"FRIEND, ano ba naman 'yang pinsan mo? Wala man lang pakiramdam. Magdadalawang taon na nga akong nagpaparamdam ng pagsinta ko sa kanya, wa epek pa rin," ani Jennifer sa kaibigang si Rachel.
"Paano, bato naman yata 'yang sinisinta mo," nakangising sabad ni Azinnett.
Nasa ladies room silang tatlong magkakaibigan, nagpapaganda habang nagtsitsismisan. Araw-araw ay ganoon ang routine nila, pagkatapos mananghalian ay deretso sila sa comfort room. Iyon ang lugar na nagsisilbing parlor nilang tatlo.
"Pinsan ko lang si Ryan at hindi ko hawak ang puso niya, kaya hindi ko masasagot ang tanong mong 'yan," tugon ni Rachel pagkatapos nitong maglagay ng clear mascara. "Ang tanging magagawa ko na lang para sa 'yo ay ang suportahan ang pagsinta mo sa kanya."
"Parang gusto ko na yatang sumuko," malungkot na sabi niya.
"Loka!" duwetong asik ng dalawa sa kanya.
"Ngayon mo pa naisip 'yan? Todo na ang effort na ibinuhos mo," ani Rachel.
Wala naman talaga siyang planong isuko ang pag-ibig niya para kay Ryan. Pero kahit kasi isang tingin lang nito sa kanya ay hindi niya mahagip—puwera na lang siguro kung talagang kailangan at wala itong choice. Hindi na kasi niya alam kung ano pa ba ang dapat niyang gawin, mapansin lamang siya nito.
Araw-araw, tuwing makakasalubong niya si Ryan ay todo ang ngiting ibinibigay niya rito. Minsan nga, pakiramdam niya ay nagmumukha na siyang lukring sa kakangiti rito. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi siya nito ginagantihan ng ngiti.
Officer si Ryan ng student organization ng school nila na nagbabantay sa tapat ng gate tuwing umaga para sitahin ang mga estudyante na incomplete sa uniform at walang ID. Kaya kapag ito ang nakatoka sa pagbabantay ay sinasadya niyang alisin ang ID o kaya ay ang necktie niya upang sitahin siya nito at tapunan ng atensiyon. Subalit hindi rin umeepekto iyon. Minsan nga ay naulinigan pa niya ang sinabi nito sa kasama nito nang hindi siya nito sinita dahil hindi niya suot ang kanyang ID.
"Complete 'yon. Mamaya niya isusuot ang ID niya kapag nasa classroom na siya."
Mukhang alam ni Ryan na sinasadya niya ang mga ginagawa niya mapansin lamang siya nito.
"Ayoko na talaga. Suko na ako," deklara niya.
"Ano ka ba naman? Ngayon ka pa ba susuko?" nababahalang pigil ni Rachel sa sinabi niya. "Malapit na ang JS prom. Dapat nga, mas todo effort kang magpapansin sa kanya para ikaw ang yayain niyang ka-date."
"Wala na akong care sa prom na 'yan," bale-walang sabi niya.
"Sigurado ka?" nananantiyang tanong pa ni Rachel.
"O-oo... Yata? Ah, basta! Kakalimutan ko na ang pagsinta ko sa kanya. Tara na nga," yaya niya sa mga ito at naglakad na siya palabas ng comfort room. Napansin niyang umiiling-iling na lang na sumunod sa kanya ang mga kaibigan. Ngunit bigla rin siyang huminto sa paglalakad at umakmang babalik sa loob ng comfort room.
"O, bakit?" tanong ni Azinnett.
"Naiihi ako. Mauna na kayo. Hintayin n'yo na lang ako ro'n sa pathway."
Tinanguan lang siya ng dalawa at pumasok na uli siya sa loob ng banyo. Palabas na siya ng comfort room nang masalubong niya si Ryan. Papunta marahil ito sa men's room. Gayon na lamang ang pagririgodon ng puso niya pagkatapos mapansing ngiting-ngiti ito sa kanya. Nag-iba yata ang ihip ng hangin. Bakit bigla nitong naisipan na ngitian siya? Nadagdagan ba ang mga pabrika na nagbubuga ng masamang usok sa lugar nila at naapektuhan ang isip ng kanyang irog? Kung ganoon nga, aba, imumungkahi pa niya sa pamahalaan na magpatayo pa ng mga pabrika at nang lalong ma-pollute ang utak ng kanyang sinisinta.
![](https://img.wattpad.com/cover/123928221-288-k444253.jpg)
BINABASA MO ANG
Chasing A Prince Trilogy (COMPLETED Published)
RomanceRepublished. Written by: Gazchela Aerienne Consist of three stories. Book1: You're The Puzzle Of My Heart Book2: Unchain My Heart Book3: Silent Commitment The stories are all came from unedited files so expect the worst grammar. :) Enjoy Reading! H...