"Jepoyyy!" matinis na tawag ni inay, na pinahahaba pa ang dulong tunog ng pangalan ko na parang humahaluyhoy. Ganoon din kapag tinatawag niya ang aming alagang asong si Popoy tuwing pakakainin niya ito.
"Nariyan na ho!" sagot ko habang patakbong papasok sa aming bakuran. Kabuntot ko na rin si Popoy na masiglang iwinawasiwas ang buntot. Mali siguro ang dinig niya.
Nagulat ako pagpasok sa kusina. Naroon si tatay, walang imik na naghihintay sa mesa. Naku, ano na naman kayang niluto niya?
"Upo na," aniya sa akin. Walang barik si tatay, seryoso.
"Maghuhugas ho muna ako ng kamay..."
Sa mahabang mesa, dalawa na lang ang kulang at kumpleto na kami. Walo kaming magkakapatid. Si Kuya Pepe ang panganay, nag-aaral sa Maynila. Magiging dentista raw siya. Sunod sa kanya si Kuya Pio. Sabi ni inay, nagtratrabaho na raw siya, kasi hindi raw mahilig mag-aral. Silang dalawa lang ang wala ngayon. Katabi ko si Ate Mabel, magkasunod kami. Nasa kabila naman sina Ate Mavic at Ate Malou, saka si Kuya Ding. Nasa ibabaw ng mesa ang bunso, si Kael, tatlong taon pa lang siya. Sinusubuan siya ni inay.
Bulanglang na papayang sinampalukan at niluto sa patis ng isda ang aming gulay. Ibig sabihin niyon, malinis na ang palayok at nasa harapan namin ngayon ang kahuli-hulihang piraso ng tulingan. Mabuti na rin at hindi nag-eksperimento sa pagluluto si tatay. Bagong dating lang kasi. Malay mo, bukas.
Hindi pa ako natatapos kumain nang tumawag si Ide sa labas. Napabilis tuloy ako ng subo sa pagmamadali. Hindi ito nakaligtas sa paningin ni tatay. Patakbo na ako palabas nang marinig ko ang matigas niyang sabi: "Balik sa upuan!"
Paipis-ipis na bumalik ako sa upuan, takot sa sunod niyang sasabihin. Tumakbo na agad paalis si Ide nang marinig ang boses ni tatay.
"Bakit ka nagmamadali? Alin ga ang mahalaga: maglaro o kumain?"
Sumabad agad si inay at sinaway si tatay, "Oras ng pagkain e..."
"Y'on nga e. Oras ng pagkain! E bakit ang isang ito e nagmamadali? Akala mo'y napakaimportante ng gagawin sa labas."
Napatingin ako kina Ate Mavic. Naninisi ang mga tingin nila sa akin, kasi sinira ko ang masarap sanang tanghalian.
"Siya, tama na..." saway uli ni inay. "Tapusin n'yo na ang pagkain. Mabel, hugasan mo ang mga pinggan ha?" Kita kong umismir si Ate Mabel, pero hindi pinansin iyon ni inay. Si tatay, hindi umaalis ang tingin sa akin, nakakatakot! Kamukha pa naman niya si Marcos. Pati hati ng buhok nila, pareho. Naisip ko, siguro kasingbagsik niya si Marcos. Kaya lahat naipagbabawal niya.
"Ba't hindi ka na kumakain? Tapos ka na ga?" tanong uli ni tatay. Tumango lang ako.
"Sagot! Wala ka gang bibig?" malakas na tanong ni tatay.
Gusto ko sanang sumagot, kaso para na akong nabulunan, parang punong puno ng hangin ang lalamunan ko, at wala na akong nagawa kundi mapaiyak. Maagap naman akong inalo ni inay at pinainom ng tubig. "Tahan, tahan! Huwag umiyak..."
Si inay naman ang pinagbalingan ni tatay. "Iyan, kaya ganyan ang mga anak mo, lagi mong kinunsinti!"
"E ano'ng gusto mong gawin ko? Ikaw itong hindi muna palipasin e oras ng pagkain. O, patayin mo na at baka ikasisiya mo!" galit na ring sagot ni inay. Tuluyan nang nawasak ang kanina'y masarap, kung hindi man masayang tanghalian.
Habang pinipigil kong mapaiyak, parang nagkakasuson-suson ang hangin sa lalamunan ko, at lalo lang akong napapabunghalit ng iyak. Humalo na sa luha ko pati sipon ko. Dahil sa nangyari, kahit kadarating lang, umalis na uli si tatay. Sa isip ko, nagtagumpay na naman si inay sa kanilang laban, pero sa halip na matuwa, lalo akong nalungkot.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...