XVII. Nawawalang Parang Laruan

890 32 10
                                    

Sabi ng ilang matatanda sa burol ni Kuya Tony, hindi pa raw lubos ang lungkot habang nakikita mo pa ang patay at kasama mo pa ang mga taong nakikiramay. Mas mararamdaman mo raw ang lungkot kapag nailibing na. Nang tatlong araw na nakaburol si Kuya Tony, sama-sama kaming magkakamag-anak doon sa likod-bahay nila. May lutuan, mesa at kabinet doon, pero hindi naman marumi, kahit sabi ni inay e "dirty kitchen" daw y'un.

Dala-dala ko pa roon ang snakes n' ladders na hindi ko alam kung sinong bumili, ang lumang scrabble na pinaltan na lang ni Kuya Boy ng karton ang mga nawalang letra, at ang lamog-lamog nang baraha na may puting kaha (na parang munting kabaong) na ginagamit namin sa "ungguyan" tuwing uuwi si Kuya Pepe. Siyempre, mas nalibang kaming mga bata sa snakes n' ladders, kahit si Alex Doding. Tawa siya nang tawa kay Ide.

"Wan, tu, tri... Snake na naman!" halakhak nito nang tumapat sa pinakamahabang ahas ang petsas ni Ide.

Padabog na inihagis ni Ide sa bord ang dice. Nahulog iyon sa ilalim ng mesa. Pagkapulot sa dice, tuloy uli ang laro. Ganoon lang tumakbo ang oras namin sa lamay habang hinihintay kong yayain ako ni inay pauwi. Kaya habang tahimik at nagdadalamhati sina Ate Doding at iba pang tao sa tabi ng kabaong ni Kuya Tony, nakakahalakhak pa sa kahit kapirot na katatawanan ang mga nasa kusina.

Nang huling gabi ng lamay, dadalawa na ang petsas na pambato at hindi mahanap ang dice ng snakes n' ladders. Lalong nagkulang ang mga letra ng scrabble. Manipis na ang patas ng mga baraha sa munti nitong kabaong. Ikot ako nang ikot sa loob ng kusina at paligid nito, pero hindi ko na talaga mahanap ang mga nawawala.

"Baka napatapon na... may nagwalis d'yan kanina. Sabi nang h'wag magwawalis," sabi ni inay. Bawal na bawal daw magwalis kapag may patay. Wala rin kaming lutong gulay, kasi bawal daw kainin lahat ng gumagapang kapag kaanak mo ang namatay. Sa kaiisip ng gulay na hindi gumagapang o nagsasanga, pinagtapusan e hindi na lang nagluto. Saka na lang daw kapag nailibing na para sigurado. Wala akong nakitang kumontra rito, dahil kapag hindi mo raw sinunod, baka ikaw ang sumunod! 

Bawal din ang karne, kaya n'ung apatan (ikaapat na araw ng burol), apritadang tambakol ang pangunahing putahe. Masarap y'un! Hindi na kami nagluto sa bahay. Lahat kami doon na sa patay kumain. Nang sumapit ang araw ng Linggo, inilibing na si Kuya Tony. Tapos, isang linggo pa uli, sasapit naman ang undas. Narinig ko nga sa mga naglibing, "humabol pa sa undas si Tune..."

Manghang-mangha ako sa may hagdanan ng bahay namin nang umaga ng Nobyembre 1 nang pagbangon ko. Hanay-hanay na itinirik doon ni inay ang maraming kandila para raw sa lahat ng kamag-anak naming yumao. Nasa mesa ang niluto niyang isang bilaong "sinukmani" (kakaning malagkit na may pinipig). Pagkaalmusal, habang hindi pa masakit sa balat ang sikat ng araw, naglakad na kami ni inay patungong kamposanto. Si Ate Mabel uli ang naiwan kay Kael. Mamaya pa silang hapon nina Ate Mavic pupunta roon, hanggang gabi na y'on.

Tahimik kina Alex Doding nang dumaan kami. Nasa garahe ang ulilang oner ni Kuya Tony.

"Siguro'y kanina pa roon ang mag-anak," sabi ni inay.

Papuntang kamposanto, sa ispilwey pa rin ang daan namin, patawid doon sa bahagi ng ilog. Naraanan pa namin ang ilang batang dumadayb doon. Nakatingin sila sa amin. Nahihiya ako dahil ako ang may dala ng mga bulaklak na nakatusok sa pinutol-putol na sanga ng gabi, at inayos ni inay sa isang katamtamang garapon, mga santa ana, senya at daisy mula sa aming hardin, at nilagyan ng ilang dahon ng pako.

Paakyat ang bahaging iyon ng ispilwey, kaya nakakahingal lakarin. May mga nakakasabay din kami sa paglalakad, minsa'y kakilala pa ni inay, tapos maghuhunta pa sila habang daan. Inip na inip ako. Para kaming nagpruprusisyon.

Sa wakas, nakarating din kami. Saulado ko na ang hitsura ng kamposanto. Mataas ang bandang gitna niyon na may hagdanan sa harapan at likuran. Doon nagmimisa ang pari. Sa ilalim daw noon nakalagay ang mga buto galing sa mga binutas na nitso, y'ong mga matatagal na at wala nang dumadalaw, para magamit naman ng iba. Doon na rin nagtitirik ng kandila y'ong iba na hindi na mahanap ang puntod ng kanilang mga patay. Kaya nakakakilabot ang dami ng kandila roon.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon