WHOLE - Chapter 30

1.9K 90 2
                                    

CHAPTER 30

FAVORITE FOOD 26: Croissant + marmalade + cold cuts + scrambled eggs!

FAQ 26: "Ngayon pa lang na dalaga ka, ganyan ka na kataba. Paano pa kapag nag-asawa ka na?"

COMMON REPLY: "Papayat po ako kapag nagpa-breast feed!"

DEEP INSIDE: Papayat ako kapag nagpa-breast feed!

IMBIYERNA 26: Sa handaan, kahit sabihin mong busog ka pa, pilit kang pakakainin dahil hindi sila naniniwalang may hangganan din ang tiyan mo!

So wake me up when it's all over...

When I'm wiser and I'm older...

Baliw-baliwan na naman ako habang tumutugtog ang kanta ni Avicii. Nasa dance floor, sumasayaw habang umiiyak at tumatawa.

"Okay ka lang?" si Ruthie.

"Ayos lang," sabi ko, sige sa pag-indak. Pinunasan ko ang mga luha ko. Annie Batungbakal ang peg—sa umaga, dispatsadora ng mga tocino, longganisa at hamon; sa gabi bonggang-bonggang baliw.

"Halika na nga!" sabi ni Pablita, hinigit ang kamay ko papunta sa upuan. Napaiyak akong lalo.

"Gusto ko pang sumayaw!" giit ko.

"Para kang tanga diyan. Ano ba'ng problema?" si Ruthie.

"Saan ka ba nagpunta noong mawala ka, ha? Bigla-bigla kang nawala, 'tapos ngayon namang nakauwi ka na, iyak ka ng iyak. Ano ang nangyari sa 'yo? Aminin mo na sa amin!" si Pablita.

"Walang nangyari. Patay na si Angelita."

Ayokong gamitin ang kamatayan ng pinsan ko sa ganitong paraan pero wala na rin naman siya para magreklamo. Isa pa, paano ko ipapaliwanag sa mga kaibigan ko ang nangyari? Ni hindi nga sila naniwala sa akin noong sabihin kong may "aswang" akong nasaksak noon.

Mukhang nabigla sila sa balita ko. Kanina, dumating ang labi ni Angelita sa pamilya niya. Ewan ko kung paano nagawa ni Octavio na ipadala agad; ang alam ko kinu-quarantine pa iyon at maraming dokumento. Hindi na ako nagtatanong ngayon sa mga ganyang bagay. Maraming kayang gawin ang tulad nila. Tumawag sa akin ang mama ko, ibinalita ang lahat. Kunwari na-shock ako sa balitang nasunog sa isang lumang inn sa Vietnam ang pinsan ko. Kompleto ang papeles, nagkataon ding merong naganap na sunog sa isang lumang inn sa Hanoi.

"Hindi ko alam na maiiyak ka ng ganyan sa pagkamatay ni Angelita," si Ruthie.

"Ako rin. Hindi ko alam kung bakit. Nalungkot lang ako. Ang bilis ng andar ng buhay. Hindi patas ang lahat!" sabi ko, napaiyak na naman. Hindi ko na makikita si Gavril kahit kailan at ang sakit sa kalooban ko.

Nag-group hug kami at nakonsensiya ako. Alas-dos ng madaling araw, umuwi akong nakainom. Nakatulog ako agad at kinabukasan, tanghali na ako nagising. Maraming trabaho sa office at habang ginagawa ng mga iyon, nakikipag-chat ako. Gusto ko lang aliwin ang sarili ko. Ganoon yata ang mga babae, kapag nabigo gustong humanap ng kapalit. At hahanap ako.

May isa akong ka-chat na sinabing mag-date daw kami. Umoo ako. Agad-agad. Fine. Walang kadala-dala ang mataba pero go. Why not? Ang pangalan ng ka-date ko ay Iggy. Nag-meet kami sa mall. Presentable naman pero kung maghahanap ako ng isang ka-date na puwedeng lumaban kay Gavril, mahihirapan akong makakita. Cute si Iggy, hawig kay Dennis Trillo. Cute and short. Mas matangkad lang siya ng mga two inches sa akin.

Niyaya niya ako sa isang restaurant sa Libis. "Alberta's" ang pangalan ng restaurant at kakilala daw niya ang may-ari. Ewan. Hindi tulad noon na parang gustong umasa agad ng puso ko. Na-realize ko agad na ito na ang huli kong magiging date habang masama pa ang loob ko. Wala akong ibang maisip kundi si Gavril.

Diary ng Chubby [Published under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon