Biglang sumingasing ang makina ng tren at yumanig ang palad kong nakadantay sa malaking pinto. Nagising akong hinihigit ni Juana sa balikat upang makaiwas nang kaunti sa umaandar na tren. Nang una'y tahimik lang naming pinanood iyon habang dahan-dahang umuusad. Mamaya, lumakad siyang parang gustong habulin ito nang bumibilis na ang takbo. Nagtatakang bumuntot ako sa kanya. Hindi ko naman makita kung sino'ng tinatanaw niya sa loob dahil maliit ako.
Nakaalis ang tren na walang nagawa si Juana kundi tingnan iyon. Diretsong dumaan iyon sa gitna ng malawak na damuhan at naglagos sa bakod na karimlan sa likod ng sampalukan. Matagal kaming nakatayo roon at nakatanaw sa malayo habang walang kaimik-imik si Juana.
"Ang tagabulag..." sa wakas ay sabi niya.
"Tagabulag? Ano po 'yon?" tanong ko.
"Jepoy, ano'ng ginagawa ng mga tao sa pusa para ito mawala?"
"Inililigaw!" sagot ko.
"Iyon ang trabaho ng tagabulag. Lahat ng taong naliligaw ng landas – siya ang may gawa niyon," sabi ni Juana. "Mag-iingat ka. Malimit na ngayong maglabas-masok ang tagabulag sa hangganang iyon." Itinuro niya ang bakod na karimlan.
"Siya lang po ba ang tagabulag, isa lang?"
"Isa siya. Marami sila," sagot ni Juana. "Mag-ingat ka. Kaya niyang gayahin ang mga taong malalapit sa iyo."
"Ano naman po'ng napapala niya r'on?" usisa ko.
"Ang kanilang mga pangarap... Kapag nailigaw niya ang isang tao, kakainin ng tagabulag ang kanyang mga pangarap. Hindi na siya katulad ng dati. Magiging sunud-sunuran siya sa tagabulag."
Ang takaw pala ng tagabulag, naisip ko, pati pangarap ng tao, kinakain niya! Ano kayang lasa n'on?
Nakangiting tiningnan ako ni Juana na parang narinig niya ang iniisip ko.
"Tayo na, hinahanap ka na sa inyo," sabi niya.
Akay-akay niya ako sa malambot na damuhan patungo sa sampalukan. Ilang beses akong naghikab habang papalapit kami sa puno. Pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko sa mga paa ko. Papikit-pikit ang mga mata ko na nangyayari lang kapag antok na antok ako.
Hindi ko na alam kung paano ako nakarating sa ilalim ng aming mahabang mesa kung saan ginising ako ni inay. Hindi na rin pangkaraniwan sa kanya iyon, dahil noong mas maliit pa ako, doon ako malimit maglaro.
"Pinagtaguan mo ga ang tatay mo?" tanong niya habang nakatalungko sa tapat ng mesa.
Umiling ako.
"Bakit n'yo ga naman niyugyog nang niyugyog ang punong kape? Buti't hinog na ang mga bunga. Kung nagkataon, lagot na lagot ka!"
Lumabas na ako sa mesa. Saka ko napansing malapit nang magtanghali at may niluluto si inay sa abuhan (kalan). Saka ko rin naramdamang masakit ang binti ko. Napansin ni inay ang bilog na pasa roon, kasinlaki ng piso.
"Kita mo ang napapala mo... Parine ka't lalangisan ko. Saan napatama ito?" tanong ni inay.
"Sa ugat ng sampalok... Natisod ko nang manghabol si tatay ng palo," paliwanag ko na may halong pagsusumbong.
Napangiwi ako at napaaray nang paulit-ulit na salatin ni inay ang pasa habang nilalangisan niya iyon.
"A, tiisin mo! 'Yan ang napapala ng malikot," sabi niyang parang naiinis.
Hindi ko matingnan si tatay nang kumakain kami ng tanghalian. Pinakiramdaman ko kung galit pa siya. Pero wala siyang sinabi kundi ang tungkol sa butosan at ang mga sundalong dumating daw sa bayan. Napatingin tuloy ako sa kanya nang masabi ang "sundalo". Pero buti't hindi na niya inalala pa ang nangyari sa punong kape.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...