Chapter 6

4.8K 105 0
                                    

CHAPTER 6

NAKATUNGANGA habang nakapangalumbaba si Azinnett sa kanyang laptop at walang sawang tinitingnan ang larawan ni Sean Cedric na ginawa niyang screensaver. Walong araw na siyang nagtatrabaho para kay Sean bilang assistant daw nito pero mas tama yatang tawagin siyang julalay or PA dahil kung saan-saan lang naman ito nagpupupunta at pinapapagbitbit siya ng kung anu-anong gamit nito habang kung sinu-sinong babae ang kausap sa cellphone at nakikipaghalakhakan. May pagkakataon pa nga na ngali-ngali na niyang ihambalos rito ang mga sari-saring papeles na laman ng file case nitong di naman nito ginagamit. Nais lang talaga siya nitong pahirapan at asarin. Subalit kapag desidido na talaga siyang saktan ito dahil napipikon na siya sa pagpapahirap nito sa kanya, nagbabago bigla ang isip niya matapos matunghayan ang kagwapuhan nito. Ganon kalakas ang kapangyarihan ng kagwapuhan nito sa kanya.

Kaya sa huli, ang nagiging konsolasyon nalang niya ay ang kunan ito ng mga stolen shots. Lalo na kapag natutulog ito. At talagang nag-uumapaw na naman ang paghanga niya rito kapag gayong minamasdan ang kakisigan nito sa mga larawan.

Napabuntong-hininga nalang siya. Talagang hanggang pagpapantasya nalang nga yata siya. Mula noon magpahanggang ngayon ay mananatiling sinosolo niya ang damdaming mayroon siya para kay Sean Cedric. Noong una, inakala niyang infatuation lang ang nadarama niya para rito. Subalit matapos ang walong taong lumipas na di niya ito nakasama at labis na pinangulilaan ang presensiya nito, napatunayan niyang hindi mababaw na damdamin ang nadarama niya para dito.

Abot-kamay niya ang paraan para komonekta rito pero di niya ginawa. Labis niyang ikinatatakot na baka isipin nitong desperada siyang kumonekta rito. Sabihin ng pride ang pinairal niya, pero iyon nalang ang tanging mayroon siya upang kahit paano ay maisalba ang kanyang sarili sa kanyang lihim na kabaliwan sa binata. Isa pa, di na rin naman ito komonekta sa kanya matapos nitong umalis ng bansa. Bilang babae, nakakababa naman ng dignidad na siya ang mauunang komonekta.

"Haizt!"naiiritang ginulo ni Azinnett ang sariling buhok."Tama ba itong mga nangyayari?"pagkausap niya sa larawang nasa screensaver ng laptop.

"Alam mo? Napakadami ko pang dapat asikasuhin eh. Pero dahil sayo, hindi na ako nakakapagtrabaho ng maayos. Dapat nasa Italya ako ngayon. Pero dahil dito sa mga kalokohan mo, natetengga ako dito sa bahay mo."

Di niya malaman kung ano na namang tumakbo sa utak niya at bigla niyang p-in-ostpone ang kanyang trabaho sa Italy dahil lang sa isang salita ni Sean. Sinabi na niya sa binata na may trabaho siya na kailangang asikasuhin sa labas ng bansa pero di ito pumayag dahil may pupuntahan din daw silang kabundukan sa Surigao del Sur para sa research nito. Kung tutuusin naman ay pwede niyang tanggihan iyon. Subalit mas inilagay niya sa bingit ng alanganin ang trabaho niya para lang sundin ang utos ng lalaking ito.

Okay, aamin na siya. Kahit na ipilit niya sa sariling iiwas na siya rito ay bigla-bigla pa ding nagbabago ang kanyang isip sa huling sandali. Mas gusto pa din niya talaga ang lapitan ito maski ginagawa lang siya nitong alila, at maski napaka-moody nito. May pagkakataon na mabait ito sa kanya may sandali namang trip nitong pahirapan siya. And funny that she can still tolerate his attitude. Nakakalito man ang pagmo-moodswing nito ay ikinatutuwa pa din niyang nasa tabi siya nito.Sandaling panahon lang ito sa bansa kaya't kahit paano, kalahating bahagi ng pagkatao niya ang nagnanais na makasama ito sa kakaunting panahon na iyon.

"Letse ka! Puro ka lang naman pasarap sa buhay, ano ba talagang gusto mong bruho ka?"

Kanina pa siya sa receiving area ng bahay ni Sean pero magpahanggang ngayon ay di pa din lumalabas ang binata. Sinabihan pa naman siya nito na agahan niya ang pagtungo roon dahil maaga daw silang aalis. Pero alas-otso na ay di pa din ito lumilitaw sa kanyang harapan.

Chasing A Prince Trilogy (COMPLETED Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon