Kahit matagal-tagal ang tigil ni tatay ngayon sa bahay, parang wala rin, kasi lagi ring umaalis. "Butosan" daw kaya umuwi muna si tatay. Hindi ko alam kung ano y'on, basta nang makita kong nagsesepilyo si inay, tinanong ko kung saan siya papunta. "Sa iskul, boboto," sagot niya. Hindi raw ako pwedeng sumama dahil hindi raw kailangan ang bata roon. Saka siguradong maiinip lang daw ako. Hindi na ako nagpilit, lalo na nang marinig ko na marami nang batang naglalaro sa labas.
Nang makaalis si inay, takbo na agad ako sa sampalukan. Matikas na matikas ang puno sa paningin ko, parang isang toreng napaliligiran ng mga mandirigma, habang naroon din ang ibang batang bihira naming makasama sa paglalaro. Kung kami ang mga batang kalehon, sila naman ang mga batang ispilwey. Nag-alisan nga kasi ang mga nanay nila, kaya medyo nakalayo sila sa kanila at nakaabot dito sa amin. Ilang dipa mula roon, sa likod ng kubo ng mga Ka Sinay, nakadaong ang aming "barko" – isang punong kapeng nabuwal nang minsang bumagyo, pero nabuhay pa rin. Tanaw ko ang kumpol-kumpol at mapupula niyong bunga na siya naming sinusupsop kapag walang kending makain. Kailan lang namin nadiskubreng masaya palang umupo sa nakabalandrang katawan ng puno, umuuga kapag humangin nang malakas, parang barkong may layag.
Umaalingawngaw sa ingay ang paligid ng sampalukan, sarisaring kwento, laro at kulitan. May nagsimula sa pitikan ng kamay at taynga na muntikan nang mauwi sa suntukan. Namalayan na lang naming si Ide pala 'yon at isang batang ispilwey na hindi ko na maalala ang pangalan.
Dahil sa nangyari, nahati kami sa dalawang grupo at nagkanya-kanyang dampot ng mga "sandata" na nakakalat lang sa paligid. Nauwi sa isa na namang espadahan ang muntikan nang pag-aaway. Pakiramdam namin, mga totoo kaming kawal na nagtatanggol sa aming kaharian. Mahahaba at matutulis ang aming mga espada, humuhuni sa aming mga pandinig sa bawat ulos at pingkian, buong galing na naiilagan, at kung mahagip, nabubuwal kaming animo'y binawian ng buhay, pagkuwa'y muling babangon sa bisa ng isang mahiwagang kapangyarihan, at muling maghahabulan.
Nang marating namin ang nakadaong naming barko sa di kalayuan, tila nagsawa nang humabol ang mga kalaban. Nagtatawanan kaming nagsisampa sa aming sasakyang panlayag. Mamaya, tumatakbo ring dumating ang mas maliliit na bata: sina Dobie, Oyeng at Tanang. Nakisakay sila sa amin, at sa ihip ng malakas na hanging amihan, pagewang-gewang naming nilakbay ang karagatan. "Ibaba ang mga layag!" sigaw ko. Agad tumalima ang aking mga tripulante. Malakas ngayon ang mga alon. Muntik-muntikan nang malaglag si Alex Doding, pero agad din namin siyang nabingwit. Natimbuwang naman si Tanang sa kabilang dulo ng barko at di napigilang pumalahaw.
Sa sobra naming kasiyahan, huli na nang mamalayan naming nahulog nang lahat ang kanina'y kumpol-kumpol na mga bunga ng kape sa kayuyugyog namin sa puno. Talagang nahimasmasan kami nang todo lalo na nang matanaw namin kung sino ang tumatakbong paparating: si tatay – hawak ang isa niyang tsinelas at tila nakahandang ihataw iyon sa kahit sinong abutan. Syempre, ano pa'ng magagawa ng mga pira-piratahang ito kundi ang magtalunan sa dagat, habang nakaabang ang mabangis na pating sa payat naming mga pwet! Nakupo, lagot na naman ako kay Marcos nito! Pa'no kaya ako uuwi?
"Psst..."
Malinaw kong narinig ang sutsot habang kumakaripas ako ng takbo, na parang kasabay ko lang ang sumusutsot.
"Psst... Jepoy!"
Kinilabutan ako. Malinaw na pangalan ko iyon, tinatawag ng isang boses na hindi ko alam kung kanino galing. Naghalo-halo na ang takot ko – kay tatay, sa momo – hindi ako makahinga, pero hindi rin ako makahinto. Tumakbo na lang ako nang tumakbo hanggang matisod ako sa malaking ugat ng punong sampalok. Ramdam ko'y nanlamig ang aking mga punong taynga nang humagis ako patungo sa kalsada. Napapikit ako at pinakiramdaman ang sunod na mangyayari, ngunit wala akong naramdaman. Pagmulat ko, nakadapa lang ako sa isang malawak na damuhan, at sigurado akong malayo na iyon sa sampalukan.
