CHAPTER TWO
"I GLADLY nominate,Ryan Mercado for escort," pahayag ni Jennifer sa harap ng mga kaklase sa 4 A class.
Unang linggo ng pasukan at kasalukuyan silang naghahalal ng class officers nila. Siyempre, hinding-hindi siya makakapayag na matalo ang kanyang pinakaiirog na si Ryan Mercado. Third year high school sila nang una niya itong mapansin habang gumagawa sila ng group activity sa Chemistry. Nag-e-experiment sila nang araw na iyon at muntik na niyang mabitiwan ang test tube na naka-assign sa kanya. Mabuti na lamang at mabilis kumilos si Ryan. Nasalo nito ang test tube at ibinalik sa kanya. Pinalis pa nito sa kanyang mukha ang ilang hibla ng buhok na nililipad ng hangin mula sa ceiling fan. Mula nang araw na iyon ay hindi na niya ito nakalimutan. Sa tuwina, palagi niyang tinitiyak na magiging magkagrupo sila sa lahat ng projects at activities nila sa classroom. Tuwing pabibilangin na sila ng teacher nila para sa groupings, binibilang na agad niya kung ano ang magiging grupo nito at saka siya kukuha ng puwesto upang maging magkagrupo sila. Minsan naman ay nakikiusap siya sa mga kaklase nila upang makipagpalit sa kanya ng grupo, makasama lang niya ito. Subalit sa lahat ng pagkakataong iyon, ni minsan ay hindi siya nito pinag-ukulan ng pansin. Bale-wala lang dito ang mga pinaggagagawa niya mapansin lang siya nito. Ayos lang naman iyon sa kanya, ang mahalaga ay wala itong nililigawan sa napakaraming babae sa campus nila na nahihibang dito. May-pagkasuplado kasi si Ryan kaya talagang mahirap sungkitin ang puso nito.
"I second the motion," segunda agad ni Rachel upang wala nang makapaghain ng objection.
Wala nang sino man ang nagtangka na magpasok pa ng nominasyon kaya awtomatikong ito ang nahalal bilang escort. At dahil silently proclaimed na yata ang damdamin niya para kay Ryan sa klase nila ay nagkaisa ang mga kaklase niya na ihalal siya bilang muse. Siyempre, masayang-saya siya sa ginawa ng mga ito. Sa lahat kasi ng programs sa school na nangangailangan ng magkaparehang representatives ng klase ay parating sila ni Ryan ang representative ng kanilang klase. Ang dami tuloy niyang souvenir pictures dito.
"NASAAN na naman si Azi?" pukaw ni Jennifer kay Rachel. Nasa canteen sila at kasalukuyang nagme-merienda.
"Nasa library," bale-walang tugon ni Rachel sa kanya sabay kagat sa cheesecake na binili nito. Minsan talaga, hindi niya mapaniwalaan ang katakawan ng kaibigan niya.
"Bago 'yan, ah? Kailan pa natutong pumasok ni Azinnett sa library?" nagtatakang komento niya. Sa pagkakaalam niya, mas gustong pumunta ni Azinnett sa photography room sa college department kaysa ang pumunta sa library.
"Since that gray-eyed guy walked in front of her," sagot ni Rachel na nasa pagkain pa rin ang atensiyon.
"Who?" naku-curious na tanong niya.
"Sean Cedric de Asis."
Kilala na niya kung sino ang tinutukoy nito. Si Sean ay ang Swedish-Filipino guy na nag-transfer sa eskuwelahan nila nang taong iyon. Naging maingay agad ang pangalan ni Sean dahil sa taglay nitong kaguwapuhan. Nakadagdag pa sa features nito ang pagkakaroon nito ng dugong-banyaga, pure Swedish ang ama nito. At dahil minsan lang magkaroon ng half Sweddish-half Filipino sa eskuwelahan nila ay talagang pinagkakaguluhan ito, lalo na ng mga babaeng estudyante.
"Paano nagpang-abot ang alikabok na si Azinnett at ang prinsipe na hindi yata sumasayad ang mga paa sa lupa?" nagtataka pa ring tanong niya. Mayaman si Sean Cedric, palagi itong may kasamang tagasilbi at bodyguard mula noong kuyugin ito ng mga babaeng estudyante sa paaralan nila.
"Aba, malay ko! Siya na lang ang tanungin mo," tugon nito habang patuloy pa rin ito sa pagkain. Ang pasta na ang nilalantakan nito. Hindi na siya nagtaka nang mayamaya lamang ay nabilaukan ito sa dami ng pagkaing isinubo nito.
BINABASA MO ANG
Chasing A Prince Trilogy (COMPLETED Published)
RomanceRepublished. Written by: Gazchela Aerienne Consist of three stories. Book1: You're The Puzzle Of My Heart Book2: Unchain My Heart Book3: Silent Commitment The stories are all came from unedited files so expect the worst grammar. :) Enjoy Reading! H...