Karl's P.O.V.
"I'm sorry, Karl. Siguro nga, mahal pa rin kita."
Hinubad ni Samantha ang singsing na isinuot ko sa kanya. Kinuha niya ang aking kanang kamay, ibinuka ang palad ko, at marahang inilapag doon ang singsing.
Nanlamig ang buong katawan ko.
"Pero mahal ko na rin si Fidel," dugtong niya. "He's been good to me. Hindi ko siya puwedeng iwan nang ganoon lamang. Nakapangako na ako sa kanya."
Umiiyak siya. Halatang nahihirapan ding sabihin ang mga katagang iyon, pero nanatiling matatag ang kanyang tinig.
"At wala na akong balak bawiin ang pangako ko."
"P-pero, Sam..." Pumiyok ang boses ko. "Mahal na mahal kita. Huwag mo namang..."
Hindi niya ako pinatapos.
"Sa iba mo na lamang ibaling ang pagmamahal mo, Karl."
Pinunasan niya ang sariling mga luha. Kasabay niyon, biglang nanlamig ang ekspresyon niya. Para siyang nagtayo ng pader sa pagitan namin bago pa ako muling makalapit.
"Sa dami ng pinagdaanan nating problema at sa paulit-ulit na paghadlang ng ibang tao, malinaw pa sa sikat ng araw na hindi talaga tayo para sa isa't isa."
"Sam..."
"Pabayaan mo na ako. Ibalik mo na ako kay Fidel. Sa kanya na ako. Hindi na ako babalik sa iyo."
Para akong nawalan ng lakas.
Animo'y gumuho ang mundong matagal kong binuo para sa aming dalawa. Hindi ko alam kung ano ang susunod kong gagawin. Dapat ko pa ba siyang pilitin kung ayaw na talaga niya sa akin?
Kasalanan ko ito.
Hindi ko siya pinag-ingatan. Hindi ko siya tinrato nang maayos. Hindi ko naiparamdam ang pagmamahal na noon ko pa dapat ipinakita sa kanya.
Nasa akin na siya mula pa sa simula. Minahal niya ako bago pa naging magulo ang lahat. Pero dahil hindi ako marunong manindigan para sa kanya, paulit-ulit ko siyang naiwawala.
At ngayon, tuluyan na yata siyang mawawala sa mga kamay ko.
Tinitigan ko ang singsing na nasa palad ko. Ilang taon kong inasam na isuot iyon sa daliri niya. Ilang beses kong inisip ang araw na tatawagin ko siyang asawa.
Ngayon, isa na lamang itong malamig na piraso ng bato at metal na wala nang silbi.
+++
"Ikinasal na pala si Samantha kay Fidel Jimenez?" sambit ni Papa habang binabasa ang bahagi ng broadsheet na naglalaman ng mga anunsiyo tungkol sa kasal at iba pang pangyayari sa lipunan.
Magkasabay kaming nag-aagahan.
Kamakailan ko lamang nalaman na magkakilala pala sila ng putang inang gurang na iyon. Magkasama raw sila noon sa Chamber of Commerce, noong aktibo pa si Papa sa pamamahala ng aming mga negosyo.
Hindi ako umimik.
Mula sa gilid ng aking paningin, nakita kong nakatingin siya sa akin. Alam niyang naapektuhan ako. Alam niyang nasasaktan ako, pero nagkunwari siyang wala siyang napapansin.
Kung may isa akong maipipintas kay Papa bukod sa marami pa niyang pagkukulang, iyon ang hilig niyang magparinig. Palagi siyang nagpapahapyaw na para bang hindi niya kayang kausapin nang deretsahan ang sariling anak.
"That will make Samantha wife number four, then."
Napatingin ako sa kanya.
"Number four?"
BINABASA MO ANG
Forbidden Love [R18]
RomansaKatropa Series Book 7 [Completed] Language: Filipino [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Adult Romance Series: Katropa Series Cover Design (WP): A. Atienza Started: March 2014...
![Forbidden Love [R18]](https://img.wattpad.com/cover/11542273-64-k589886.jpg)