Tumayo ako. Lagot! Nasaan ako? Kinilabutan ako pagtingala ko. Naroon pa rin at nagtutumayog ang punong sampalok. Paligid lang ang nagbago. Wala pa akong nakitang ganoon kalawak na damuhan sa amin. Sa sobrang katahimikan, maririnig mo talagang umihip ang hangin. Pero may kakatwa akong napansin sa puno – kalahati lang niyon ang nasa liwanag, at ang kabilang bahagi ay hindi ko makita. Namamanghang napaurong ako para tanawin ang tila bakod na karimlan sa likod niyon. Sa kaaatras ko, naramdaman kong napasandal ako sa malambot na katawang nakatayo roon at kanina pa palang nagmamasid sa akin – si Juanang Ilaya!
"Narito ka ngayon sa totoong mundo, Jepoy," sabi niya. Hindi siya mukhang mahiwaga ngayon, mukha siyang taong-tao, nakasuot ng damit ng matatanda (parang kay Nanay Maria kapag nagsisimba), at saka hindi naman pula ang kanyang saya. "Ang natatanaw mong karimlan ay ang lugar na pinanggalingan mo. Dumidilim ang bahaging iyon ng mundo kapag nagsisinungaling ang mga tao. Ano'ng laging sabi ng inay mo, Jepoy?"
"Masama ang magsinungaling," sagot ko. Naalala ko tuloy nang minsang bigyan ako ni inay ng alkansyang pigurin (ewan kung ano'ng hugis niyon). Sabi niya, hulugan ko raw iyon hanggang mapuno. Huwag ko raw susungkitin. Pero isang araw, nang maramdaman kong mabigat na iyon, kinuha ko ang herpin ni Ate Mabel at pinilit kong palabasin sa butas ang bente singko. Hindi ko inasahan ang nangyari. Biglang nabasag at nahati sa dalawa ang alkansya. Hindi ko maintindihan ang gagawin. Baka pingutin ako ni inay! Pero tinapangan ko na rin ang loob ko at sinabi kay inay ang nangyari sa alkansya. Hindi naman niya ako pinarusahan, bukod sa sabing, "Sabi ko na nga e..."
"Kung gagaya lang ang matatanda sa mga bata, kung pwede sana silang pagsabihan at kung makikinig sila, pwedeng mapawi ang dilim na iyon at magiging isa ang ating mundo," sabi ni Juana. Pareho kaming nakatanaw sa bakod ng dilim. "Pero matitigas ang ulo ng matatanda," patuloy niya, "mas matigas pa kaysa sa ulo ng bata."
Blankong napatingin lang ako kay Juana, dahil hindi ko lubos na maintindihan ang sinasabi niya. "Bata ka pa kasi, Jepoy. Paglaki mo, maiintindihan mo, at pasasakitin nito ang ulo mo. Makikita mo ang mabuti, alam mong dapat gawin iyon, ngunit pipigilan ka ng ugali ng mga tao. Kahit mag-aral sila nang mag-aral, hindi sila matututo. Alam mo kung bakit, Jepoy?"
Umiling ako.
"Kasi, nabubuhay sila sa akala. Akala nila'y iyon ang tama," sagot ni Juana.
"Ang hirap pong intindihin. Wala ga pong madali?" tanong ko.
Napatawa si Juana. "Halika, may ipapakita ako sa iyo," sabi niya.
Naglakad kami nang medyo malayo. Sa banda roon, may malalaking bodega, parang sa talyer ni Tio Jose, na minsan, inuusyoso namin kung ano'ng ginagawa. Sa gitna ng mga iyon, may riles at syempre, may tren – totoong tren, malaki at maitim gaya sa panaginip ko!
"Dahil sa tren, malayo ang narating ng tao," sabi ni Juana, "Pero ang silbi ng mga bagay ay pwedeng palitan, gayundin ang kahulugan." Pagkuwa'y hinawakan niya ang kanang kamay ko na parang may kung anong sinisilip sa palad ko. "Jepoy, gusto mo bang malaman ang dahilan kung bakit napanaginipan mo ito?"
Hindi ako tumango, pero naghihintay akong nakatingin sa kanya.
Inakay niya ako palapit sa tren. Huminto kami sa tapat ng malaki at saradong pinto sa gilid nito. Inilapat niya ang palad ko sa isang bahagi ng pinto, at parang nakuryente ako, parang noong biniro ko sina Ate Mavic habang kumakanta sa kaset, na palihim kong binunot ang saksakan pero ang nangyari, nakuryente naman ako at humagis sa sahig. Nang maramdaman ko iyon, parang nanaginip uli ako, at nagbalik ang ingay at liwanag at usok, ang kalampag ng mga bakal na gulong sa riles habang patas-patas ang mga taong patay na hubo't hubad sa loob ng tren, at ang batang iyon sa ibabaw ay ako!
Sa isang madilim na tagpo, nakita ko ring buhay ang bata, naglalaro. Maputi siya at hindi ko siya kagaya manamit. Malaki ang kanilang bahay na bato, may mahabang hagdanan, at nakatayo siya roon sa isang retrato. Pagkatapos, lumabo nang lumabo ang paligid, habang naririnig kong bumubulong si Juana: "Ligaw na kaluluwa, kaydami mo nang nakita..."
![](https://img.wattpad.com/cover/13719750-288-k183431.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...