XXI. Nuno ng Lagim

279 17 8
                                    



Pigil-pigil ko ang aking paghinga sa pangambang maging ito ay marinig ng malupit na opisyal ng Nazi. Nanumbalik na sa isip ko kung paano namatay si ama habang pilit akong prinoprotektahan. Naging malinaw na rin kung bakit pilit niyang ipinalunok sa akin ang tableta, upang mawalan ako ng malay, pagkamalang patay at magkaroon ng tsansang mabuhay—kung magagawa ko lang takasan ang bulag na opisyal at ang mga walang-pusong kawal sa loob ng treng ito!

Marahang sumara ang pinto ng cabin. Nang inakala kong lumabas na ang opisyal, gumapang akong palabas sa pinagtataguan at maingat na binaybay ang bahagyang naiilawan, nakapanghihilakbot at namamaho nang loob ng tren. Patung-patong ang mga bangkay sa dami. Naroong isiksik ko ang sarili para makalagpas. Nangangatal ako sa takot at panggigilalas.

Napalingon ako sa pinto ng cabin nang muli itong bumukas. Kasunod niyon ang nagmamadaling yabag ng opisyal habang binubunot ang nakasukbit na baril sa kanyang baywang. Natuklasan na niya ako! Nagmadali akong makalusot sa makapal na salansan ng mga duguan at naninigas nang katawan. Mas takot na ako ngayon sa buhay na tumutugis sa akin kaysa sa lahat ng nakaliligalig na anyo ng mga bangkay sa aking paligid.

Nakalabas ako sa mas maluwag na dulong bahagi ng tren. Wala nang ibang daan para sa akin kundi ang pintong palabas. Patuloy ang mabilis na takbo ng tren, sumisingasing sa aking pandinig sa gitna ng dilim, parang halimaw, at nasa loob ako ng tiyan niyon, kasama ang lahat ng buhay na nilamon, libo-libong taong pinaslang sa isang iglap sa isang kadahilanang hindi matalos ng musmos kong isipan. Ano'ng kasalanan namin? Bakit nila kami pinapatay? Bakit parang hindi kami tao, kaming mga Hudyo, sa kanilang paningin? Ama... ina ko! Saan ako tatakbo?

Isang putok ang pumatid sa aking diwa, at isa pa, at isa pa... Padapa akong bumagsak sa harap ng pintong palabas. Naiwan sa pumapanaw kong ulirat ang pahina nang pahinang taguktok ng sapatos at ang impit na sigaw na "Heil!". Makapal na itim ang humalili sa lahat kong pandama, at kasunod ang katahimikan.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong namatay. Basta maya-maya, nanuot muli ang lakas sa mga himaymay ng aking katawan, tumibok ang puso ko at naramdaman kong naglalagos sa aking utak ang dugo na tila mainit na hiningang dumadampi sa aking mga taynga. Itinulak ng pumasok na lakas ang mga talukap ng mga mata ko pabukas. Napabalikwas ako at napasandal sa pinto ng tren.

Gaya ng isang malinaw na panaginip (o bangungot), bumalik sa alaala ko ang mga nangyari sa aming huling byahe. Nanaig ang amoy ng lansa ng natuyong dugo sa aking mukha nang maalala ko kung paano namatay si ama habang sinisikap niyang mabuhay ako.

Napakislot ako nang mamalayan ang papalapit na mga yabag. Ano'ng gagawin ko? Hindi ako makagalaw sa matinding takot at pagkalito. Naaaninag ko na ang kanyang anino ilang dipa mula sa kinaroroonan ko. Tuloy-tuloy ang kanyang lakad, parang siguradong sigurado. Wala nang panahong magtago. Kahit isiksik ko ang katawan ko sa mga bangkay, mahahanap pa rin niya ako. 

Hindi nga ako nagkamali. Agad niyang itinutok ang baril pagkakita sa akin.

"Pinatay na kita! Anong meron ka?" sigaw niya.

Napapikit ako habang magkakrus ang mga brasong tumatakip sa aking mukha. Hinintay kong dumapo ang punglo saanmang bahagi ng murang katawan ko. Ngunit wala. Sigaw lang ng opisyal ang narinig ko, na tila nagpipilit makawala. Nagmulat ako at namangha sa aking nakita—tila nakikipagbuno siya sa hangin! May pumipigil sa kanya na isang hindi nakikitang pwersa. Multo kaya? Mga multo ng pinaslang na libo-libong Hudyong lulan ng treng ito?

Kinakabahang tumayo ako at dahan-dahang humakbang. Hindi pa ako nakalalayo nang biglang mahipang pabukas ang pintong sinandalan ko kanina, at kasunod niyon ang bulag na opisyal na tila tangay-tangay ng isang ipuipo palabas ng tren. Natanaw kong nakakapit pa siya sa plataporma hanggang mawala na lang at sukat.

Hindi ako makapaniwalang wala na ang kinasisindakang Nazi. Napabilis ang mga hakbang ko sa matinding takot. Subalit kasalubong ko na ang dalawang kawal mula sa unahan ng tren. Akmang magpapaputok sila nang walang anu-ano'y magkasunod silang humagis palabas ng bukas na bintana. Lalo akong natakot at tuluyang napatakbo sa dakong kinaroroonan ng drayber ng tren. Wala nang iba pang kawal doon.

Nagulat ako nang biglang matanggal sa pagkakakabit ang mga bagong pinanggalingan ko. Napasugod ang naalertong drayber nang maramdaman ang nangyari. Nakita niya ako at akmang babarilin nang biglang humagis ang katawan niya pahampas sa saradong bintanang bubog na agad nabasag, kasabay ng nakahihindik niyang sigaw, at iglap na naglaho sa karimlan.

Takot na napapikit ako. Ako na lamang ang narito. Ako na ang kasunod. Ilang saglit ang lumipas, ngunit walang nangyari sa akin. Nakatayo pa rin ako roon habang patuloy ang takbo ng nalalabing bagon ng tren. Napabuntunghininga ako. Anuman iyon, naramdaman kong prinoprotektahan ako niyon. Isang anghel marahil, o kaluluwa ni ama?

Sobrang dilim sa labas. Makulimlim ang bahaging kinaroroonan ng buwan. Wala akong naaaninag kundi mga dawag, walang kabahay-bahay. Kung saan patungo ang tren, wala akong kamalay-malay. Ngayon lang ako nagbyahe nang napakahaba at siguradong napakalayo sa Paris. Nanlulupaypay na naupo ako sa upuan ng drayber at sandaling nalibang sa mga aparatong kumokontrol sa tren.

Napalingon ako nang biglang may kumalampag sa likuran ng bagon. Tila may sumipa sa dibdib ko nang makita kung sino iyon. Kahindik-hindik ang anyo ng bulag na opisyal. Wasak ang kanyang mukha at gula-gulanit ang kanyang kabuuan. Para siyang bangkay na bumangon sa hukay!

"Hindi mo ako kaya! Hindi ako titigil hangga't hindi kita muling napapatay!" mariin niyang sabi.

Akmang susugurin niya ako nang muling kumilos ang hindi nakikitang pwersa. Wari'y nakayapos ito nang mahigpit sa kanya. Nagpupumiglas ang opisyal at nagpipilit makawala. Ngunit wala siyang magawa sa lakas na nakabalot sa kanyang sugatang katawan. Hindi ko mawari ang nararamdaman ko, kung takot o tuwa. Basta ang alam ko, ligtas na ako.

Noon pumunit ang mahiwagang halinghing ng kabayo, at kasabay ng dahan-dahang paglitaw ng kakatwang anyo nitong tila katawan ng taong may ulo ng kabayo (demonyo ba ito?), ang nakalululang pag-ikot ng paligid, pabilis nang pabilis. Napapikit ako at pilit na nangapa ng mahahawakan. Pakiramdam ko'y titilapon ako sa matinding alimpuyo. Kasunod niyon, ang pamilyar na tinig at isang hindi ko mawawaang pangalan: "Psst... Psst! Pumikit ka... Pumikit ka... Jepoy..."

Pumikit nga ako, at hindi ko binuksan ang mga mata ko kahit ano'ng mangyari.

Maya-maya, tumigil ang pag-ikot. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Sabay sa pagmumulat ng mga mata, namalayan kong nakabalik na ako. Parang isang malabong panaginip na lang ang lahat ng pinagdaanan ko sa binalikang panahon. Ako na uli ito!

Saka ko pa lang sinulyapan ang dalawang nilalang na nasa harapan ko. Nakilala ko agad si Buhawi na mahigpit na pinipigilan ang nagpupumiglas na nilalang na bahagyang nakakubli ang mukha sa pagkakatagilid. Patuloy ang takbo ng bagon ng tren, ngunit sa anyo ng paligid ay wala na kami sa madawag na riles. Sumilip ako sa labas ng bintana. Nasa himpapawid kami!

"Jepoy... tagumpay tayo! Nadakip na natin ang Tagabulag!" Humalinghing si Buhawi habang lalong hinihigpitan ang pagkakayapos sa nilalang na nakadamit ng itim.

"Nabuhay siya sa pagpaslang, at sa kanyang pagpanaw, nanatili ang kanyang kaluluwa rito, kung saan ka rin niya pinatay sa nakaraan mong buhay. At nagsilbing nuno ng lagim—ang Tagabulag na may kakayahang manlinlang at magpahamak... dahil iyon ang laman ng kanyang puso. Uhaw ang kanyang kaluluwa sa dugo!" wika ni Buhawi.

Pilit kong sinisilip ang anyo ng nagwawalang nilalang nang biglang humarap iyon sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking namalas nang mga sandaling iyon.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon