Karl's P.O.V.
"Dahil sa matinding takot na tuluyan kang ilayo ng Mama mo sa akin kaya ako naging sunud-sunuran sa kanya, Sam. Hindi ko ginustong saktan ka. Hindi ko rin ginustong magkasira tayo, pero inakala kong mas mabuti na iyon kaysa hindi na kita makita kailanman."
Nakatayo si Sam sa harap ng bintana. Nakatalikod siya sa akin habang nakatanaw sa mga ilaw ng Macau. Hindi ko makita ang ekspresyon niya, pero alam kong nakikinig siya.
"Wala akong magawa noon dahil nasa poder pa ako nila Papa. Kaya ginawa ko ang lahat upang umasenso at magkaroon ng sarili kong buhay. Gusto kong makawala sa kanila. Gusto kong bumalik para kunin ka."
Hindi pa rin siya kumikibo.
Dahan-dahan akong lumapit at niyakap siya mula sa likuran. Ibinaon ko ang mukha sa kanang bahagi ng leeg niya. Hindi niya ako itinulak, pero nanatiling matigas ang katawan niya sa loob ng mga braso ko.
"Kasama ka sa lahat ng plano ko, Sam. Bawat negosyong sinimulan ko, bawat gabing hindi ako natulog, ikaw ang nasa isip ko. Ang gusto ko lamang, magkaroon ng sapat na pera at kapangyarihan para wala nang makapaghihiwalay sa atin."
Marahan kong hinalikan ang kanyang leeg.
"Pero pagbalik ko, wala ka na."
Humigpit ang yakap ko sa kanya.
"Dalawang taon kitang hinanap. Sinuyod ko ang bawat sulok ng Pilipinas na naisip kong maaari mong puntahan. Kinausap ko ang mga dati mong kaibigan. Nagbayad ako ng mga taong tutulong sa paghahanap sa iyo. Tuwing may magsasabing may babaeng kamukha mo sa isang lugar, agad akong pumupunta roon."
Napapikit ako habang naaalala ang mahabang panahong wala akong katiyakan kung buhay at ligtas pa ba siya.
"Natagpuan din kita nitong huli, pero sobra akong nasaktan nang malaman ko kung ano ang trabaho mo. Halos mabaliw ako, Sam. Hindi ko matanggap na umabot ka sa ganoong buhay."
Bahagya siyang gumalaw sa yakap ko, pero hindi pa rin siya humarap.
"Galit ako sa ginawa mo sa sarili mo. Galit din ako sa sarili ko dahil alam kong may bahagi ako sa dahilan kung bakit ka nagkaganoon. Pero sa halip na sisihin ang sarili ko, sa iyo ko ibinuhos ang lahat."
Napabuntong-hininga ako.
"Iyon ang dahilan kung bakit nagawa ko ang mga ginawa ko sa iyo. Hindi iyon dahilan para patawarin ako. Alam kong mali ang ginawa ko. Gusto ko lamang malaman mo kung saan nanggaling ang galit ko."
Humarap siya nang bahagya, pero nakatanaw pa rin sa labas.
"Mahal na mahal pa rin kita," dugtong ko. "Kahit kailan, walang babaeng pumantay sa iyo sa puso ko. Walang araw na hindi kita naisip. Sana mapatawad mo ako sa lahat ng pagkakamali ko."
Matagal bago siya nagsalita. Nakakunot ang noo niya, tila may malalim na iniisip.
"Kailan tayo uuwi sa Pilipinas?"
Hindi iyon ang inaasahan kong marinig.
Inakala kong magtatanong siya tungkol sa nakaraan. Inasahan kong pagmumurahin niya ako o sasampalin. Handa akong tanggapin ang lahat, pero pag-uwi lang pala ang iniisip niya.
Isang linggo talaga ang plano kong manatili roon. Akala ko aabutin nang ganoon katagal ang pagsasara ng business deal na ipinunta ko sa Macau. Dahil napapayag ko naman ang kliyente sa unang araw pa lamang ng aking presentation, wala na rin kaming dahilan upang magtagal.
"Bakit?" tanong ko habang hinahalikan ang kanyang leeg pababa sa balikat. "Gusto mo na bang umuwi?"
"Kailangan kong maghanap ng bagong mapapasukan, Karl. Wala na naman tayong kasunduan, hindi ba? Ibinalik ko na rin sa iyo ang pera mo. Wala na akong dahilan para manatili rito."
BINABASA MO ANG
Forbidden Love [R18]
RomanceKatropa Series Book 7 [Completed] Language: Filipino [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Adult Romance Series: Katropa Series Cover Design (WP): A. Atienza Started: March 2014...
![Forbidden Love [R18]](https://img.wattpad.com/cover/11542273-64-k589886.jpg)