Sa biglang tingin, parang hinihintay namin ang pagbabalik ng tren at ng Tagabulag habang nakatayo kami sa gilid ng lumang istasyon. Pero sabi ni Juana, paparating daw si Buhawi. Sabi pa niya, si Buhawi na lang ang makatutulong sa kanila laban sa Tagabulag.
"Sino po si Buhawi?" tanong ko.
"Siya ang tikbalang na tagapag-ingat ng mga puno sa Bundok Banahaw."
Pagkasabi ni Juana, narinig ko ang nagmamadaling taguktok, palakas nang palakas at dumadagundong habang papalapit. Abot sa amin ang wagiswis ng hangin sa kanyang paghagibis, at ang matinding alikabok. Nagtakip ako ng mga mata. Bago ko mamalayan, nasa harapan na namin ang maitim, matipuno, at nakahihindik pagmasdang tikbalang. Pinigilan kong masindak, pero naramdaman ko pa rin ang gumagapang na kilabot sa aking katawan.
Nakangiting sinulyapan ako ni Juana, at hinawakan ang aking kamay.
Sumisingasing pa si Buhawi nang magsalita, parang galit. "Ano'ng ginagawa ng isang bata sa ating mundo?"
"May isang bahagi ng kamalayan niya na narito." Itinuro ni Juana ang istasyon ng tren. Tila ngayon ko lang naintindihan kung bakit dinadala niya ako rito. Bahagi ng isipan ko ang tren, at bakit nga ba napunta iyon dito?
"Madilim ang kasaysayang pinagdaanan ng tren at dito sumasakay ang Tagabulag para mapasok ang masasamang guniguni ng mga tao," paliwanag ni Juana na tila sagot na rin sa tanong ko.
"Ano ang binabalak ng Tagabulag?" tanong ni Buhawi.
"Malinaw na gusto niyang maghari sa kabila," sagot ni Juana. "Tinawag kita para pigilan siya. Ikaw lang ang may kapangyarihang tulad ng sa kanya," dugtong niya.
Sunod-sunod na sumingasing si Buhawi.
"Mas madali ko sanang magagawa kung narito si Daluyong!" sigaw ng tikbalang.
"Iyon nga ang itatanong ko... nasaan ang kabiyak mo?" tanong ni Juana.
"Sa gubat ng Candelaria, naroon kami para ingatan ang isang matandang punong apitong. Gaya ng sampalok na iyon... ilang taon na lang at magiging lagusan na rin natin ang puno. Mabilis na nauubos ang matatandang puno sa dakong ito ng Lusong, at para kaming nakikipaghabulan sa mga magtrotroso para sa puno." Huminga nang malalim si Buhawi. Bawat hinga niya, parang hinihigop niya ang hangin mula sa malayo. Hinihipan niyon ang aming mga buhok.
"Gayon ang nangyari," patuloy ng tikbalang. "Nakaumang na ang lagari sa punong apitong, at bago ko mamalikmata ang mga tao, nagpakita si Daluyong sa kanila bilang huling paraan para takutin sila. Nagtakbuhan ang mga may dala ng lagari, ngunit huli na nang mamalayan naming may isa pa palang nasa itaas ng puno. Tumalon siya sa balikat ni Daluyong, at mabilis na ginabot ang kanyang buhok sa tuktok."
Matagal na nakatanaw sa malayo si Buhawi. "Naingatan namin ang puno, ngunit alam mo na ang kasunod."
Namagitan sa amin ang katahimikan, maliban sa manaka-nakang pagsingasing ni Buhawi.
Hinigit ko ang saya ni Juana para tawagin ang pansin niya. Yumuko siya nang pantay sa akin.
"Ano po ang nangyari?" mahina kong tanong.
"Hindi na namin makikita si Daluyong hangga't buhay ang taong nakagapi sa kanya. Para na siyang espiritu. Maaari lang siyang lumitaw kapag tinawag siya ng tao—ng kanyang amo, at parang aliping sunud-sunuran na siya rito," sagot ni Juana.
"Gaya ng Tagabulag, may kakayahan din ang mga tikbalang na iligaw ang mga tao. Subalit may pagkakaiba rin. Hindi kayang magbagong-anyo ng mga tikbalang. Kaya lang nilang mamalikmata ang mga tao at baguhin ang anyo ng paligid, o ng bagay na nakikita nila," paliwanag niya.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...