Season TWO

76 2 0
                                    

It was the worst day of my life. Minahal naman kita, ah. Ginawa ko ang lahat para maging masaya ka... maging masaya tayo. May kulang pa ba? May hindi pa ba ako nagawa? Sana sinabi mo. Kasi kung 'meron, handa naman akong gawin kahit ano pa 'yon, eh. Gano'n kita kamahal. Pero wala kang ibang sinabi kundi "sorry." And then you left.

Kanina pang nagta-type si Chance sa harap ng kanyang laptop. Parang lahat ng sakit at lungkot ay nagbalik. 'Yong sugat sa puso niya na akala niya'y naghilom na ay parang muling bumukas at muling dumudugo. Ang taas-taas na ng itina-type niya. Subalit parang hindi pa sapat ang haba niyon upang maipalabas niya ang lahat ng kanyang saloobin.

Bakit? Bakit mo ako iniwan? 'Yan ang palagi kong itinatanong sa sarili ko. Ano ba talaga ang nagawa ko para magawa mo ang bagay na 'yon? Akala ko ba mahal mo ako?

Gusto lang talaga niyang malaman kung ano ba talaga ang rason nito. Pero paano siya makakakuha ng sagot kung ilang taon na niya itong hindi nakikita? Nawala na lang ito na parang bula. Bakit? Ano ba ang nagawa niya? Puno ng katanungan ang isip at puso niya.

Nang umalis ka, pakiramdam ko'y pinaglaruan ako ng tadhana. Nagalit ako sa mundo kasi bakit masyado itong malupit sa akin. Sana sinabi mo man lang ang dahilan mo. Kasi mahal kita at maiintindihan ko kung ano man 'yon. Kahit walang kwenta pa siguro ang rason mo para iwan ako, iintindihin pa rin kita. Titiisin ko ang sakit na pakawalan kita kasi gano'n kita ka-mahal. Sa ganoong paraan ay magkakaroon ako ng kahit maliit na dahilan para kumapit, maghintay sa'yo, at patuloy na umasa.

Saglit siyang huminto sa pagtitipa at tumanaw sa karagatan. Kasalukuyan kasi siyang naka-pwesto sa verandah ng resort kung saan siya nagbabakasyon. Mula roon ay tanaw na tanaw niya ang ganda ng kalikasan. Pinong buhangin, malinaw na tubig-dagat, nagtatayugang puno ng niyog, mga nagliliparang ibon at ang papalubog na araw.

Sa loob ng maraming taon ay patuloy siyang umaasa. Umaasa na isang araw, paggising niya, makikita niyang nakaupo sa sala nila si Christine. Yayakapin siya nito, magpapaliwanag, hihingi ng tawad at muli silang babalik sa normal.

Pero kahit kailan ay hindi 'yon nangyari. Hanggang sa napagod na siyang umasa.

Mahal na mahal kita... mahal na maha pa rin kita. Hindi ko alam kung kaya kong burahin ka sa puso ko dahil nag-iwan ka na ng malaking marka dito, eh. But I have to move forward. Gusto ko ng ibaon sa limot ang nakaraan. May mga bagay at mga tao akong mas dapat pagtuunan ng pansin. Kaya nakapagdesisyon na ako. Pakakawalan na kita sa puso ko... sa buhay ko. Tatanggapin ko na 'yong masakit na kinahitnan ng storya natin.

Mahirap para sa kanya ang desisyon na ito. Pero gagawin niya ito para sa kanyang sarili. Hindi maaaring patuloy na lang siyang mamumuhay sa nakaraan.

"Babe, halika na. Mags-swimming na tayo. Sunset na, o. Hindi na mainit!" narinig niya ang masigla at excited na sigaw ni Euvelyn mula sa loob ng kwarto.

"Yeah, I'm coming."

Sana kung nasaan ka man ngayon ay masaya ka na. Hindi ko hihingin na magkita tayong muli pero kung sakaling mangyari man 'yon, sana kaya pa nating maging magkaibigan. Sana sa pagkakataong 'yon ay magawa mo nang sagutin ang mga katanungan ko.

Thank you for the beautiful memories, Christine. I wish you all the best in life.

Napangiti siya. Ang luwag na ng pakiramdam niya dahil kahit papaano'y nailabas niya ang lahat ng nararamdaman niya. Iyon na ang simula ng pagbabagong-buhay niya. He clicked the "send button" at isinara na ang kanyang laptop. Tumayo siya at tumingala sa langit.

Kaya ko naman siguro, di'ba? Kaya ko naman sigurong kalimutan siya, aniya sa kanyang isip.

Tumangu-tango siya bilang hudyat na kakayanin niya. Binuksan niya ang sliding door at pumasok sa loob ng kwarto. Nakita niya si Euvelyn na nakatayo sa harap ng salamin. Nakasuot ito ng bathrobe upang takpan ang bathing suit nitong suot.

"Mukhang excited na excited ka talaga, ah," aniya rito.

Nilingon siya nito nang nakangiti nang maluwag. Lumapit ito sa kanya at ipinaikot ang mga kamay sa kanyang batok.

"Syempre, ang tagal kaya nating pinlano ang bakasyong 'to. Ngayon lang natupad."

"'Wag kang mag-alala, kapag parehas tayong hindi busy, dadalas-dalasan natin ang pagbabakasyon kagaya nito."

"I like that." Dinampian siya nito ng halik sa kanyang labi. "I love you."

"I love you too."

Si Euvelyn... hindi niya ako iniwan. Siya ang dahilan kung bakit ko nagawang bumangon. Masaya ako kasama siya. Parang perpekto na nga ang lahat, eh. Parang naaalala ko dito 'yong relasyon namin ni Christine noon.

Sana lang ay hindi na ito masira pa. Sana walang komplikasyong dumating.

Magkahawak-kamay na lumabas sila ng kwarto at nagtungo sa beach. Hinubad nito ang bathrobe at lumantad sa kanya ang maganda nitong katawan.

"Paunahan tayo sa dagat, ano?" panghahamon nito sa kanya.

He smirked. "Challenge accep--" Hindi pa niya natatapos ang sasabihin ay nag-umpisa na itong tumakbo ng mabilis habang tumatawa nang malakas. Natawa na rin siya at hinabol ito. Nang maabutan niya ito ay binuhat niya ito at sabay silang nagtampisaw sa dagat.

Marami nang nagbago. Pero pati kaya ang laman ng puso nila'y nagbago na rin?

Tapos na nga ba ang lahat? Tapos na nga ba sina Chance at Christine? Wala na nga bang pahabol ang malupit na tadhana sa kanila?

Patuloy na umiikot ang mundo. At habang umiikot ito, walang tigil ang pagpapasabog nito.

Paano kung muli silang magkita? Ano ang mangyayari? Mahal pa rin kaya nila ang isa't-isa? Paano naman si Euvelyn?

Sino ang magiging masaya? Sino ang masasaktan?

A Step BackwardsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon