Nagising si Anya na natunghayan niya ang kapatid niyang si Arturo na mahimbing ang tulog habang nakapamaluktot sa couch ng isang ospital.
“Wait? Nasaan ako? Nasa ospital nga ba ako?” Nasapo niya ang kanyang ulo at parang nararamdaman niya na gumagalaw ang paligid. Hindi siya makakilos nang komportable.
“Arturo…” May eksaktong lakas ang boses niya at nagising naman agad ang kanyang kapatid.
“Buti naman at nagising ka na, ate. Nag-alala kami sa’yo. Bakit ka naman kasi natutulog sa kalsada? Anong nangyari? Hindi ka ba kumakain nang tama sa oras kaya ka nag-pass out?” Sunod-sunod ang katanungan ni Arturo.
“May humahabol sa’kin. Iyon lang ang huli kong naalala Tapos malapit na ako sa shop no’ng time na ‘yon tapos hinatak niya ako. May nilagay siyang panyo sa bibig ko,” pagsasalaysay ni Anya.
“Ire-report ko sa pulis ‘yan. Hindi na rin safe sa lugar mo, ate. Kung ako sa’yo, isara mo muna ang shop mo,” payo ni Arturo saka nag-dial ng number sa kanyang cellphone.
“Sasabihin mo rin ba kay mama?”
“Ano pa nga ba? Saka, alam na niya ‘to.”
“Ikaw ba ‘yong nagdala sa’kin dito? Sino ba ‘yong nakakita sa’kin?” Mas lalong bumigat ang pakiramdam ni Anya dahil aware siya na may sumaklolo pa rin sa kanya nang mangyari ang failed attack sa kanya ng babaeng naka-hoodie jacket.
“Hindi nagpakilala. Tumawag lang sa’kin. Sinabi niya na kilala ka raw niya. Hindi ko lang alam kung nakita niya ‘yong pangyayari bago ka mahimatay.” Napabuntong-hininga si Arturo saka tumayo sa kinauupuan. “Tumawag na rin sa’kin si Ate Shantel. Pupuntahan ka raw niya.”
“Sige, salamat. Baka may pasok ka pa, umuwi ka na sa bahay. Kailangan ko rin mag-report sa pulis. Dahil baka nga malala ang mangyari sa susunod. Baka creep ‘yon,” nababahalang sagot naman ni Anya.
Napagkasunduan ng magkapatid na babalik muna si Anya sa bahay ng parents niya at kung babalik man siya sa shop, kailangan niya ng may kasama. Sa tulong din ni Shantel, nagawan na ng police report ang nangyari kay Anya.
“Mag-aral ka na lang ulit sa college, ate. Kaya naman na natin. Saka ilang year na lang, ga-graduate na ako. Ituloy mo na lang ang course mo,” pang-eencourage pa ni Arturo habang nagsasalo sila sa dinner kasama ang kanilang nanay na si Irenea.
“Tama. Wala nang nangyaring maganda sa’yo simula nang magnegosyo ka. Tapos ano pa ‘tong nababalitaan ko na may boyfriend ka na tapos hindi mo man lang pinakilala sa’min? Pati ba naman ang bagay na ‘yon itatago mo pa,” sermon ni Irenea sabay iling.
“Break na kami no’n,” walang kagana-ganang tugon ni Anya saka uminom ng isang baso ng tubig.
“Past is past, ma. Ang mahalaga ligtas si ate. Saka parang hindi ka man lang nag-worry. Pero no’ng kausap kita sa phone, iyak ka nang iyak. Hindi pa naman patay ‘yong iniiyakan mo,” sabad pa ni Arturo.
“Siguro nga, ma. Wala talagang magandang nangyari sa’kin. Pero naging masaya ako. Nagawa ko ‘yong passion ko at wala akong sinaktan na ibang tao, ‘yon na lang ang mahalaga.” Mapakla ang ngiti ni Anya nang salubungin ang tingin ng kanyang nanay.
“Kaso, ikaw ang sinasaktan. Gets mo ba? Dito ka na lang muna, anak. Na-miss kita, eh.”
Finally, nagpakita ng soft side si Irenea nang lapitan niya ang panganay niyang si Anya at maluha-luhang niyakap ito. “Niloko ka ba ng boyfriend mo? Anong ginawa niya sa’yo? Bakit kayo nag-break?”
Mariin ang pag-iling ni Anya at tinawanan na lang iyon. “Si Gelo po ‘yong pinakamabait na lalaking nakilala ko. hindi po siya manloloko. Okay? Busy lang siya sa career niya. Sabihin na natin na parang LDR po kami.”
“Pangalan pa lang, kahina-hinala na.” Sumabat na naman si Arturo saka lumagok ng isang basong tubig. “May picture ka ba niyan? Patingin nga.”
“Oo nga, ipakita mo sa’min para mahusgahan namin,” pagsang-ayon pa ni Irenea.
Naiiling si Anya na kinuha ang kanyang phone at ipinakita ang separated gallery na may pictures ni Gelo. Karamihan doon ay solo lang at hindi siya nito kasama.
“Joke time ka rin, te. Iyong totoong tao naman ang ipakita mo.” Humagalpak ng tawa si Arturo dahil hindi siya kumbinsido sa katotohanang mala-celebrity ang naging nobyo ng kanyang kapatid.
“Anong tingin mo d’yan, AI?” Nagpigil din ng halakhak si Anya habang pinupunasan ang kanyang luha.
“Nagaya ka na sa ibang teenager na masyadong nagpapantasya sa mga celebrity na ‘yan,” komento pa ni Irenea.
“Hindi ko na kayo pipilitin na maniwala. Bahala na po kayo.” Ngumuso lang si Anya at nakitawa na lang sa sandaling iyon. “Parang iniisip ninyo na masyado akong pangit para magkaroon ng ganyang boyfriend.”
“Hindi sa’min galing ‘yon ah. Ikaw na nagsabi niyan,” bwelta pa ni Arturo sabay hagikhik.
BINABASA MO ANG
Peace Be With You, Please Be With Me
General FictionPagkatapos ng anim na buwang pakikipag-date, napagtanto nina Anya at Gelo na hindi pala magwo-work ang kanilang relasyon. Nagkasundo silang maghiwalay at mag-focus sa kani-kanilang landas. Gayunpaman, nangako silang mananatiling mabuting magkaibigan...