"Andre?" Tinatawag ako ni ama. Nakatulog na pala ako sa paglalaro sa aming basement. Patakbo akong umakyat sa bulwagan. Bumabatingaw sa isang sulok ang grandfather's clock. Alas diyes ng umaga.
"Magbihis ka, Andre. Pagkakain, aalis tayo."
Nagtaka ako. Bakit kami aalis? Wala ba kaming bisita ngayon? Hindi ba darating ang mga pinsan ko sa aking kaarawan?
"Basta sundin mo ang sinabi ko, at magmadali ka."
Nang kumakain kami, wala naman akong naramdamang kakaiba kay ama, liban kay ina na halatang natataranta sa kabila ng maganda niyang bestidang bulaklakin. Masasarap ang mga pagkain sa mesa na tila ipinahain nang lahat ni ina kahit di pa dumarating ang mga bisita.
"Maligayang kaarawan, anak," nakangiting bati ni ama.
Niyakap ako ni ina, mahigpit.
"Shhh..." ang hindi ko maintindihang saway ni ama kay ina.
Ngunit parang pamilyar ang eksenang ito ngayong umaga, parang nangyari na.
"Bakit nila tayo aalisin sa protective custody?" tanong ni ina na tila maiiyak.
"Matatapos na ang gera. Lalaya na ang Pransya at ang buong Europa, sukol na ang mga Nazi, ngunit hindi papayag si Hitler na gan'un na lang," sagot ni ama.
Kinabahan ako nang marinig ang pangalan ng pinuno. Pranses at Katoliko ang aming pamilya, ngunit tunay na Hudyo ang aking ama.
"Hindi po ba darating ngayon sina David, Alan at Carol?"
"Malamang sa hindi," sagot ni ama. "Palagay ko'y alam na nila ang ating sitwasyon."
Inayos ni ama ang sapula sa kanyang leeg.
"Kumain tayo nang busog. Aalis tayo. Baka may panahon pa. Hindi pa naman kumikilos ang mga Nazi laban sa atin," aniya.
Wala na akong magagawa. Natakpan na ng takot ang tuwang laan sana sa kaarawan ko. Tahimik naming inintindi ang pagkain. Pagkakain, kinausap ni ama ang mga katulong. Sa huli, yumukod ang mga ito at isa-isa nang nagsilisan.
Tumutunog ang alas dose sa orasan nang lumabas kami ng bahay. Wala kaming dalang maleta, parang magsisimba lang kami, para hindi makahalata ang mga tropang Aleman na nagbabantay sa Paris. Malalakad lang mula sa aming tahanan ang pinakamalapit na himpilan ng tren sa Porte de La Chapelle. Maya-maya pa'y tanaw ko na iyon.
Nakalagpas naman kami sa mga sundalong Pranses na nagbabantay sa geyt ng himpilan. Hawak na ni ama ang aming mga tiket habang tinutumbok namin ang nakahintong tren. Mula Pransya, umaasa siyang makatatawid kami ng Inglatera na kinaroroonan ng pamilya ni ina. Magkikita-kita rin kami ng mga pinsan ko, sina David, Alan at Carol, ngayong kaarawan ko. Bigla akong nakaramdam ng pananabik.
"Heil!"
Napahinto kami nang akmang papasok na sa pintuan ng tren. Sinalubong kami ng isang opisyal ng Nazi. Bulag ang isang mata nito na natatakpan ng itim na eye patch.
"Monsieur Péreire, tila may lakad ang pamilya."
"Doon lang sa sunod na himpilan. Magpapahangin kami sa parang. Kaarawan ng anak ko ngayon," sagot ni ama.
"Ganu'n nga ba? Maligayang kaarawan!" Bagama't nakangiti, matalim ang isang mata niyang nakatitig sa akin. "Ba't hindi man lang kayo nagdala ng basket? May piknik pala kayo."
"Hindi naman. Sapat na ang makapagpahangin muna," sagot muli ni ama.
"Hindi ko kayo pipigilan." Tumabi ang opisyal na tila para palagpasin kami.
Nagugulumihanang nagsipasok kami sa loob ng tren. Mamaya pa'y umandar na ito. Tabi-tabi kaming tatlo sa isang upuan bagamat hindi naman siksikan sa tren. Natatakot kaming magkahiwa-hiwalay. Panakaw kong nililingon ang opisyal kasama ang kanyang mga sundalo sa bahaging likuran. Hindi na bago sa akin ang may makakilala kay ama. Totoong kilala siyang tao sa buong Pransya bilang isang matagumpay na parmasyutiko. Ngunit nang mga sandaling iyon, mas mabuting wala nang makakilala sa amin.
"Andre, inumin mo ito pagbaba natin." Iniabot ni ama sa akin ang isang kulay ubeng tableta. Nagtatanong ang mga mata ko sa kanya.
"Para hindi ka mahilo."
Ngumiti siya at hinagod-hagod ang likod ko na tila sinasabing huwag akong mag-alala. Napansin ko kung paano humigpit ang hawak ni ama sa kamay ni ina.
Huminto na ang tren ngunit hindi pa kami tumatayo. Nagsisinungaling si Ama. Ang totoo'y diretso ang tiket namin, patakas sa namumuong bangungot ng bawat Hudyong mamamayan ng Pransya.
"Monsieur Péreire, gusto mo bang sabayan ko kayo palabas?" Nasa tapat na namin ang bulag na opisyal.
Napilitan kaming tumayo at bumuntot sa pila ng mga bumababa. Nakamatyag sa amin ang opisyal.
"Sandali," mamaya'y tawag nito sa amin.
Napahinto kami malapit sa pintuang palabas ng tren. Hinintay naming makalapit ang opisyal at ilan niyang sundalo.
"Nalimutan n'yo ito." Iniabot ng isang sundalo kay ama ang dalawang badge na telang kulay dilaw na hinugis sa tala ni David, ang simbolo ng mga Hudyo. Para sa amin ni ama iyon, isang pagkatantong tila sumabog na sa isipan ni ina. Tinabig niya ang kamay ng sundalong may hawak niyon at humagis sa sahig ang mga badge. Hindi nakahuma si ama lalo na nang sampalin ni ina ang bulag na opisyal.
Narinig ang isang putok. Bumagsak si ina sa aming paanan habang sa harap nami'y hawak ng opisyal ang umaaso pang rebolber. Agad akong sinambilat ni ama at pasan-pasan akong nagtatakbo palabas ng tren, pabaybay sa gilid ng riles, na wala namang dulo kundi ang kaparangan. Ni hindi ko nagawang iyakan ang aking ina dahil sa bilis ng pangyayari.
Matulin ang takbo ni ama. Nakaligtas kami sa una nilang pagpapaputok. Ngunit hanggang kailan? Pumutok pa uli nang ilang ulit at bigla na lang nadapa si ama. Humagis ako nang may dalawang dipa mula sa kanya. Pumulandit ang dugo mula sa kanyang bibig nang mapaubo siya. "Huwag kang gagalaw..." Gumapang siya palapit sa akin habang patuloy ang pagpapaputok ng mga sundalo. Kinapa niya ang tableta sa aking bulsa at pilit iyong ipinalunok sa akin. Isa pang putok at sumambulat sa mukha ko ang dugo ni ama. Kasunod niyo'y nakaramdam ako ng matinding pagkahilo at unti-unting nanlabo ang paningin ko.
Sa panaginip ko, natuloy ang selebrasyon ng kaarawan ko. Nakita ko sina David, Alan at Carol. Masayang lumapit si ina, suot pa rin ang bulaklaking bestida. Dinalhan niya ako ng cake, pero hindi ko iyon nakain dahil may dugo!
Naalimpungatan ako sa tagpong iyon. Nang magmulat ako, madilim at bahagyang umuuga-uga, may sumisingasing na tila kung anong halimaw sa pandinig ko, hanggang maglinaw sa isipan kong nasa tren pa rin ako. Pinakiramdaman ko ang kinaroroonan ko, malambot, parang kama, pero hindi, may nakakapa ako. Napabalikwas ako sa pagkatantong mga tao iyon-mga bangkay na didispatsahin sa mga hukay. Gumulong ako't bumagsak sa sahig. Hindi nagtagal, biglang bumukas ang pintuan ng cabin. Mula sa madilim na sulok na kinasadlakan ko, nakita kong pumasok ang bulag na opisyal at luminga-lingang sinisiyasat ang paligid.
![](https://img.wattpad.com/cover/13719750-288-k183431.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormale"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...