Habang tumatagal ang brownout, humahaba ang mga usapan tungkol sa aswang at kulto ni Fermina, pati na ang gabi-gabing pagroronda ng mga barangay tanod. Marami na raw nakakita. Marami rin daw na muntik nang mabiktima. Pero wala pa silang nahuhuli, liban sa ilang aso, pusa at baboy-damong ikinulong at pinakawalan din nila nang mataas na ang sikat ng araw at hindi pa rin naging tao. Kinatay at pinaghati-hatian ng mga tanod ang baboy-damo para maiuwi sa kanilang mga pamilya. Iyon na ang kahuli-hulihang baboy-damong nahuli sa aming lugar.
Minsan, may uwing dyaryo si Kuya Pio, at dahil medyo nakababasa na ako, nalaman ko ang tungkol sa balitang may nahuli raw na tikbalang sa Candelaria, Quezon. Totoo kaya iyon? Siguro, inuusyoso na siyang maigi ng mga tao: may mukha ng kabayo at katawan ng tao. Ano kayang itsura niya sa malapitan?
Sabado, habang naglalaro kami sa labas, iyon pa rin ang usapan ng mga kapitbahay namin. Doon sila naiipon sa kabilang sampalukan, habang ang isa'y nananalbos (kumukuha ng mura o sariwang dahon) bilang pampalasa sa bulanglang (pinabulakan lang) na papaya, o namimitas ng panuka (pansuka o pampaasim) sa sinaing na tulingan. Bago kami magtakbuhan palayo, nakita ko roon ang Kakang Haning, asawa ng Kakang Isyo; ang Tia Juliana, asawa ng Tio Jose; ang Tia Pacita at ang Ka Kayang na mga kababata ni inay.
"D'un sa Matala, wakwak daw ang tiyan e, at wala ang laman-loob," kwento ng Ka Kayang.
"Tatlong baka raw iyon," sabi ng Tia Pacita.
"Bukod pa ga iyon sa balita n'ung isang araw? Iyong hinabol daw ng may-ari pero naging malaking aso na pulang pula ang mata," tanong ng Kakang Haning.
"Iba pa iyon!" sagot ng Tia Pacita.
"Buti't wala pa rito sa atin," sabi ng Tia Juliana.
"Meron na. N'ung isang gabi e may hinabol ang mga tanod na malaking baboy daw," kwento uli ng Ka Kayang.
"Hindi ga iyon na ngang baboy-damo?" tanong uli ng Kakang Haning.
"Iba pa iyon!" sagot uli ng Tia Pacita.
Hindi ko na alam kung saan nauwi ang kanilang pulong dahil nagtakbuhan na nga kami nang makabalik si Alex Pacita galing sa kasilyas (kubeta).
Pagdating namin sa aming sampalukan, saka ko lang nalaman ang isang nakagigimbal na balita: WALA NANG VOLTES V!
"Ha? Wala na? Ano'ng nangyari? Tapos na?" sunod-sunod na tanong ko.
"Hindi mo alam? Sira pa ga ang TV n'yo?" tanong naman ni Alex Pacita.
"Kaya nga nakikipanood lang ako kina Alex e, o kaya sa mga Tia Juliana sa tapat namin, kapag bukas. Pero ilang araw ko nang hindi napapanood. Namumura kasi ako ni inay, kasi hapon na."
"Wala na raw. Sabi ni Tatay, inalis daw ni Marcos," giit ni Alex Doding.
Grabe naman si Marcos, isip ko.
"Kasi raw puro bakbakan!" dugtong pa niya.
"E maano naman, kartun lang y'on. Bakit y'ong sine tungkol kay Marcos? Nagbabarilan din y'on. Bakbakan din y'on," sabi ko.
"Salbahe talaga si Marcos! Hindi n'yo lang alam..." sabad ni Ide. Sa aming lahat, si Ide lang ang hindi talaga tagarito. Galing silang Bikol. Sakop ng lupa nila ang sampalukan, kaya naging kalaro na rin namin. Ang tatay niya, si Ka Temyong, malimit nasa Bikol. Minsan, sila lang mag-ate ang naiiwan sa bahay. Hindi ko na matandaan kung nakita ko pa ang kanyang ina.
"Naku! Huwag mong sabihin 'yan! Huhulihin ka ng PC!" saway ni Alex Doding. Maraming naririnig na kwento sa kanyang tatay si Alex galing Maynila.
Tiyempong dumaan sa tapat namin, nakauniporme ng kaki, si Ka Selmo, ang kapitbahay naming PC! Tahimik kaming lahat na nakatingala sa kanya. Bahagyang ngumiti ang matanda.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...