Samantha's P.O.V.
Hah!
Mukhang naging epektibo ang pagtataboy ko kay Karl. Dalawang buwan ko na siyang hindi nakikitang sumusunod-sunod o nagbabantay na daig pa ang asong hindi marunong lumayo sa amo.
Mukhang nakuntento na siya sa perang ibinigay ko.
Bagama't nakapagtataka, hanggang ngayon, hindi pa rin niya ipinapasok sa bangko ang tseke.
Hmp.
Pakipot pa. Nagkukunwari pang ayaw sa pera, pero dinala naman niya ang tseke.
"O, kung nagpapasalamat kang hindi ka na niya inaabangan, bakit nanghahaba ang leeg mo riyan?" puna ni Onin habang nag-aagahan kami sa veranda.
Napansin pala niyang panay ang tingin ko sa may gate.
"Naniniguro lang."
"Naniniguro saan?" Tinaasan niya ako ng kilay. "Ang sabihin mo, nami-miss mo siya at nakokonsensiya ka sa huli mong ginawa. Kunwari ka pang hipokrita. Nagpapaka-mega-kontrabida ka, hindi naman bagay sa iyo."
"Ikaw, ha. Masyado mo yatang sinasamantala ang pribilehiyong pagsalitaan ako nang ganyan."
Humalukipkip ako.
"Anong hipokrita? Hindi ako hipokrita. Wala kang alam sa lahat ng kawalanghiyaang ginawa sa akin ni Karl kaya wala kang karapatang husgahan ako."
"Alin ang hindi ko alam?"
Umayos siya ng upo.
"Iyong nangyari sa inyo noong mas bata pa kayo? Iyong pareho kayong natakot at nagkamali sa paraan ng pagharap sa nararamdaman ninyo?"
Nagulat ako.
Paano niya nalaman iyon?
"Alin pa?" patuloy niya. "Iyong ginamitan ka niya ng pera para manatili ka sa tabi niya at tumigil sa pagbebenta ng sarili mo? Mali ang paraan niya, oo. Napakalaking gago niya rin. Pero hindi mo ba nakikitang desperado siyang ilayo ka sa trabahong iyon?"
Hindi ako nakapagsalita.
"At iyong tinanggap ka pa rin niya kahit ang dami nang nangyari sa iyo? Samantha, baka ikaw ang walang alam sa hirap na pinagdaanan niya sa paghahanap sa iyo."
Napahigpit ang hawak ko sa tasa.
"Araw at gabi ka niyang hinanap sa loob ng dalawang taon. Halos buong Pilipinas ang nilibot niya. Kami ni Nenita, sumuko na sa pag-asang mahahanap ka pa, pero siya, hindi."
"Onin..."
"Kahit may sakit, umaalis siya. Kahit ubos na ang lakas niya, hinahanap ka pa rin niya. Minsan, halos ikamatay niya ang pulmonya dahil tuloy pa rin siya sa paglalakbay kahit umuulan."
Hindi ko alam kung bakit napakaraming alam ni Onin.
Ayokong makonsensiya sa ginawa ko.
Tama lamang iyon kay Karl. Sinaktan din niya ako. Marami siyang pagkakataong tratuhin ako nang maayos, pero paulit-ulit niyang piniling yurakan ang pagkatao ko.
Halos ikamatay?
Bakit?
Hiningi ko ba sa kanyang gawin iyon para sa akin? Kung napahamak siya noon, sarili niyang desisyon iyon.
Bakit ako pa rin ang kailangang magkarga ng bigat ng mga pinili niyang gawin?
"Eh ano naman sa akin?" malamig kong tanong. "Ako ba ang humiling sa kanyang hanapin ako?"
BINABASA MO ANG
Forbidden Love [R18]
RomantikKatropa Series Book 7 [Completed] Language: Filipino [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Adult Romance Series: Katropa Series Cover Design (WP): A. Atienza Started: March 2014...
![Forbidden Love [R18]](https://img.wattpad.com/cover/11542273-64-k589886.jpg)