"'Nay, kelan ga magagawa ang TV natin?" tanong ko kay inay isang umaga. Inaayos niya ang mga bunot na kinakapitan ng kanyang mga orkid.
"Tiningnan na nga iyan ni Nestor... May bibilhin pa raw piyesa. Wala tayong pambili."
Nakakainis! Di ko na tuloy masubaybayan ang bagong palabas na Voltes V. Kailangan ko pang hintaying magbukas ng TV ang kapitbahay. E buti kung pareho kami ng gusto.
Pumasok na lang ako sa loob. Naglaro sa isip ko ang panahong ayos pa ang aming TV . Nanonood ako ng mga paborito kong kartun sa hapon hanggang gumabi, sunod-sunod na y'on: Paul in Fantasy Land, Daimos, Mazinger Z – malimit kong drowingin ang Mazinger Z. Sa gabi naman, BJ and the Bear, Love Boat, Knight Rider! At bukas uli, y'ong mga sine nina Apeng Daldal at Bayani Casimiro. Minsan, y'ong mga laro ng Crispa at Toyota. Sa tagal ng panahong sira ang TV, naiisip ko baka nag-iimagine lang ako. Y'ong nakikita kong TV sa sulok na malimit kong paglaruan ang panara, bukas-sara, pabalik-balik, wala, kabinet lang y'on, o kaya mesang patungan ng halaman. Hindi talaga totoong may TV kami.
Sa kapitbahay ko na nga lang napapanood ang Voltes V e. Teka, ano na nga palang nangyari sa Voltes V? Ang huli kong napanood, hinahabol ng korteng bungong spaceship y'ong ina nina Steve, umiiyak at takot na takot. Nakakatakot naman talaga kapag lumilitaw ang bungong iyon e. Kahit ako ang habulin n'on, baka hindi na ako makakilos sa takot. Parang kapag nananaginip ako na may humahabol daw sa akin, hindi ko maikilos ang mga paa ko, tapos maiihi na lang ako.
"Jepoy!"
Tumakbo ako palabas. Naroon ang mga kalaro ko. Hindi pa naman masakit ang sikat ng araw. Wala nang tanong-tanong, basta laro lang kami nang laro. Mamaya pa, punong-puno na ng sigawan namin ang buong kalehon. Nakapagtumbang-lata na kami at ngayon, "kalabado" naman – parang habulang taya rin y'on, pero hindi umaalis sa kanilang mga linya y'ong kalabang koponan, at kailangang malagpasan mo silang lahat nang hindi ka nila natataya.
Pero hindi na namin natapos ang laro. Bigla kaming binulabog ng malalakas na ugong at dagundong. Nagsimula na pala ang karera ng mga troli. Malalaki na ang mga naglalaro niyon, gaya nina Kuya Ding. Kasi, ginagawa lang nila y'ong troli, yari sa kahoy at kinabitan ng dalawang bakal na gulong na may bering.
Tumakbo ako pasalubong kay Kuya Ding. Hinintuan niya ako at umangkas ako nang nakatalungko sa kanyang troli, nakakapit sa isang bahagi ng hawakang kahoy. Ang bilis ng takbo namin... sarap! Narating agad namin ang kabilang dulo ng kalehon, tapos pabalik naman. Paspas ang takbo namin, salida ang mga bering. Sumisigaw na kaming lahat. Ako, parang maiiyak na. Hinigpitan ko pa ang hawak ko. Parang hahagis na ako sa lansangan sa sobrang bilis.
Sa larong ito, wala naman talagang nananalo. Kunwari lang, nag-uunahan, pero pagdating sa dulo, lahat masaya, lahat ang pakiramdam – panalo!
Parang gumegewang ako pagbaba. Tinawanan ako ng ibang bata. Huuu, inggit lang kayo. Hindi kasi kayo nakasakay. Nawala na lang at sukat ang mga nagtrotroli. Malalaki na kasi ang mga y'on. Siguro, nasa pulpulan na naman ang mga y'on, o kaya isang lugar na hindi pa napupuntahan ng maliliit na batang gaya ko. Naglakad ako pabalik sa sampalukan. Tila merong ikinukuwento si Alex Doding nang dumating ako.
"Kala ng mga kalaban, mananalo na sila. Kala kasi nila walang panlaban ang mga tao e..."
A, ito na y'ong karugtong ng Voltes V!
"Hindi pa nga nila alam paganahin n'ung una e. Hindi nila mabuo, lipad lang sila nang lipad, tapos y'un, nagawa rin nila. Ang galing n'ung nag-volt in na sila, di ga?"
"Oo nga! Napanood mo ga rin, Jepoy?" tanong ni Alex Pacita.
"Hindi... sira pa rin ang TV namin e."
"Sa amin ka na lang manood," sabi ni Alex Doding sa akin.
"E hapon na kasi. Baka mamura ako," sabi ko.
"Ay hindi mo makikita. Kaganda pa naman!" kulit pa rin ni Alex Doding.
Kung bakit kasi hindi pa nagagawa ang TV. Samantalang dati, kami ang dinadayo ng mga kamag-anak namin sa bukid. Kapag tanghali, naroon sila lahat sa labas, nakikipanood ng sine, y'ung kina Apeng Daldal, Bayani Casimiro, Dolphy... Mas gusto ko y'ung katatawanan e, saka bakbakan, barilan, y'ung kina Val De Leon, Jess Lapid, Fernando, Joseph Estrada...
Pauwi na ako nang matanaw ko si Tiyo Nestor galing sa amin. Nasabik ako dahil alam kong gumagawa ng TV y'on. Siguro, ipinagawa na ni inay. Siguro, gumagana na. Siguro, makakapanood na rin ako ng Voltes V at saka ng iba ko pang paboritong kartun. Napatakbo ako papasok ng bahay.
"Inay! Gawa na ga ang TV?"
"Hay naku, hindi pa!"
Parang gusto ko nang maiyak.
"Galing nga dito at ang sabi e, wala raw makitang piyesa. Baka hindi na ito magawa pa," pagtatapos ni inay.
Tumalikod na lang ako at mabigat ang mga paang naglakad pabalik sa harap ng bahay. Tumanghod ako roon na parang naghihintay ng madyik, isang kumpas lang ng kamay na kagyat mag-aayos ng lahat.
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormal"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...