CHAPTER 4
FAVORITE FOOD #5: Lechon with extra rice!
FAQ 5: Tumaba ka yata?
COMMON REPLY: Masarap po kasing kumain.
DEEP INSIDE: Paulit-ulit? Taba ko na naman ang napansin? Hindi ba puwedeng punahin na maganda ang skin ko ngayong season? O bagay sa akin highlights ng hair ko?
IMBYERNA #5:Kapag natanggal sa pagkakatali ang sintas ng sapatos mo at kailangan mong yumuko sa gitna ng maraming tao. Una: sasampa ang mga bilbil mo sa baywang ng pantalon/shorts/skirt mo, babakat ang tiyan mong pilit na ikinukubli. Pangalawa: pagpapawisan ka kahit may aricon pa kasi effort yumuko para magtali ng sintas. Pangatlo: Kung minsan kailangan mo pang "mag-acrobatic" para maabot ang sarili mong paa.
__
- Naka-thirty ganda points ako today. Thirty times tumingin sa akin si Joaquin! OMG! May gusto kaya siya sa akin? Ano ba ang maganda kong gawin?
- Magmula ngayon, maglalagay na ako ng foundation. Kailangang maisip ni Joaquin na dalaga na ako! HAHA!
- May ahente ng frozen meat na tumitingin-tingin sa akin kanina. Cute siya. Sana ligawan niya ako. Sasagutin ko siya!
- Kanina sa chatroom, nakausap ko ulit si Kyle. Halos dalawang buwan na kaming magka-chat. Sabi niya pupunta raw siya sa Pilipinas at mag-a-eyeball kami. I need to lose at least twenty pounds! Excited much!
Napabuntong-hininga ako matapos basahin ang mga diary entries ko. Ang daming naka-highlight in pink ink. Naisip ko, iyon na ba talaga ang highlight ng buhay ko noon? Twenty-six years, a series of non-events, sa mga iyon ako umasa. Para akong tanga. Kahit kailan, hindi ko binalikan itong diary. Hindi ako avid journal writer, hindi ako ang tipo na ganoon, puwera na lang kung may bagong crush. At ngayon, binuklat ko ulit ang diary dahil kay Tadeo. Ang saklap ma-realize na napaka-pathetic ng mga entries ko. At heto na naman ako, gustong mangarap ng isang Tadeo.
Kanina, tuwang-tuwa ako pag-uwi kahit hindi naman nagyaya si Tadeo lumabas, ni hindi nga kinuha ang number ko kahit pa ihinatid niya ako pauwi.
PATHETIC, isinulat ko in red ink, saka isinara ang journal.
Idadagdag ko ba sa handmade journal ko ang tungkol kay Tadeo? No. Never. Hindi ko siya isasali sa listahan ko ng mga semi-events. Hindi ako bubuo ng pangarap para sa isang lalaking ni hindi ko sigurado kung liligawan ako o magkakagusto sa akin. Sakali mang tama ang hinala ni Inday na tatanda akong dalaga, hindi ko babalikan ang lintik na diary a few years from now—alone, an honest to goodness old maid—just to see that I used to be a moron. In fact, kung sakali man na maging kami ni Tadeo, magsisimula ako ng bagong diary.
Hindi ba maganda kung magsisimula ako sa… first kiss?
Ahahay! Ambisyosa! Pero ang saya kung ganon! Napangiti na rin ako, saka tinawagan ang kaibigan ko, si Pablita. Sabi niya, magkita kami sa dance club malapit sa bahay. Fine. Mga yuppies ang tao doon. Nagbagong-buhay na ako ngayon, hindi na ako aasa sa isang bagong kakilala na tulad ni Tadeo. Kung noon siguro, mas pipiliin kong kiligin nang walang dahilan sa kuwarto ko, pinapangarap ng gising ang isang cutie na tumingin, nagpakilala, o nagbiro sa akin. Ngayon? No way!
At dahil Friday, tiyak maraming yuppies sa club kaya nagpa-sexy ako ng damit—blouse na nagpapakita ng cleavage, bra na magpapalabas sa cleavage, skirt na nagtatago ng cellulite sa pata, girdle para hindi masyadong lumuwa ang mga bilbil, at wedges para makapagsayaw sa dance floor at magpadagdag ng kaunting height. Eight o'clock, ready to go na ako.
Naabutan ko si Inday sa sala, nanonood ng telenovela. "Inday, lalabas muna ako."
"Sige, Ma'am, mag-uwi-uwi din ng boyfriend 'pag may time."
BINABASA MO ANG
Diary ng Chubby [Published under PHR]
RomantikMataba ako. Malaki ang tiyan ko pero hindi ako buntis. Kapag yumuko ako, hindi ko abot ang mga paa ko. Mataba ako. At hinuhusgahan ako ng tao base sa timbang ko at size ng mga pata ko. Maraming impression sa akin ang mga tao na nakabase sa dami ng b...