"JENNY, ikaw muna ang um-attend ng meeting para kay Paul."
Kabababa lamang ni Jennifer mula sa kanyang silid nang maulinigan niyang nagsalita ang kanyang Ate Janice. Pasalampak na umupo siya sa silya sa harap ng mesa at nagsimulang lantakan ang kanyang almusal. Wala na ang iba pa nilang kasama sa kanilang kaharian. Malamang na nagsialisan na ang mga iyon nang maaga para sa kanya-kanyang gawain para sa araw na iyon. Mula nang umuwi siya galing Japan ay wala na siyang ginawa kundi ang magpakalat-kalat na lang sa mga mall at makipagkita sa mga dating kaibigan. Kapag hindi naman busy ang boyfriend niya na si George Ryan, ito naman ang pinag-uukulan niya ng atensiyon. Malapit na kasi itong sumakay sa barko bilang chief engineer. Kaya sinusulit na nila ang mga sandaling puwede silang magkasama.
Hindi magkapareho ang estado ng pamumuhay nila ni George at ayaw sa kanya ng mga magulang nito, dahil ano lang ba siya? Dati lang siyang receptionist sa isang hotel sa Japan na natipuhan ni George dahil sa kanyang angking kagandahan nang magbakasyon ito sa Japan. Hindi na siya nagpakipot pa noon, dahil hindi niya ugaling magpakipot kung gusto rin naman niya ang isang lalaki. At dahil minsan lang siyang may matipuhan—at nagkataong gusto rin siya nito—hindi na nagdalawang salita pa si George Ryan. Dalawang linggo lang ang pinadaan niya at boyfriend na niya ito. Ano ba ang malay niya na isa iyon sa mga bagay na ikadidismaya ng pamilya ng binata sa kanya.
Gayunman ay itinuloy pa rin niya ang pakikipagrelasyon kay George hanggang sa hilingin nito sa kanyang umuwi na siya sa Pilipinas para maipakilala sa pamilya nito. Dahil gusto niyang baguhin ang pagkadisgusto sa kanya ng pamilya ng nobyo ay sinunod niya ito—kahit ang kapalit pa niyon ay wala na siyang trabahong babalikan sa Japan. Hindi na niya inisip ang magiging konsekwensiya ng gagawin niya, mapatunayan lang niya sa pamilya ni George kung ano ang kaya niyang iwan para sa nobyo. Pero sa halip na gumanda ang impresyon ng mga ito sa kanya, lalo pa iyong napasama. Inisip ng mga ito na kaya siya umalis sa trabaho ay dahil inaasahan na niyang ang kasintahan na ang bubuhay sa kanya.
"Such a gold digger!" walang-habas na paratang ng mga ito sa kanya. Kung hindi lang siya sinuyo ng kasintahan ay talagang bibitiw na talaga siya sa relasyon nila.
"Pagpasensiyahan mo na sila. Ang mahalaga, nagkakaunawaan tayo at alam mong mahal kita. Hindi naman sila ang pakikisamahan mo, kundi ako," sabi sa kanya ni George. Pero hindi niya yata kakayanin na sa habang-panahon ay ganoon ang treatment ng mga ito sa kanya—kung sakaling maging mag-asawa na sila ni George. Sa kabilang banda, lagi niyang iniisip ang ginagawang pagpupursigi ni George maisalba lamang ang kanilang relasyon. Kaya naman kahit paano, nagkakaroon pa rin siya ng lakas ng loob para ipaglaban ang relasyon nila ng nobyo.
"Bakit ako pa, Ate? May lakad ako ngayon," reklamo niya rito.
"Wala namang kuwenta 'yang pupuntahan mo. Maglalakwatsa ka lang kasama ni Azi. Samantalang ako, kailangan sa flower shop ngayon dahil marami kaming orders na kailangang asikasuhin. Bakit ba kasi hindi ka pa maghanap ng trabaho mo nang hindi ganyang inaaksaya mo lang ang oras mo sa mga walang-kuwentang bagay?" sermon na naman nito sa kanya.
Tama nga naman ito. Wala talagang kuwenta ang mga pinaggagagawa niya sa araw-araw. Pero hindi ibig sabihin niyon na kaya siya walang trabaho ay dahil tamad siya o hirap na matanggap sa trabaho. Sa katunayan, napakaraming trabaho ang puwede niyang pasukan dahil dalawang course ang natapos niya—Business Management at Tourism. Kaya lang, pinili niyang sundin ang nais ni George. Huwag na raw muna siyang mag-apply ng trabaho dahil gagawan nito ng paraan na magkasama sila sa pagsakay sa barko. Iyon nga lamang, baka abutin pa nang ilang buwan bago siya nito maisama. Mauuna muna itong umalis sa isang linggo, at tatlong buwan ang kontrata nito sa barko.
![](https://img.wattpad.com/cover/123928221-288-k444253.jpg)
BINABASA MO ANG
Chasing A Prince Trilogy (COMPLETED Published)
RomanceRepublished. Written by: Gazchela Aerienne Consist of three stories. Book1: You're The Puzzle Of My Heart Book2: Unchain My Heart Book3: Silent Commitment The stories are all came from unedited files so expect the worst grammar. :) Enjoy Reading! H...