ako," sabi ko. Tumakbo agad ako pabalik sa kusina. Nasa lamesa ang pandesal, katabi ng kapitera. Dalawa ang pagpipilian kong palaman, "Star" o sinangag – oo, ipinapalaman namin sa tinapay ang sinangag na kanin. Kapag walang-wala, asukal na pula, pwede na rin. Binibili namin ang pandesal na inilalako ni Ka Dining. Tuwing maagang-maaga, maririnig mo ang matinis niyang tinig sa kalehon: "Napoyy!" sunong ang isang malaking bakol.

"Jepoy, tayo na!" maya-maya'y tawag ni Ate Mabel. Ito talagang si ate, isa pa nga lang ang nakain ko e. Nagpalaman pa ako ng isa, tapos hinigop ko nang diretso ang natitirang kape sa tasa. Saka patakbong pinuntahan ko si ate, baon ang pandesal na may palamang sinangag.

Ang ilog na pupuntahan namin pwede mo ring matanaw sa bangin sa aming likod-bahay. Minsan, sumasama ako kay Kuya Boy, pamangkin ni inay, na bumaba roon. Nakasakay ako sa balikat niya at sa isang puno kami daraan pababa sa ilog. Ngayon, iikot kami ni Ate Mabel doon sa sadyang daanan papuntang ilog sa di kalayuan. Ang ayaw ko roon, maraming aso sa bahay-bahay, at matatapang! Isa sa mga bahay doon ang kina Alex Pacita.

Dahan-dahan lang kami ni Ate Mabel sa gitna ng kahulan ng mga aso, higit-higit ko ang kanyang palda, habang nararamdaman ko sa binti ko ang ngipin ng isa sa mga aso. "Huwag na huwag kang magkakamaling tumakbo..." bulong ni Ate Mabel.

Pagkalagpas doon, parang bundok naman, may mga puno ng mangga, santol at kaymito. Dahilig ang lupa at parang mga baitang ang nilalakaran naming "pila" (matigas na lupa). Patakbo-takbo ako at pakagat-kagat sa baon kong pandesal, kaya bukod sa pagbuhat ng palangganang nakasandig sa kanyang baywang, dagdag pang trabaho ni Ate Mabel ang sawayin ako, o kaya pagtawanan kapag nadapa. "Hirat nga, kalikot mo e!" Ngunguyngoy ako nang konti, pero pagkarinig sa malapit na lagaslas ng ilog, takbo uli.

Ang ayaw ko sa aming ilog, mababaw lang ito. Tamang-tama lang siyang paglabhan. Uy, wala pang nakapwesto d'un sa gitnang bato! Pahaba iyon at tamang-tamang latagan ng damit na binubugbog (gamit ang "pamugbog" o palo-palo). Minsan, pag walang naglalaba roon, ginagawa namin iyong bangka-bangkaan.

Sinimulan ni Ate Mabel ang kanyang gawain. Ako naman, hubad-barong naglaro muna sa katabing lagaslasan, patawa-tawa dahil nakakakiliti sa singit kapag nakaupo ka roon. Maya-maya pa, natanaw kong tumatakbo ang hubad-barong sina Alex Pacita at Ide, maliligo rin. Bihira naming makasama sa ilog si Alex Doding. Nakakababa lang siya sa ilog kapag maglalaba sila.

Sa isang sulyap sa akin ng dalawa habang tumatakbong palagpas sa aming kinaroroonan, tumayo agad ako at umahon paakyat sa ilang baytang ng adobe sa pampang ng ilog, habol ng saway ni Ate Mabel, "D'yan ka laang sa malapit!"

Kaya pala nagmamadali ang dalawa. Sa dakong unahan ng ilog, hinarangan ng mga binata ang isang bahagi mula sa pampang hanggang sa kabilang gilid ng batuhan, kaya malalim doon at pwedeng lumangoy. Lumusong din kaming tatlo pero nag-atubili kaming puntahan ang dakong malapit sa sangga (harang) - kawayan, kahoy, puno ng saging, palapa ng niyog, lumang banig, sako, plastik at kung ano-ano pang pwedeng iharang sa tubig. Kapag nabubutas, dali-dali silang maghahanap ng pantapal. Sa ibabaw namin, minsan parang atungal ang langitngit ng punong kawayan. Natutuwa akong pagmasdan ang mga dahon niyong paikot-ikot na nalalaglag, parang hugis pilipit.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon