Walang mukha ang Tagabulag, o isa lang maitim at malalim na guwang iyon, na habang tinitingnan ko, parang hinihila ako ng bilog na kadilimang naroon, umaalimpuyo, wari'y isang matang nakatingin sa akin, at kasabay niyo'y muling sumagi sa isip ko ang bata sa aking panaginip, ang malungkot na araw na iyon sa Paris, ang riles ng tren, at ang sumabog na dugo sa aking mukha. Napapitlag ako at napahaplos sa pisngi ko na tila naroon pa ang dugo... Naaamoy ko ang lansa niyon.
"Huwag mo siyang titigan, Jepoy!" sigaw ni Buhawi.
Ngunit huli na.
Nagbago ang anyo ng dalawang nilalang sa harapan ko. Nakita ko ang aking amang Hudyo na nagpupumiglas sa pagkakahawak ng bulag na opisyal ng Nazi!
"Anak, madali ka! Hawakan mo ang kamay ko!" sigaw niya.
Humakbang ako palapit para abutin ang kanyang kamay.
"Ganyan nga, anak! Tulungan mo akong makawala rito... Tatakas tayo!"
Patuloy akong humakbang palapit sa kanila. Nakita kong hinihigit ng bulag na opisyal ang aking ama palayo. Bumilis ang aking mga hakbang. Maaabot ko na ang kamay ni ama.
"Bilis, anak! Bilisan mo!" parang nagagalit na si Ama. Tumakbo na ako para mahawakan ko ang kanyang kamay. Ngunit bago ko magawa ko iyon, itinulak siya ng opisyal pahagis sa pinto ng tren, sabay sambilat sa akin upang mailayo ako sa kanya.
Naguluhan ako nang tumayo lang doon ang aking ama at humalakhak... sabay sa pagbabalik ng anyo ng Tagabulag sa may pinto ng tren, at ni Buhawi na nakayapos sa akin.
Natitigilang napatanaw lang ako sa Tagabulag habang patakbo siyang pumasok sa kasunod na bagon ng tren. Inasahan kong hahabulin siya ni Buhawi ngunit hindi niya iyon ginawa. Balewalang sumisingasing lang siya sa tuwa habang nakatalungko sa tabi ko. Naguguluhang tiningnan ko siya.
"Wala nang kasunod na bagon, Jepoy," aniya. "Iisa lang—ito lang. Naisahan ko siya!"
Sinundan niya iyon ng nagbubunying halinghing.
"Kanina, nang matiyak kong nalinlang ka niya, inihagis ko siya sa may pintuan at agad kong binago para sa kanyang paningin ang ating paligid. Nakita niyang nahuhulog tayo sa himpapawid. Kaya naman mabilis siyang pumasok sa pintong iyon, sa akalang naroon ang bagon," salaysay ni Buhawi.
"Ano na'ng mangyayari sa Tagabulag?"
"Marami siyang pwedeng pagkaabalahan sa mundo mo, Jepoy," sagot ni Buhawi. "Ang totoo, gustong-gusto niya rito. Naiinip siyang kasama ang mga nuno—na walang ibang hinahangad sa buhay. Totoo sa katauhang kanyang pinagmulan, gusto niyang makontrol ang lahat. Kaya malimit siyang lumabas gamit ang treng ito, upang paglaruan ang mga tao at itulak silang maghangad nang labis at maging marahas sa pagkakamit niyon. Alam mo na ang nangyari kay Fermina at sa kanyang kulto, di ba? Lahat sila'y nabaliw sa kapangyarihang alok ng Tagabulag. Hindi man natin siya nadakip, nakuha naman natin itong tren mo. Ginamit niya itong mainam na sasakyan para magpalipat-lipat ng mundo. Kahit mawala ang punong sampalok o alinmang puno, magagawa niyang magpabalik-balik. Dahil ginagamit niyang lagusan ang koneksyon ng tren sa isip mo, sa bangungot mo, sa lumipas mo. Pagkabalik natin sa istasyon, ibabalik na ito ng mga nuno sa pinagmulang panahon. Mawawala na rin ang tanging bagay na nag-uugnay sa iyo sa Tagabulag at sa mundo sa kabilang hati ng sampalukan."
Naintindihan ko na ngayon. Nagmula kami ng Tagabulag sa iisang panahon.
"Huwag kang mag-alala. Hindi rin siya maaaring magtagal dito sa piling ng mga tao. Gagawa at gagawa siya ng paraang makabalik sa aming mundo dahil kung hindi, mawawalan ng bisa ang kanyang kapangyarihan at magiging haka-haka na lamang siya ng mga tao," dagdag ni Buhawi. "Siguradong gagawin niya ang kanyang asal habang narito siya, at kung anong lagim iyon, malalaman natin sa darating na mga araw. Pansamantala, magiging abala muna siyang hanapin ang tamang alapaap para makabalik dito."
BINABASA MO ANG
Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)
Paranormalne"Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos a...