XVIII. Banta ng Tagabulag

342 14 4
                                    

"Hoy, Jepoy!" tawag ni Alex. Naglalaro ako noon sa aming garahe. Nakatuntong ako sa pahalang na kahoy sa ibaba habang nakakapit sa gitnang bahagi ng agwat-agwat na mga tablang bumubuo sa malaking panara nito. Mula sa pagkakasara, tatadyak ako nang konti sa sahig para itulak itong pabukas... "Weee!" Paulit-ulit ko itong ginagawa hanggang magsawa.

Ibinalik ko sa pagkakasara ang garahe, at patakbong tinungo si Alex sa labas.

"Gusto mo ga ng pandesal na may palamang sinangag?" tanong ko nang mapalapit.

Tumango siya, saka magkasabay kaming tumakbo pabalik sa bahay.

Pagkakuha namin ng pandesal na may sinangag mula sa kusina, patakbo na uli kaming nagtago sa likod ng malalagong "lady's corn" sa gilid ng garahe at likod ng aming banyong liguan. Ilang dipa mula roon ang bahay na tinitirhan dati nina Alex Doding.

"Manampalok tayo pagkatapos," sabi ni Alex habang nginangasab namin ang pandesal. Tumatalsik-talsik pa ang ibang mumo ng sinangag habang nagsasalita siya.

"Masarap din, ano? Kahit kanin lang," sabi ko. Hindi ko alam kung nagpapalaman din sina Alex ng sinangag sa kanila. Baka sa amin lang ginagawa iyon. Malimit kasi kaming walang palaman, kaya kung ano-ano'ng naiisip gawin sa tinapay.

Nagkuwentuhan kami saglit tungkol sa mga palabas na "bakbakan". Kahit naman wala kaming gumaganang TV, kung saan-saan pa rin ako nakakapanood ng mga palabas. Malimit, sa mga Tiya Juliana sa tapat. Madaling manood doon kasi may mahabang bintana sa harap. Pero nakakaupo rin kami ni Ate Mabel sa loob kapag may upuan pa.

Napanood ko ang "Totoy Bato" ni FPJ nang ipalabas ito sa sinehan sa Batangas (City). Bihirang pangyayari iyon, hindi ko alam kung paano, basta isang araw na lang, niyaya ni Ate Mavic kami ni Ate Mabel na manood ng sine. Iyon ang una kong pagpasok sa sinehan. Ang dilim pala roon! Hindi ko alam na nakatiklop pala ang upuan. Basta ako umupo...

"Ang daming dugo!" sabi ko kay Alex.

"Ketsup lang naman 'yun!" sagot niya.

"S'yempre, si FPJ pa rin ang panalo... bida e!" patuloy ko.

Hindi rin nagtagal, umuwi na si Alex. Dati, tanghali pa kami maghihiwa-hiwalay, noong kasama pa namin sina Ide at Alex Doding, kapag sunod-sunod nang tumawag ang aming mga inay.

Ano kayang nilalaro nila ngayon? Kapag wala kaming malaro noon at nakaupo kaming tabi-tabi sa mahabang ugat ng sampalok, napagmamasdan namin ang dahan-dahang pagpapalit ng init at lilim sa tuwing tumatabing ang makakapal na ulap sa liwanag ng araw.

Sinundan ko ng tingin ang dumaraang lilim sa tahimik na kalehon. Tumanaw-tanaw pa ako sa magkabilang dulo ng daan. Ano nga ba'ng makikita ko roon? Kahit saan ako tumingin, wala namang biglaang darating at tatawag sa pangalan ko.

"Jepoy!" Si inay lang y'on. "Parine ka't mainit na!"

Lulugo-lugong pumasok ako sa loob. Pagkakain ng tanghalian, minabuti kong matulog na lang. Wala rin namang makalaro sa labas. Sa isahang silya ako nakatulog, nakadantay ang ulo sa isang kamay nito at nakasaklang naman ang mga paa sa kabila. Napapitlag pa nga ang mga paa ko nang maalimpungatan, dahil sa panaginip ko, naghahabulan kami ng mga kalaro ko... pati sina Alex Doding at Ide naroon. Sakay daw kami sa mga palapa ng niyog na ginagawa naming kabayu-kabayuhan. Parang naririnig ko pa ang ingay ng mga dahong kumukuskos sa kalsada habang tumatakbo kaming kipit sa mga hita ang dulo ng palapa na tila batok ng ulo ng kabayo. Umaalingawngaw pa sa diwa ko ang matitinis naming tinig at tawanan, hanggang sa tuluyang talunin ng huni ng mga kuliglig sa hapong iyon. Saka pa lang ako napabalikwas, nahihilam ang mga mata at pawisan ang leeg dahil sa tama ng sikat ng araw mula sa bintanang katabi ng silya. Ngumuyngoy ako nang ngumuyngoy doon pagkatapos. Hindi ko alam kung anong sumpong ang tumama sa akin. Sinaway ako ni inay. "Hapon na kasi'y hindi pa nabangon... 'Pag di ka tumigil, kukunin ka ni Juanang Ilaya!"

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon