NANGINGINIG pa rin si Christine habang nakaupo sa hallway ng ospital. Hindi niya alam kung bakit pa siya nagpunta roon. Basta't natagpuan na lang niya ang sarili na naroon. Kasalukuyan pang nasa emergency room si Euvelyn habang si Chance nama'y nagpa-panic pa rin. Paroo't-parito ito sa paglalakad habang hinihintay na lumabas ang doktor. Natawagan na nito ang mga magulang ni Euvelyn at parating na ang mga ito.
Awang-awa siya sa hitsura ni Chance. Sinasabunutan nito ang sarili habang hindi mapakali. Tumayo siya at nilapitan ito.
"Chance," hinawakan niya ang kanang balikat nito. "Everything will be fine. Kumalma ka lang."
Subalit iwinaksi nito ang kamay niya at hinarap siya na may bahid ng galit sa mukha.
"Ano ba'ng sinabi mo sa kanya kanina?"
"H-ha? A-ano?" Natatakot siya sa paraan ng pagtingin nito sa kanya at sa tono ng pananalita nito.
"May sakit sa puso si Euvelyn. 'Yon ang dahilan kung bakit kinailangan siyang dalhin ng mga magulang niya sa Amerika noong mga bata pa kami. Hanggang ngayo'y hindi pa siya fully recovered."
Nagulat siya sa sinabi nito. So, may sakit pala sa puso si Euvelyn. Kung gayu'y kasalanan niya ang lahat ng ito. Nasaktan ito sa mga sinabi niya. Dinibdid nito iyon kaya ito inatake.
"C-chance... I-i'm... I'm s-sorry..."
"Ano'ng sinabi mo sa kanya?" malamig na tanong nito.
"Sinabi ko na hindi kita pakakawalan kasi mahal kita. Gusto kasi niyang layuan na lang kita at magparaya na lang ako. Sabi niya mas kilala ka niya at mas kaya ka niyang mahalin. Nasaktan ako. Hindi ko kayang gawin 'yon, eh. Hindi lang siya ang nasaktan, Chance. Kaya hindi mo naman siguro ako masisisi kung napagsalitaan ko siya nang masakit."
Bahagya itong natigilan.
"Now you're making stories! I don't know what's wrong with you, Christine. Hindi ka naman ganito dati, di'ba?"
"A-ano?" Nanghina siya sa sinabi nito. "Sa tingin mo nagsisinungaling lang ako?"
"Oo. Kilala ko si Euvelyn at hindi niya masasabi ang mga ganoong bagay. She's not selfish."
"Chance, wala akong rason para magsinungaling sa'yo, alam mo na 'yan. Hinding-hindi ko 'yan magagawa sa'yo." Hinawakan niya ang braso nito na parang nagmamakaawa subalit muli nitong iwinaksi ang kamay niya. Napahikbi na lang siya.
"Umalis ka na."
"Maniwala ka naman sa'kin, oh. Hindi ako nagsisinungaling."
"Hindi ito ang tamang pagkakataon para pag-usapan 'yan."
"Chance hindi ako matatahimik hangga't hindi ka naniniwala sa'kin."
"You've just thrown my bestfriend's life into danger!" Napalakas ang boses nito kaya mas lalo siyang napahikbi.
"S-sorry... h-hindi ko s-sinasadya."
"Ano'ng magagawa niyang sorry mo? Nasa bingit ng kamatayan ang bestfriend ko ngayon!"
"S-sorry..."
"Umuwi ka na."
"Chance, please...."
"Umuwi ka na!"
Humihikbing napatango na lang siya at mabilis na tumakbo palayo rito. Uuwi na lang muna siya. Hahayaan na lang muna niyang pag-isipan siya nito nang mali. Iintindihin muna niya ito. Hindi biro ang pinagdaraanan ni Chance ngayon. Naguguluhan lang siya. Wala lang 'yong mga sinabi niya. Nadala lang siya ng emosyon niya. Oo, tama. Wala lang 'yon. Hindi siya galit sa'kin.